Nagtataka na ang Lahat Kung Bakit Walang Nagtatagal na Yaya sa Batang Babae; May Kahindik-Hindik Pala Itong Pinagdadaanan

“Tama na! Tama na! Ayaw, ayaw, ayaw!” Sigaw ng apat na taong batang si Nikka. Apat na taon na ito ngunit hindi pa rin ito diretso magsalita. Bigla itong nagising at nang imulat ang mga mata’y nagsisisigaw na.

“Nikka, ano ba iyang mga isinisigaw mo? Kinikilabutan ako! May iba ka bang kausap, baby? May nakabati ba sa iyo nang mamasyal tayo kanina sa park?” Saad ni Klaring, ang bagong yaya ng bata. Wala pa itong isang lingo sa pamilya Suarez ngunit nagbabalak na itong umalis. Ipinasok lamang siya doon ni Aling Juaning, ang kaibigan ng kaniyang ina na siya ring nagbenta ng bahay na iyon sa mag-asawang amo.

Nang mahimasmasan ay nilaro na lamang ng bata ang kaniyang mga manyika. Kinakausap pa nito ang mga iyon na tila bang tunay itong mga bata.

“Ate Macy, habulin mo ako!”

“Zoey, hindi ka kasali! Maupo ka lang diyan!”

Sa takot ni Klaring ay binuksan na lamang niya ang TV.

Halos malaglag siya sa kinauupuan nang mag-ring ang kaniyang cellphone.

Lumabas muna siya ng silid bago sagutin ang tawag ng ina. Medyo malakas kasi ang volume ng TV. Iniwan na lamang niyang nakabukas ang pinto upang masilip pa rin ang naglalarong si Nikka.

Advertisement

Nang lumabas ng kuwarto ng bata’y naulinigan niyang nag-uusap ang dalawang amo sa kabilang silid.

“Dad, ano’ng masasabi mo sa bagong yaya ni Nikka? Mukhang mabait naman, hindi ba?” Boses iyon ng amo niyang si Jenny.

“Oo love, hindi gaya ng ibang mga yaya na tatamad-tamad at mainitin ang ulo.” Tinig naman ito ng kaniyang Sir Jerome.

“O, siya. Matulog na tayo at maaga pa ang pasok natin bukas.” Wika ni Jenny.

Sa loob-loob ni Klaring ay masaya siya sa sinabi ng mga amo. Dahil dito’y medyo gumaan ang kaniyang mabigat na pakiramdam.

Pumuwesto siya sa may hagdan upang walang makarinig sa pag-uusap nila ng ina.

“Nay, wala naman po akong problema sa pamilya nila kaya lamang ay napapansin kong madalas bugnutin ang alaga kong si Nikka. Sumisigaw ba naman ng “TAMA NA!.” Nakakatakot! Diyos ko. Isa pa’y baka akalain pa ng mga amo kong sinasaktan ko ang bata.”

“Nak, ipatawas ko kaya ang alaga mo? Hihingin ko rin ang opinyon ng albularyo dito. Huwag mo naman siyang sukuan. Malaki ang utang na loob ko sa mga magulang ni Jenny. Napakabuti nilang mga amo. Tandaan mo… Nang magkasakit ka noong bata ka pa’y tinustusan nila ang mga gastusin sa ospital at sila rin ang dahilan kung bakit tayo nakapagpatayo ng bahay dito sa probinsya. Kawawa naman si Nikka, wala pa siyang muwang sa mundo. Ang sabi ni Juaning, anim na yaya na daw ang pumasok at lumayas sa bahay nila Mrs. Suarez dahil maldita ang batang iyan. Hindi na nga daw nagpapaalam ang mga ito at bigla na lang lumalayas. Ikaw na nga daw ang pinaka-nagtagal diyan. Kaya anak, mahalin at unawain mo ang bata. Hindi ba’t anim na araw ka na diyan? Kaya mo ‘yan, anak.”

Advertisement

“Nay naman! Bakit ngayon niyo lang sinabi? Kung alam ko lang ay hindi na ako pumasok sana dito.” Saad ni Klaring.

Nanlaki ang mga mata ni Klaring nang makarinig ng kaluskos mula sa kusina. Sa takot niya’y nabagsak niya ang kaniyang lumang cellphone.

Biglang sumilip mula sa kusina ang isang babaeng naka-puting bestida. Palibhasa’y madilim kaya’t hindi niya maaninagan ang mukha nito.

Gusto sana niyang sumigaw ngunit tila tuyong-tuyo ang kaniyang lalamunan. Walang lumalabas na tinig dito. Gusto niyang tumakbo pabalik ng kuwarto ng bata ngunit tila nanigas ang mga paa niya.

“Klaring! Tulog na ba si Nikka?”

“Ahhh… Ahhhh…” Pilit ibinubuka ni Klaring ang kaniyang bibig ngunit walang lumalabas na tinig dito.

Lumapit ang babae at laking gulat niya nang makilala kung sino ito. Ang kaniyang among si Jenny!

“Ma’am, Panginoon ko! Ma’am Jenny! Akala ko kung sino! Kanina pa ako dito ngunit hindi ko naman kayo nakitang lumabas ng inyong kuwarto.” Nauutal na saad ni Klaring.

Advertisement

“Ha?! Kaya nga hindi pa ako umaakyat dahil wala pa ang sir mo. Natrapik daw sa EDSA.”

“Ano ho??? Ma’am kinikilabutan naman ako! May narinig akong nag-uusap sa kuwarto niyo… Boses mo iyon at ni sir…”

Maya-maya’y may narinig silang malakas na kalabog.

“Si Nikka!” Sigaw ni Klaring.

Nagmamadali silang umakyat ng kuwarto at naabutan si Nikkang tawa ng tawa. Napansin nilang nakataob na ang mga aparador sa silid ng bata.

“Diyos ko, Klaring. Sa susunod ay huwag mo nang iiwang mag-isa si Nikka.” Saad ni Jenny habang niyayakap ang bata. Halakhak pa din ito ng halakhak.

“Sama! Sama ako kay papa at mama!” Saad ng bata habang nakatingin sa may bintana.

Pilit itong kumakawala sa yakap ng ina at nagpupumiglas.

Advertisement

“Sama! Sama ako! Talon bintana! Mama! Papa!”

“Ma’am! Ano po ba’ng sinasabi ni Nikka!? Kinikilabutan akong lalo!” Wika ni Klaring habang hinihimas ang kaniyang mga braso.

Lumabas ito ng silid at binuksan ang kuwarto ng mga amo. Wala nga ang sir niya doon.

“Sigurado po akong may narinig akong boses ninyo ni sir kanina sa kuwarto ninyo ma’am!” Saad ni Klaring.

“Rinig mo si mama at papa? Ako rinig ko sila saka kita ko sila! Halika, sama tayo sa kanila! Laro tayo!” Giit ni Nikka.

“Diyos ko, Klaring. Hindi ko na alam ang gagawin ko… Noong una’y ipinagsawalang bahala ko ang lahat ngunit habang tumatagal ay nararamdaman ko na rin sila. Wala akong magawa dahil dito na napunta sa bahay na ito ang lahat ng naipon naming pera ni Jerome.”

Pinulot ni Klaring ang kaniyang cellphone at agad tinawagan ang ina.

“Anak, naipatawas ko na si Nikka. May lumabas na imahe ng mag-asawa sa natunaw na kandila, pirming nakasunod daw ito sa bata.” Saad ng kaniyang inang si Ilang Gilda.

Advertisement

Nang malaman ni Jenny ang sinabi ni Aling Gilda ay lalo itong nanghina.

“Jenny! Grabe ang pagod ko… Napakasakit ng ulo ko… Bukas pa ay ipapadala daw ako sa Baguio… May kailangang iaudit sa opisina doon. Mahaba-habang drive na naman…” Saad ng kararating lamang na si Jerome.

Nagulat ito nang makitang umaagos ang luha ng misis.

“Jerome, sa tingin ko’y kailangan na nating maghanap ng malilipatang bahay.”

“Ha? Bakit? May naramdaman na naman kayong kababalaghan? Nagpapapaniwala kasi kayo sa mga ganyan… Ikaw kasi Klaring, napapansin kong minsan ay nanonood ka ng horror.” Wika ni Jerome.

“Jerome, huwag ka na lamang kayang tumuloy? Baka……” Hindi na natuloy ni Jenny ang nais sabihin sa asawa nang marinig ang sinambit ni Nikka.

“Salbahe Jerome sabi mama papa! Sakit ulo mo tapos libing ka bangin!” Wika ni Nikka.

Napanganga si Jerome sa narinig. “Ano ang itinuturo mo sa bata, ha Klaring?”

Advertisement

“Sir, maniwala po kayo sa akin. May nagpapakita talagang mga kaluluwa kay Nikka… Ang tawag niya pa sa mga ito ay mama at papa!”

Sa galit ni Jerome ay pinalayas nito si Klaring.

“Sir, aalis ho ako ng kusa pero sana’y huwag ninyong pababayaan ang anak ninyo… Bantayan niyo siyang mabuti.” At agad na nag-impake si Klaring at nang gabing iyon din ay sumakay ito ng bus pauwi sa bayan nila sa Pangasinan.

Lumipas ang dalawang lingo at tila pagod na pagod si Jenny.

“Nikka, sana’y lumaki kang mabait na bata. Huwag mong intindihin ang mga masasamang sinasabi sa iyo ng tinatawag mong mama at papa. Kita mo naman, nag-resign ako sa trabaho upang maalagaan kang mabuti. Mahal na mahal kita, anak.” Giit ni Jenny.

“Hindi ko kayo mahal! Love ko mama and papa! Daddy libing, libing!” Pasigaw na saad nito.

Maya-maya’y nag-ring ang kanilang telepono.

“Ma’am… Kayo po ang asawa ni Mr. Suarez? Ihanda po ninyo ang inyong sarili sa sasabihin ko… Nalaglag po sa bangin ang kotseng minamaneho ng inyong asawa. Narekober po ang sasakyan ngunit wala ang katawan ng inyong asawa… Walang kahit anong bakas ni Mr. Jerome Suarez doon sa pinagbagsakan niya. Imposible naman pong nakain iyon ng mababangis na hayop sapagkat wala pang tatlumpung minuto’y sinaklolohan na siya ng aming rescue team.” Saad nito.

Advertisement

“Hindi totoo iyan! Sinungaling ka! Manloloko!!!” Agad tinapos ni Jenny ang tawag at idinayal ang numero ng asawa ngunit hindi na ito makontak.

“Yehey! Daddy libing! Wala na daddy! Saya mama, papa!” Humahagikgik pa kakatawa si Nikka.

“Mga walanghiya kayo!!! Hinahamon ko kayong magpakita sa akin!!! Mga demonyoooo!!!”

Nang mahimasmasan ay tinawagan ni Jenny si Klaring upang humingi ng tulong.

“Ma’am may sumpa po ang bahay na iyan! Umalis na kayo diyan! Matagal ko na po kayong gustong makausap ngunit pinagbilinan po ako ni sir na huwag kayong kausapin dahil lalo lamang daw po kayong maprapraning.” Saad ng dalaga.

“Klaring… Wala na kaming mga magulang ni Jerome… Wala din akong kapatid o sinumang kamag-anak na maaaring lapitan…”

Nagmagandang loob naman ang mga magulang ni Klaring na patirahin doon ang mag-ina pansamantala.

Hindi pa rin sumusuko ang mga otoridad sa paghahanap kay Jerome. Wala ding sawang sumasama si Jenny sa bawat search and rescue operation na nagaganap sa gilid ng bangin at sa mga baryong kalapit ng pinangyarihan ng aksidente.

Advertisement

Mula noon ay hindi na muling tinawag ni Nikka ang mga nagpapakita ditong mama at papa.

Naging masayahin na ito’t naging palakaibigan. Palibhasa’y napakarami nitong kalaro na kapwa mga bata na anak din ng kanilang mga kapitbahay.

Sinubukang ibenta ni Jenny ang bahay matapos itong ipa-bendisyon.

“Jenny, si Juaning ito. May buyer ka na ng bahay mo…” Nakangising saad nito.

Hindi naman makapaniwala si Jenny sa nalaman. “Sabagay, nabendisyonan naman na po ang bahay. Naniniwala akong magiging masaya na ang pamilyang susunod na titira diyan.” Saad nito.

Nang ibaba ang telepono’y tila nagsasalita mag-isa si Aling Juaning sa salitang latin habang nakayuko ito at nakatingin sa lupa.

“May susunod na naman tayong bibiktimahin… May isang pamilya na namang titira dito na ang ama’y hindi naniniwala sa mga espiritu… May bago na naman tayong iaalay sa mga diablo…” Nanlilisik ang mga matang saad ni Juaning.

“Wow, mommy, daddy… Ang ganda ng new house natin! Bigl sya and very beautiful!” Saad ng tatlong taong batang si Claire.

Advertisement

“Halika na, anak pasok na tayo sa loob para maiayos mo ang mga gamit mo sa bago mong kuwarto!” Ika ni Tonton sa anak.

Pagpasok sa kuwarto’y hinayaan muna ni Tonton at ng misis nitong maglaro ang bata mag-isa doon.

“Mama, Papa? You want me to call you mama and papa? OK, sure!” Saad ng batang si Claire.

Ano ang masasabi niyo sa kuwentong ito?