Tubig o Tunay na Pag-ibig?

“Inaasahan po na patuloy na bababa ang antas ng tubig sa Angat Dam na magbibigay ng perwisyo sa suplay na matatanggap sa mga bahay.”

Hindi na naituloy ni Aling Mercy ang pakikinig sa paboritong balitang pantanghali sa radyo dahil nawalan ng kuryente. Inis na inihagis niya ang tela na ginagantsilyo. Pagkaraa’y tumayo siya, nagtungo sa lababo, at pinihit ang gripo upang malaman kung may tubig o wala. Tanging hangin lamang ang lumabas mula rito.

“Hay naku! Ano ba naman iyan! Wala na ngang tubig, nawalan pa ng kuryente. Ano ba namang buhay ito!”

Si Aling Mercy ay 47 taong gulang, isang plain housewife. Ang kanyang asawang si Mang Toto ay OFW sa Jeddah. Limang taon na itong hindi umuuwi sa Pilipinas. Biniyayaan sila ng tatlong anak.

Ang panganay na si Jeremy ay may sariling condo sa Makati, malapit sa trabaho nito. Si Rima naman na ikalawang anak ay may asawa na, at ang bunso nilang si Sheena ay lagi namang wala sa bahay dahil abala rin sa mga extra curricular activities nito sa paaralan. Si Aling Mercy lamang ang naiiwan sa bahay.

Upang maibsan naman ang pagkabagot, inaabala ni Aling Mercy ang sarili sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay, gayundin ang paggawa ng mga ginantsilyong tela.

Mahilig din siyang maligo at magbabad sa tubig. Ang totoo, wala naman silang bath tub. Bumili na lamang siya ng napakalaking batyang pahalang, na maaaring lagyan ng tubig, at doon siya humihiga upang magrelax.

Nahinto ang gawaing ito nang magsimulang mawalan ng suplay ng tubig dahil sa kakapusan ng tubig sa Angat Dam. Lahat ng mga naiipong tubig ay sinisinop niya. Isang bagay ang hindi matatawaran kay Aling Mercy — ang pagiging masinop nito sa lahat ng bagay.

Advertisement

Kaya iritable si Aling Mercy dahil hindi siya makakapagbabad sa kanyang batya. Iyon na nga lang ang ginagawa niya upang maibsan ang pangungulila niya sa asawa.

Maya-maya, nakarinig si Aling Mercy ng mga katok sa kanyang pinto. Binuksan niya ito. Tumambad sa kanya si Mang Genio, ang 48 taong gulang nilang kapitbahay. Biyudo na ito, walang kasama sa bahay. Kahit may edad na ito, malakas pa rin ang sex appeal nito dahil aktibo sa mga pisikal na gawain.

“May tubig ba kayo?” nakangiting tanong nito sa kanya.

“Naku, wala nga eh. Nakakainis nga eh, wala akong naipong tubig. Kakalaba ko lang kasi. Ang bilis mawalan ng tubig.”

“Kung kailangan mo ng tubig, marami akong tubig, baka kako gusto mo lang kumuha, katukin mo lang ako,” nakangiting sabi ni Mang Genio.

“Kasya pa naman yung kaunting naipon ko. Hamo, kapag kailangang-kailangan na, ako mismo ang lalapit sa iyo.”

Bumalik na si Mang Genio sa bahay nito. Malakas talaga ang karisma nito dahil kahit mga dalaga, at may asawa na ay nahuhumaling pa rin sa biyudo.

Minsan, kapag nagdidilig ng mga ornamental na halaman si Aling Mercy, napapansin niyang lumalabas ng kanilang bakuran ang kapitbahay na ito, at malagkit na tititig sa kanya. Para siyang hinuhubaran. Sa madalas na pagkakataon ay umiiwas siya ng tingin, lalo na’t ayaw niyang madungisan ang kanyang malinis na pagmamahal para sa asawa. Unfair para dito.

Advertisement

Sa edad ni Aling Mercy, alam niyang “may asim pa siya”. Maganda ang mapupungay niyang mga mata, manipis ang kanyang mapupulang labi, at may korte pa naman kahit paano ang kanyang katawan. Sabi nga ng asawa niya, ihanda na niya ang kanyang sarili sa pag-uwi nito sa Pasko.

Kinagabihan, bumalik na ang serbisyo ng kuryente ngunit wala pa ring tubig. Halos sumabog na ang ulo ni Aling Mercy sa labis na kunsumisyon. Kailangan na niyang maligo dahil nangangati na siya. Said na said na ang kanyang mga ipong tubig. Naisip niya ang alok ni Mang Genio. Matapos ang ikatlong ulit na pag-iisip, naisipan na niyang humingi ng tulong dito.

Sa tatlong mahihinang katok sa pinto ni Mang Genio, agad siya nitong pinagbuksan. Napalunok si Aling Mercy dahil nakasando at boxer’s shorts lamang ito.

“Anong atin, Mercy?” tanong ni Mang Genio.

“Ah kuwan… makikiigib lang sana ako kung ok lang?” sagot ni Aling Mercy. May kung ano siyang nararamdaman sa nakikitang maputi at balbong hita ng kapitbahay. Naalala niya ang kanyang asawa. Lalo siyang nakaramdam ng pangungulila.

“Walang problema. Pasok ka!”

Dala ang kanyang timba, sumalok sa dram ni Mang Genio si Aling Mercy. Tinulungan pa siya nito dahil masyadong mataas ang dram, at kalahati na lamang ang laman nito. Hinawakan ni Mang Genio ang kanyang mga balakang upang makatuwad siya at makasalok nang maigi.

Nang mapuno na ang timba. binuhat na ito ni Aling Mercy. Tinangka ni Mang Genio na kunin ang timba mula sa kanya subalit hindi ito pinayagan ni Aling Mercy. Halos mag-agawan sila sa timba, hanggang sa matapon ito sa sahig dahil nabitiwan niya ito.

Advertisement

Lumuhod si Aling Mercy upang kunin ang natumbang timba. Hinawakan ito ni Mang Genio at di sinasadyang nahawakan nito ang kanyang mga kamay. Nagkatitigan sila nito.

May mga panahong nakararamdam nang labis na pangungulila si Aling Mercy sa kanyang asawa. Babae siya at may mga pangangailangan din ang babae na kailangang matugunan ng mga lalaki. May mga pangangailangan ang asawang babae, na kailangang maibigay ng asawang lalaki.

Hanggang sa mapansin niyang papalapit na ang mukha ni Mang Genio sa kanyang mukha. Napapikit na lamang si Aling Mercy.

Aaminin niya, dahil sa pangungulila sa kanyang asawa, kung ano-ano na ang naisip niya. Isa na rito ang pagpantasyahan si Genio. Narito na, mangyayari na subalit biglang rumehistro sa kanyang balintataw ang mukha ng kanyang asawang nagpapakahirap sa Jeddah upang matugunan ang kanyang mga pangangailangan. Ang pangangailangan sa mas maayos na buhay.

Napupunan naman ang pangangailangan niya bilang babae, dahil ang kanyang mister ay ibinibigay naman ang kanyang pangangailangan upang patuloy na mabuhay.

Sukat noon ay umiwas si Aling Mercy sa mukha ni Mang Genio.

“Gusto kita, Mercy, matagal na. Wala naman ang asawa mo, hindi ba?”

“Sa iyo na mismo nanggaling, Genio. May asawa ako at mahal ko siya.”

Advertisement

Tumayo si Aling Mercy bitbit ang nabakanteng timba. Umuwi siya sa kanilang bahay. Napaglabanan niya ang temptasyon.

Agad niyang tinawagan ang kanyang asawa sa pamamagitan ng video call. Kinumusta niya ito. Bahagya siyang nakonsensya, subalit nagpapasalamat siya’t nanaig pa rin ang pagmamahal niya at respeto rito. Napagtanto niya na ang kanyang pangungulila at pangangailangang sekswal ay kailangang isantabi para sa asawang mas nangungulila sa kanila.

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.