Nakakapiling Lamang ng Batang Ito ang Kaniyang Ama sa Tuwing Kausap Ito sa Selpon; ‘Di Akalain ng Mga Magulang ng Bata ang Magiging Epekto Nito

“Hi Papa kamusta na po kayo? Miss na miss ko na po kayo,” ang sabi ni Lukas sa kaniyang ama.

“Okay naman ako, anak. Miss na nga rin kita. Anong ginagawa niyo ng Mama mo?” tanong ni Leandro.

“Naglalaro po kami kanina ni Mama tapos ngayong tumawag na po kayo, magluluto raw muna po siya habang magkausap tayo,” ang sabi ni Lukas.

“Tara! Tayo na lang po ang maglaro,” ang sabi pa ni Lukas.

“O sige, anong lalaruin natin ngayon?” tanong ng kaniyang ama.

“Magkotse-kotsehan po tayo ngayon! Tara Papa paunahan tayo!” masayang pagkakasabi ni Lukas.

Nakipaglaro ng kotse-kotsehan si Lukas sa kaniyang ama habang nakikipag-usap. Hawak niya sa isang kamay ang isang laruang kotse habang sa kabila naman ay ang selpon na kunwaring pinapaandar ang isa pang laruang kotse.

Sinisilip-silip lamang si Lukas ng kaniyang ina na si Marielle at ngumingiti nang makita niyang masaya ang kaniyang anak. Maya-maya ay nasaksihan niya na inaya na ni Lukas ang ama na maglaro nang tulug-tulugan.

Advertisement

Ihiniga ni Lukas ang selpon sa isang unan at kinumutan ito. Tinapik-tapik niya ito ng bahagya at sinabihang: “Tulog na po tayo Papa. I love you!” bago ito tumabi at yakapin sa pagtulog ang selpon na nagrerepresenta ng kaniyang ama.

Biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Marielle. Nabatid niya ang pangungulila ng bata sa kaniyang ama.

Kinagabihan ay nagtanong si Lukas sa kaniyang ina kung nasaan ang kaniyang Papa at kung kailan ito uuwi. Tinanong din niya kung bakit parati itong wala sa bahay kaya naman sinubukan ni Marielle na ipaliwanag sa kaniyang anak ang kanilang sitwasyon.

“Anak, businessman kasi si Papa. Siya ‘yung nagpapatakbo ng mga negosyo ng pamilya natin para mayroon tayong pagkain at panggastos sa araw-araw. Nagtatrabaho nang maigi si Papa para mapalaki pa ‘yung mga negosyo natin at maipamana niya sa’yo balang araw,” paliwanag ni Marielle sa kaniyang anak.

“Lingguhan naman kung umuwi si Papa mo ‘di ba?” dagdag pa ni Marielle.

“Oo nga po. Pero parati na lang po siyang umuuwi ng sobrang gabi kung kailan tulog na po ako tapos aalis din siya agad ng sobrang aga bago pa po ako gumising. Kung hindi man siya umalis agad ay parati siyang nakakulong sa kuwarto upang magpahinga o magtrabaho,” malungkot na sinabi ni Lukas.

Hindi agad na nakapagsalita si Marielle dahil tama ang mga sinabi ng kaniyang anak kaya niyakap niya na lamang ‘to bago nasabing: “Basta lagi mong tatandaan na mahal ka ng Papa mo,”

“Kung mahal po talaga ako ni Papa dapat nandito siya at binibigyan ako ng oras,” ang sabi ni Lukas bago bumitiw sa kaniyang ina at nagtungo sa kaniyang silid.

Advertisement

Walang nagawa si Marielle. Hinayaan niya na lang muna ang kaniyang anak.

Pagdating ng Sabado ng gabi ay matiyagang nag-aabang si Lukas sa pag-uwi ng kaniyang ama. Balak niyang makipaglaro ng bola pag-uwi nito. Ngunit alas diyes na ng gabi ay wala pa ang kaniyang ama.

Kinumbinsi na lamang siya ng kaniyang ina na antayin ito sa kaniyang silid. Kaya naman pumasok na ito rito dala-dala ang selpon ng kaniyang ina hanggang sa nakatulugan niya na ang pag-aantay habang muling katabi matulog ang selpon na rumirepresenta sa kaniyang ama.

Alas dose na nang makauwi si Leandro at agad niyang sinilip ang kaniyang anak na si Lukas sa kuwarto nito. Hinalikan niya ito sa noo at sinabihang: “Good night, anak. I love you”

Pagkalabas ng silid ni Lukas ay agad na kinausap ni Marielle ang kaniyang asawa. Ipinaalam niya rito ang napag-usapan nilang mag-ina at ang mga napansin niyang kilos ng kanilang anak patungo sa selpon na para bang tao ang pagturing niya rito bilang ama.

Ikinabahala ito ng mag-asawa. Napag-usapan nila na mas magbibigay na ng panahon si Leandro sa kaniyang anak.

“Honey, hindi ko akalaing ganito ang magiging epekto nito kay Lukas. Ginagawa ko lang naman ‘to para sa pamilya natin,” ang sabi ni Leandro.

“Alam ko, Honey. Pero siguro nga sa edad ni Lukas ay mas kailangan niya tayo at mas importante para sa kaniya ang atensyon na maibibigay natin sa kaniya,” ang sabi ni Marielle.

Advertisement

“Oo nga, Honey. Sige, simula ngayon ay mas bibigyan ko siya ng oras. Stable naman na ang mga negosyo natin at mayroon din tayong mapagkakatiwalaang mga empleyado kaya puwede kong bawasan ang oras ko sa mga ‘to,” ang sabi ni Leandro.

Kinabuksan ay sinorpresa ng mag-asawa ang kanilang anak na si Lukas. Sila ay nagbonding at nag-laro bilang isang buong pamilya. Labis itong ikinatuwa ni Lukas.

Mula noon ay mas may panahon na si Leandro para sa kaniyang anak. Hindi na muling nakitaan nang pangungulila sa ama si Lukas at mas nagtibay ang samahan nilang mag-anak.