Wasak ang Puso ng Babae Dahil sa Pagkawala ng Kanyang Ina, Di Niya Akalaing Dadalawin Siya Nito sa Panaginip at Sasabihin ang Huling Hiling sa Kanya

Pinalaking mag-isa ng kanyang ina si Cristine, ang tatay niya ay sumama sa ibang babae noong dalawang taong gulang pa lamang siya at di na muli pang nagpakita. Nagtrabaho ang kanyang ina bilang katulong, labandera, tindera at kung anu-ano pa basta may maipakain lang sa kanya. Nang siya’y magdalaga ay hindi na siya nagtangkang hanapin ang kanyang ama, katwiran niya, kung gusto talaga silang makita nito edi sana ay noon pa. Hindi naman sila lumipat ng tirahan, ang huling balita nila ay may iba na raw itong pamilya.

Ayos lang kay Cristine iyon, dahil hindi nagkulang ang kanyang nanay sa pagmamahal sa kanya. Sobra-sobra pa nga, ito ang tumayong ama at ina niya. Sa katunayan, kahit kailan ay di siya nito tinuruang magalit sa kanyang tatay, kusa na lang iyong naramdaman ni Cristine dahil di matanggap ng puso niya na ang napakabait na babaeng gaya ng nanay niya ay nagagawa pa ring lokohin.

Dahil matalino si Cristine ay natanggap siya sa iba’t ibang scholarship program kaya di na namroblema pa ang kanyang ina sa matrikula niya sa kolehiyo, matapos ang ilang taong pagod at hirap ay nakapagtapos siya, maluha luha silang mag ina habang nagmamartsa para kunin at diploma at medalya.

Kaya naman nang pumanaw ang ginang isang buwan na ang nakakalipas ay halos gumuho ang mundo ng babae, ni hindi niya pa naipararanas dito ang maginhawang buhay. Bale ang plano niya sana sa unang sweldo ay mag-ma-mall sila ng nanay niya, makatikim man lang ito ng kaunting sarap sa buhay, makapasok man lang sana ito sa isang lugar na aircon, di kaya’y makaranas na kumain ng masarap sa isang restaurant. Pero lahat iyon ay hindi na mangyayari pa.

“Bakit ka ganyan sa nanay ko? Bakit ang damot mo?” umiiyak na sabi niya sa kanyang kwarto, nakatingin sa itaas. Pilit tinatanong sa Diyos kung bakit, bakit sa dami ng mabubundol, nanay niya pa?

Nakatulugan na niya ang pag iyak. Kinabukasan, araw ng linggo ay mayroon siyang di inaasahang bisita. Mula sa mga litratong naitago ng kanyang ina ay nakilala niya ang lalaki. Sino pa ba, ang magaling niyang tatay.

“O, kung kailang wala na ang nanay ay magpapakilala kayo sa akin? Bakit ho? Inuusig kayo ng kunsensya?” sabi niya sa may edad na ring lalaki.

“Anak, patawarin mo sana ako. Oo nagkaroon ako ng ibang pamilya pero sinubukan ko namang puntahan ka, kaya lang anak nakulong ako sa abroad. Maraming taon..kauuwi ko lang nang mabalitaan kong pumanaw na si Celia..” paliwanag ng lalaki, di niya ito inintindi. Sa halip ay patuloy niya itong pinagtabuyan hanggang sa wala nang magawa ang lalaki kundi umalis na lang.

Advertisement

Muling bumalik sa kwarto si Cristine at umiyak nang umiyak. Sana, katulad nalang ng dati na kapag may problema siya ay lalambingin siya ng nanay niya, susuklayan, ipagluluto ng meryenda, yayakapin. Pero wala na. Nakatulugan ni Cristine ang pag iyak.

“Anak..”sabi ng kanyang nanay. Lumingon siya rito at inabot ang suklay. 

“Suklayan mo ako nanay, namimiss ko na yan.” sabi niya rito. Pinahiga siya ng ginang sa hita nito at sinimulang suklayin ang kanyang buhok.

“Anak, ang tatay mo. Hindi siya masamang tao.. nagsasabi siya ng totoo.” sabi nito.

“Iniwan ka niya dati nanay. Sinaktan ka niya kaya wala siyang mapapala sa akin.” sagot niya naman dito.

“Anak ako nga napatawad ko na siya. Tsaka hindi ako mapapanatag eh, kapag wala kang kasama. Pag nariyan ang tatay mo alam kong may magpo-protekta sayo. Bigyan mo siya ng pagkakataon. Alisin mo ang galit sa puso mo..I love you baby ko.” 

Nagising si Cristine na puno ng luha ang mata, nangungulila. Akala niya ay buhay na ulit ang kanyang nanay at mayayakap na niya pero panaginip lang pala ang lahat. Lalong binalot ng lungkot ang kanyang puso. Babangon na sana siya sa kama nang manlaki ang mata niya sa nakita, napahawak siya sa dibdib at napahagulgol.

Sa tabi niya ay naroon ang suklay na ginamit ng kanyang nanay.

Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.