Ikinahihiya ng Dalaga ang Kanyang Ina Dahil sa Nakakadiring Itsura Nito, Ngunit Lubos ang Pagsisisi Niya Nang Malaman ang Nakakalungkot na Trahedyang Nangyari Noong Bata Pa Siya

“Nandiyan na yung mangkukulam! Magtago na kayo! Patricia, yung nanay mong halimaw nandiyan na!”, pangangantyaw ng isa sa mga kaklase ni Patricia noong elementarya pa siya. Nasa gate na kasi ng kanilang paaralan ang inang susundo sa kanya. Balot na nga ng tela ang ina ngunit alintana pa rin ang nakakatakot nitong hitsura.

Mula bata pa si Patricia, tampulan na siya ng tukso ng mga kaklase dahil sa pisikal na kaanyuan ng ina. Kulubot at tila isang halimaw nga ang balat ni Rosa. Wala na rin siyang ama dahil iniwan daw silang mag-ina noong bata pa siya. Wala ring kaibigan si Patricia dahil sa tuwing malalaman na ganoon ang itsura ng ina, agad nang lumalayo ang mga ito sa kanya. Kaya naman labis na ikinahihiya ng babae sa lahat ang ina.

Nang makapagtapos ng elementarya si Patricia, kinailangan nilang lumipat sa Maynila dahil nakahanap doon ng trabaho si Rosa. Doon na lamang din daw magpapatuloy ng pag-aaral ang bata. Galak ang nangibabaw sa puso ng dalaga dahil naisip niya’y panibago na itong panimula sa kanyang buhay. Nang dahil sa labis na pangungutya sa kanya dahil sa itsura ng kanyang ina, itinago na niya sa mga tao na sila ay magkamag-anak.

Agad namang nakapag-adjust si Patricia sa bagong eskwelahan. At dahil hindi alam ng mga ito ang lihim ni Patricia, agad namang dumami ang mga kaibigan ng dalaga. Masayang masaya siya sa mga bagong kaibigan.

Habang nagkukwentuhan ang magkakaibigan, may nakapansin sa maputi at makinis na balat ni Patricia. “Ang puti puti mo, Patricia! Napaka-kinis pa. Siguro namana mo ‘yan sa Mama mo ‘no?”, sambit ng isa sa malapit niyang kaibigang si Therese.

“Ah, hmm. Oo.”, nagulat sa narinig si Patricia. Pag-aalinlangan niyang sinagot ang kaibigan. Sa takot na ayawan siya ng mga bagong kaibigan, lalo siyang naging pursigido na itago ang ina sa mga ito.

Nang makauwi si Patricia sa bahay, nakita niya ang inang nakangiti sa kanya.

“Anak! Buti at nakauwi ka na. Napakabait ng amo ko. Nang malamang niyang may anak akong dalaga, kung ano anong binibigay sa akin. Eto o, tingnan mo. Isukat mo, anak! Ang ganda ganda sa iyo niyan!”, tuwang tuwa si Rosa sa mga bagong damit at make up na natanggap niya para sa kanyang anak.

Advertisement

“Salamat po.”, ‘ika ni Patricia, sabay kuha ng plastic bag at pumasok na sa kanyang kwarto. Ni hindi man lang nito sinaluhan ang ina sa pagkain.

“Ang malas-malas ko naman kasi. Bakit sa dami ng pwede kong maging nanay, ito pang mukhang halimaw na ‘to? Bwisit!”, sambit ng dalaga sa sarili habang nagpapa-antok sa kanyang higaan.

“Buti na lang talaga at hindi siya kilala ng mga kaibigan ko. Kung hindi mag-isa na naman ako at kukutyain ng mga kaibigan ko.”

Kinabukasan, maagang pumasok ng eskwela si Patricia. Nalalapit na ang pinaghahandaan niyang Mr. and Ms. San Juan High School dahil siya ang ipanlalaban sa kanilang section.

“Patricia! Next week na yung pageant ha. Pupunta ba ang Mama mo?”, tanong ng kaklaseng si Issa.

“Siyempre! Support support din pag may time. ‘Di ba Patricia? Para naman makilala na rin namin si Tita.”, sabad ng kaibigang si Tessa.

“Ah eh… Hindi eh. Busy si Mama sa trabaho.”, ‘ika ng kinakabahang si Patricia.

“Busy? Sabado naman gaganapin ah! At saka sabi ni Ms. Santos kailangan daw na pumunta ‘yong magulang, kasi sila daw yung magbibigay ng trophy kapag ikaw yung nanalo.”, pagpipilit ni Issa.

Advertisement

“Ano ba?! Sinabi nang hindi nga siya pwede!”, nagulat ang dalawa nang biglang sumigaw si Patricia. Nagulat din ang dalaga sa inasal niya kaya bigla naman siyang humingi ng tawad.

“Sorry. Di ko sinasadyang sumigaw. Kasi naman, seryoso ako. Si Mama sobrang busy yun kaya wag niyo na ipilit.”, nakayukong sabi ng dalaga. Hindi na umimik ang dalawa at nagpatuloy na lang sa pag gawa ng props na gagamitin sa pageant.

Dumating na ang araw na labis pinaghandaan ni Patricia. At siyempre, hindi niya ito sinabi sa ina upang hindi ito makita ng mga tao sa eskwelahan niya. Maaga muling pumunta ang dalaga sa eskwela upang makapag-ayos na. Ang paalam niya sa ina ay may kailangan lang siyang puntahan.

“Ang ganda mo, Patricia! Sayang naman at wala ang magulang o kamag-anak mo. Para makuhanan kayo ng picture.”, saad ni Mrs. Santos.

“Ok lang po yun, Ma’am.”, sagot ni Patricia.

“O siya, sige. Good luck ha!”, nakangiting sabi ng teacher.

At umakyat na nga si Patricia sa stage.

“I am Patricia Reyes, representing section Diamond!”, todo ang ngiti nito at talaga namang napakaganda niya sa suot na pulang gown. Hiyawan naman ang mga kaklase at kaibigan niya.

Advertisement

Nang matapos na ang pagpapakilala at pagrampa, paakyat na muli ng stage si Patricia para sa talent portion. Tuwang tuwa ang mga tao sa magandang boses ng dilag.

“Galing mo, Patricia!”, sigaw ng isa sa mga kaklase niya.

“Woohoo! Kaklase ko ‘yan!”, kantyaw ng isa pa.

“Anak ko ‘yan!”, sigaw ng isang babaeng nakatayo sa may likuran. Halos huminto ang pagtibok ng puso ng dalaga nang makita ang ina na nanonood sa kanya. Unti-unting humina ang boses ng babae at tila nawala sa pokus sa pagkanta. Agad itong napansin ng teacher niya na nakatayo sa harap ng stage.

“Patricia! Bakit? Ok ka lang ba? Bakit ka humihinto?”, tanong ng nag-aalalang matanda.

Agad namang natauhan ang dalaga kaya’t pinilit niyang tapusin ang kanta. Matapos kumanta ay agad siyang tumakbo papalapit sa ina, bago pa man may makakita dito.

“Anong ginagawa mo dito?! Sinabi ko bang pumunta ka?! At isa pa, paano mo nalaman ito?!”, galit na galit na tanong ni Patricia sa ina.

“Ha? Nakita ko kasi iyong papel na nasa mesa. Nakalagay na pageant ngayon at isa ka nga sa kalahok. Kaya naman agad agad akong sumunod para mapanood ka. Ang ganda ganda mo, anak!”, nakangiting sambit ni Rosa. Halos maluha ito sa tuwa nang makita ang kanyang anak.

Advertisement

“Utang na loob, Ma! Umuwi ka na! Please lang! Alam mo bang pinandidirihan ako ng mga tao dahil sa’yo? Ang pangit pangit mo! Kaya pwede ba? UMALIS KA NA, MA!”, halos pumutok ang ugat ng bata sa pagpapa-alis sa kaawa-awang ina.

Gulat na gulat si Rosa sa narinig mula sa bibig ng kanyang anak. Nanghihina itong lumakad palayo, nang marinig ang isa sa mga kaklase ni Patricia na magsalita.

“Patricia! Sino ‘yun? Grabe. Mukhang mangkukulam. Nakakatakot.”, tanong ni Therese sa dalaga.

“Ah, wala. Kapit bahay lang namin yun. Baliw na ata yun e. Sinasabi anak daw niya ako. Haha!”, nakatawang tugon ng anak ni Rosa.

Nang marinig ito ni Rosa, lubos na nasaktan ang ina. Ngayon lamang niya nalaman na lubos siyang kinakahiya ng kanyang anak nang dahil sa itsura niya.

Nagpatuloy ang pageant, at nanalo nga bilang Ms. San Juan High School si Patricia. Tuwang tuwa ang lahat sa kanyang pagka-panalo. Nawala na rin sa isip ni Patricia ang galit sa kanyang ina. Ngunit nang pauwi na siya ay bigla niya itong naalala.

Pagpasok ng pinto, nakita niya ang kanyang ina na nakaupo sa kusina. Agad niya itong nilapitan at sinigawan.

“Anong problema mo kanina?! Alam mo bang muntikan na nilang malaman na ganyan ang itsura ng nanay ko?”, pambungad ng anak sa ina.

Advertisement

“Masama bang suportahan ang anak ko?”, maluha luhang sagot ng ina.

“Oo! Kapag ganiyan ka kapangit, oo! Masama! Huwag na huwag kang magpapakita sa mga kaibigan ko. Please lang!”, patuloy na pagsigaw ni Patricia.

Tumayo na si Rosa at pumasok sa kanyang silid. Inis na inis ding pumasok ang dalaga sa kanyang kwarto.

Kinabukasan, nagulat si Patricia dahil paglabas niya ng kanyang kwarto ay nakita niya ang dalawang kapatid ng kanyang ina na naghihintay sa kanya.

“Hija, halika rito. Kailangan nating mag-usap. May kailangan kang malaman”, mahinahong sabi ng tiyahin niyang si Emy.

“Maupo ka! Bilisan mo, bastos kang bata ka!”, sigaw naman ng lalaking kapatid ng kanyang ina. Nagulat ang dalaga kaya agad itong naupo sa harap ng Tito at Tita niya.

“Bakit po?”, nakayukong tanong ng dalaga.

“Bakit?! Magtatanong ka pa kung bakit? Bakit mo nagagawang bastusin ang nanay mo? Wala siyang ibang ginawa kung hindi i-alay ang buhay niya para mapa-ayos ang iyo. Tapos ganyang ang igaganti mo?”, galit na galit si Hector.

Advertisement

“Hector! Ako na muna ang magsasalita.”, saway ni Emy.

“Ang mama mo, nagkwento sa akin kagabi. Tinawagan ako sa telepono. Masamang-masama ang loob niya sa mga sinabi mo. Hindi naman niya ginusto na maging ganoon ang itsura niya.”, paliwanag ni Emy sa dalaga.

“Lahat po ng makaalam na siya ang nanay ko, nilalayuan po ako. Pinandidirihan po ako sa eskwela ko noon! Kaya sana maintindihan niyo po!”, sagot ni Patricia.

Sa galit sa narinig mula sa dalaga, hindi na napigilan ni Hector ang magsalita.

“Ikaw ang may kagagawan noon! Kabilin-bilinan ni Rosa sa amin, huwag kaming magsasalita sa iyo tungkol sa nakaraan. Pero tama na ang kahibangan na ito! Lumalaki ka nang saksakan ng bastos at walang modo!”, galit na galit na rebelasyon ni Hector.

Hindi na napigilan ni Emy ang kapatid kaya hinayaan na lamang itong magsalita.

“Noong bata ka pa? Tatlong taong gulang! Napakatigas ng ulo mo kapag pinagsasabihan. Bilin sa iyo palagi ng iyong ama’t ina, huwag na huwag kang maglalaro ng posporo. Ngunit isang araw, nagising na lamang ang Mama mo na nagliliyab na sa apoy ang pamamahay ninyo.”, gulat na gulat ang dalaga sa mga naririnig.

“Natutulog ang Mama at Papa mo sa kanilang kwarto. Agad namang nagising ang Mama mo dala ng usok at init. Ginising niya ang Papa mo upang hanapin ka. Hinanap ka nilang dalawa sa loob ng bahay kahit lalong lumalaki ang baga ng apoy.”, saad ni Hector habang unti unting tumutulo ang luha nito.

Advertisement

“Buti na lamang at rumesponde agad ang mga bumbero. Isang bumbero ang pumasok sa loob upang sagipin ang Mama at Papa mo. Sinabi na rin nito agad na nasa labas ka ng bahay nang sumiklab ang apoy kaya hindi na nila kailangan maghanap. Sa kasamaang palad, pareho nang lapnos ng sunog ang balat ng iyong ama’t ina. Nang makalabas sila, agad silang isinugod sa ospital. Ang Mama mo na lamang ang nakaligtas.”, pagpapatuloy ni Hector, habang naaalala ang sakit sa nangyari sa pamilya ng kanyang kapatid.

Gulat na gulat si Patricia. Umiiyak ng sobra ang dalaga sa pagsisisi sa mga ginawa niyang pagsusungit sa ina.

“Kaya Patricia, sana ay hindi mo na bastusin at ikahiya ang iyong ina. Pilit niyang inilihim sa iyo ang mga nangyari dahil natatakot siyang sisihin mo ang iyong sarili sa mga nangyari. Pero sa tingin ko nga ay panahon na para malaman mo ang katotohanan.”, dagdag ni Emy na umiiyak na rin nang maalala ang mga nangyari.

“Nasa amin ang Mama mo. Hindi niya alam na nandito kami upang kausapin ka.”, sambit ni Hector.

Agad agad namang tumayo ang dalaga at nagmadaling puntahan ang ina.

“Mama!”, sigaw ni Patricia sa ina habang umiiyak.

“Sorry po, patawarin po ninyo ako! Patawad po!”, nagsusumamong iyak ng dalaga sa kanyang inang walang kaalam alam sa pag-uusap na nangyari.

“O, bakit anak? Ayos lang iyon. Totoo namang nakakahiya ang itsura ko. Pangako, hindi na ako magpapakita sa mga kaibigan mo.”, malungkot na saad ng ina.

Advertisement

“Hindi, Mama! Alam ko na po ang lahat. Ikinwento na po sakin ni Tito Hector at Tita Emy. Patawarin po ninyo ako.”, umiiyak pa rin sa paghihinagpis ang dalaga.

Gulat na gulat si Rosa.

“Anak, nakalipas na iyon. At bata ka pa noon, kaya alam kong hindi mo sinasadyang iwan ang mga pinaglaruan mong posporo at kandila.”, saad ni Rosa.

Nagyakapan ang mag-ina. Nanghingi sila ng tawad sa isa’t isa. Nangako rin si Patricia na kailanma’y hindi na niya ikahihiya ang ina, at ipagtatanggol ito sa mga nanlalait sa kanya.

Natutunan ni Patricia na hindi dapat ikahiya ang kanyang ina nang dahil lamang sa itsura nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.