Inagawan na nga Nobyo, Nilait-lait pa ang Babae dahil sa Pagiging Mataba; Napanganga na Lamang Sila Dahil sa Malaking Pasabog na Kanyang Baon
Simple lamang na babae si Reynalyn, may pagsingkit ang mata, maamong mukha, at tamang tangkad para sa isang babae. Ang mga hinahangaang katangian niya ay ang pagiging masipag at matalino, higit sa lahat, mapagmahal na anak at kaibigan.
Lumaki si Reynalyn sa pamilya ng may-ari ng mga panaderya. Salin-lahi na rin siguro ang pagkahilig ng kanilang pamilya sa paggawa ng masasarap na tinapay. Panganay siya sa dalawang magkapatid, kaya madalas ay siya ang inaasahan ng pamilya na tumulong sa negosyo.
Kahit na nagtataglay ng simpleng kagandahan at talino ay madalas siyang inaasar ng ilang tao, dahil sumobra ng kaunti ang kanyang timbang. Ang pinakamortal niyang kaaway ay si Lina, na anak ng may ari ng kalabang panaderya sa tapat lang mismo ng kanilang tindahan.
Umibig si Reynalyn sa isang gwapong lalaking nagngangalang Kiko ngunit niloko siya nito at ipinagpalit sa babaeng kinamumuhian niya, si Lina.
“Eh kung sa katawan lang ba naman ang pagpipilian, talagang iiwanan ka nga ni Kiko. Tignan mo ako parang bote ng Coke,” pagyayabang ni Lina habang ipinapakita ang kurba ng katawan.
“Oo, yung payat na lata, walang kasi kahubog-hubog man lang, at kung pinagyayabang mo lang din naman ‘yang ex ko, eh di magsama na kayo!” galit na tugon naman ni Reynalyn.
“Talaga! Dahil kami ang nababagay, ang gwapo ay para lamang sa magagandang tulad ko,” pagtataray ng babae.
“Bagay talaga kayo, pareho kasi kayong basura. Yung mukha mo parang yung tinapay na tinda niyo, inaamag na, matigas pa. Tse!” hinawi na Reynalyn ang kanyang buhok at saka tumalikod.
Matapang si Reynalyn at may paninindigan ngunit kahit na ganoon ay nasasaktan pa rin siya. Minahal niya ng totoo si Kiko ngunit sakit sa kalooban lang pala ang isusukli nito. Ibinuhos na lang niya ang lahat ng luha ng araw na iyon.
Madalas ay nakikita niya si Kiko na kasama si Lina habang nagtitinda din ng tinapay. Tumatawa ang dalawa at sinasadyang iparinig sa kanya ang mga halakhak, minsan ay sasadyain pa ng mga ito na maghalikan tuwing si Reynalyn ang nagbebenta.
“Akala mo naman eh napaka-sweet, nakakasulasok namang tignan,” bulong ni Reynalyn sa sarili habang pinapanood ang kaaway at dating nobyo na naghaharutan.
“Manigas ka sa inggit!” sigaw ng babae mula sa katapat na panaderya.
Nagpanting ang tenga ni Reynalyn at di naman nagpatalo, “Sabihin mo yan sa mala-batong pandesal niyo at saka mo ipukpok sa ulo mo nang matauhan ka!” pasigaw niyang sagot.
Nagtawanan ang mga taong nakarinig noon.
Inaasahan ng mga kaibigan na kukuha ng kursong HRM o Culinary si Reynalyn noon upang ipagpatuloy ang pagmamahal sa panaderya ngunit ibang daan ang kanyang tinahak. Kumuha siya ng kursong Civil Engineering, at sa awa ng Diyos, kahit na maraming pinagdaanang pagsubok ay kanya itong natapos.
Sinubukan niyang mag-aplay sa iba’t ibang kumpanya sa Maynila at sa kabutihang palad ay natanggap siya sa isang establisyemento na pinamamahalaan ng mga Australiano. Dito sila sa Pilipinas nakabase.
Kahit naman may trabaho na ay hindi pa rin niya pinabayaan ang tungkulin sa kanilang panaderya.
Ipinakilala siya sa kanyang mga matataas na boss at sinimulang mabuti ang unang araw sa kumpanya. Habang nanananghalian mag-isa ay laking gulat niya na may umupo sa kanyang harapan.
“Do you mind if I join you?” tanong ng kanyang boss na si Dustin. Matangkad ito, maputi at gwapo.
“No, sir. It’s okay,” nakangiti niyang tugon.
Nagpatuloy ang kanilang kwentuhan at kitang libang na libang ang kanyang boss sa mga kwentong kanyang ibinabahagi.
“Gosh, you’re so beautiful,” saad ng lalaki.
Namulang bahagya ang mukha ng dalaga, “No, sir. Can’t you see I’m fat?” at saka siya tumawa. Hindi niya alam kung binibiro lang ba siya ng boss o ano.
“No, I really think you’re beautiful just the way you are,” ngumiti ang gwapong Australiano na parang kumiliti naman sa kanyang puso.
“T-thank you sir,” nahihiyang sagot ng dalaga.
Habang nasa trabaho ay napapansin ni Reynalyn na laging nakasilip sa kanya ang boss ngunit pag tinitignan niya ito ay biglang bumabaling sa iba ang tingin.
Habang naglalakad pauwi ay nakasalubong niya si Lina kasama si Kiko, hindi na sana niya ito papansinin ngunit sadyang matalim ang bibig ng kaaway.
“Parang may naaamoy akong kakaiba,” parinig ng babae habang sumisinghot-singhot.
“Amoy tatandang dalaga. Hahaha,” at tumawa pa ito ng mas malakas, nakisali naman ang dating kasintahan sa pagtawa.
Minasahe lamang ni Reynalyn ang sentido at humarap sa dalawa.
“Alam mo kasi Lina, ugaliin mong magsipilyo araw-araw, baka kasi ‘yong matigas niyong tinapay ay nabulok na sa gilagid mo,” umirap siya ng isa at saka tumalikod.
Laking gulat niya nang biglang hilahin ni Lina ang kanyang buhok, “walanghiya ka talagang mataba ka!” sigaw ng babae habang sinasabunutan siya.
Isinarado lamang ni Reynalyn ang kanyang kamao at saka inupakan ng isang malakas na suntok ang babaeng kaaway. Tila naman nakakita ng mga bituin si Lina matapos masargo ang mukha, gumewang-gewang muna ito at saka bumagsak sa kalsada.
Kinabukasan, habang naghihintay ng jeep na masasakyan, papuntang trabaho, ay napansin niyang nagdadampi ng yelo sa mata si Lina, isang malaking pasa ang naiwan sa mata niya. Natawa lamang si Reynalyn nang ito’y makita.
Pagdating sa opisina ay nakisuyo si Dustin sa kanya na magtimpla ng kape, bilang masunuring empleyado ay kanyang itong ginawa.
“Uhmm, this coffee is really good. Sweet just like your beautiful smile,” nakangiting wika ni Dustin.
“Boss, you are always making bola,” sagot ni Reynalyn.
“What do you mean ‘bola?’” tanong naman ng Australiano.
“You know, those sweet, flowery words…” mahina niyang tugon.
“Why? Am I making you blush?” muling tanong ng lalaki.
“Hay naku boss, I am going to my desk now,” nagmamadaling lumabas si Reynalyn dahil pakiramdam niya ay umiinit na ang kanyang mukha, at baka bigla na lamang siyang mamulang muli.
Madalas ay kinakantyawan siya ng mga kaopisina dahil laging sumasabay sa kanyang kumain si Dustin. At ang Australiano naman ay tuloy pa rin sa pagbibigay ng magagandang komento sa kanya.
Araw-araw sa opisina ay laging mayroong kape o kaya naman ay tsokolate at rosas sa ibabaw ng kanyang lamesa. Di man niya aminin, nakakaramdam siya ng matinding kilig dahil doon.
Nagkaroon ng malaking selebrasyon sa opisina dahil sa taunang anibersaryo, at sa harap ng maraming tao at empleyado, ay nagtapat ng damdamin ang Australiano kay Reynalyn.
“Why me?” tanong ng dalaga.
“I am chubby. I am fat, okay?”
“I don’t care. In my eyes, you are perfect,” lumuhod ang lalaki sa kanyang harapan.
“Puwede ba kitang ligawan?” tanong ng Australiano na tila ba napipilipit ang dila habang nagsasalita ng Tagalog.
Nag sigawan naman ang mga tao doon at kumakantsaw ng ‘Yes!’. Hindi makapaniwala si Reynalyn sa mga nangyayari. Napakabilis ng mga pangyayari, ngunit tinignan niya ang magagandang mata ng lalaki at nakita niya ang sinseridad nito.
Ilang buwan pa ang lumipas at ibinigay ni Reynalyn ang kanyang matamis na matamis na ‘oo.’
Habang tumatagal niyang nakikilala ang lalaki, ay lalo siyang nahuhulog dito. Napakabait ng lalaki sa kanya maging sa kanyang pamilya. Halos lumuwa naman ang mata ni Lina nang minsang dalhin ng dalaga ang australiano sa kanilang bahay.
Di naman naglaon at nagpakasal ang dalawa. Lumipad silang sabay patungong Australia at doon nanirahan sa loob ng limang taon.
Sa nalalapit na pasko noon ay napagdesisyunan ng mag-asawa na sa Pilipinas ito ipagdiwang, at upang makasama din ng magulang ng babae ang kanilang apo sa kanya.
Pagbaba ni Reynalyn ng sasakyan ay tila hindi na siya makilala. Lalong lumabas ang kanyang ganda, sabayan pa ng napakagandang katawan.
Napansin ni Reynalyn na nakatingin sa kanya si Lina, na hawak at tatlong maliliit na anak habang nakasuot ng daster, kaya’t humarap siya dito at nagmodelo sa harap ng dating kaaway.
Hinaplos niya ang makurbang katawan at saka hinawi ang buhok, habang nakatingin sa patong-patong na bilbil ni Lina. Ngumiti lamang siya at saka tumalikod habang kumekembot na lumalakad. Halos lumuwa naman ang mata ng babaeng kaaway dahil sa nakikita.
Nabalitaan din niya na hiniwalayan ni Kiko si Lina matapos manganak sa pangalawa nilang supling, dahil naging sobrang taba na daw nito. Ngayon ay may anak naman si Lina na isa sa matandang nagmamasa ng tinapay sa kanila noon.
Napalago naman nila Reynalyn ang kanilang panaderya at ngayon ay isa na itong malaking Bakeshop at Café.
Wala nang mahihiling pa si Reynalyn sa kanyang buhay ngayon. Mayroon siya mapagmahal na asawa, napakagandang anak, maayos ang negosyo ng pamilya at gandang di mo inakala.
Noon ay tinutukso-tukso at nilalait-lait lamang ng mga kaaway, dahil tatanda daw itong dalaga, ngunit isang malaking sampal sa mukha nila ng makapag-asawa ito at gumanda pa lalo ng sobra.
Naging mapagkumbaba pa rin naman siya, at patuloy na pinalalago pa ang negosyo. Naging masaya ang selebrasyon nila ng pasko at bagong taon noon.
Tunay ngang ang buhay ay parang gulong lamang, minsan kung sinong nasa baba ay siyang itinataas, at kung sino naman ang nagmamataas ay siyang binababa. Naging masakit nga lang ang paglagapak ni Lina dahil sa kasamaan nito noon.