May Hindi Maipaliwang na Peklat sa Tiyan ang Dalaga, Napaiyak Siya Nang Malaman Kung Saan Iyon Nanggaling
Nasa huling taon na sa high school si Lorraine nang mapilitan siyang huminto sa pag-aaral. Maganda naman ang trabaho ng kanyang mommy kahit pa mag isa itong bumubuhay sa kanya, isa itong manager sa hotel sa Pasay. Ang daddy niya ay pumanaw na dalawang taon na ang nakalilipas. Ang dahilan sa kanyang pagtigil ay ang mahina niyang puso, tuwing nakakaramdam siya ng kaunting pagod ay sasakit iyon at di siya makakahinga.
Sa takot ng kanyang ina na mawala siya ay hiniling nitong sa bahay na lamang siya at bibigyan siya ng tutor para hindi pa rin siya mahuli sa mga leksyon sa eskwela. Sa edad niya ring ito ay mayroon pa siyang yaya.
“Lorraine, okay ka lang ba dyan sa loob?” tawag ng kanyang ina, nasa banyo kasi siya ngayon at kaliligo lamang. Medyo natagalan siya dahil napatitig siya sa peklat niya sa tiyan nang mapadaan siya sa salamin.
Ang sabi ng mommy niya, may kinailangan raw tanggalin sa kanya noong maliit siya kaya ganito na lamang kalaki ang peklat. Ewan niya ba, tuwing hahaplusin niya ito ay may kakaibang pintig ang kanyang puso. Hindi niya matukoy kung ano ang dahilan. Napagpasyahan ng dalagita na lumabas na sa banyo upang saluhan ang kanyang ina sa almusal.
Habang kumakain sila ay di niya naiwasang tanungin ang kanyang ina, “Ma, ano nga ulit ang sakit ko noong baby ako? Yung reason why may peklat ako?” tanong niya rito.
Saglit namang natigilan ang ale, hindi nito inasahan ang tanong na iyon.
“Anak, ayoko na sanang pag-usapan. One of the darkest days namin ng daddy mo iyon dahil muntik kana ring mawala sa amin,” malungkot na sabi nito.
Tumango na lamang si Lorraine, palaging ganoon ang sagot ng kanyang ina.
Isang hapon ay naliligo ang kasambahay ng dalagita at kauuwi lamang ng tutor niya nang parang may nakita siyang naglakad papunta sa kusina.
“Joylyn?” tawag niya sa kasambahay, kasi kung ito man iyon, naiwan nitong bukas ang tubig sa banyo dahil naririnig niyang patuloy na umaagos ang shower.
Pero walang sumasagot.
“Hindi mo ba ako nami-miss?” sabi ng isang boses na nagpatayo sa lahat ng balahibo ni Lorraine, kasunod kasi noon ay ang pagdampi ng malamig na hangin sa kanyang batok. Lumingon siya pero wala namang tao.
“Joylyn? Wag kang magjo-joke ng ganyan. Alam mong bawal akong gulatin..” warning niya sa kasambahay, medyo nakakapanibago dahil di naman nito nakagawiang biruin siya ng ganoon.
Nagpatuloy pa siya sa paglalakad hanggang mapalingon siya sa tabi ng ref. Nakatayo roon ang isang babae at nakangiti, agad nakaramdam ng pananakit ng dibdib si Lorraine.
Hindi siya makapaniwala, una sa lahat ay imposibleng makapasok ito dahil naka-lock ang gate nila sa unahan, pangalawa ay kamukhang kamukha niya ito!
Nagsisigaw siya sa kasambahay, “Joylyn! Joylyn, b-bumaba ka rito.. May.. may babaeng kamukha ko! Joylyn!” sabi niya. Lalong sumikip ang dibdib niya sa takot dahil paglingon niya ay wala na ang babae. Hindi niya namalayan na unti-unti nang nagdilim ang kanyang paningin.
Pagdilat niya ay nasa ospital na siya, nabungaran niya pa ang kanyang inang umiiyak.
“Ma, nakita ko yung babae, kamukhang-kamukha ko siya ma..” sabi niya na namamalat pa dahil sa mahabang pagkatulog.
“Sinabi nga ni Joylyn, anak, kapag maayos na ang lagay mo ay may ipapakita ako sayo. Pangako, lilinaw rin ang lahat para sayo.” sabi nito.
Isang linggo ang nakalipas at umigi na nang kaunti ang kanyang kalagayan, tumupad naman ang kanyang ina sa usapan nila na may ipapakita ito. Nagulat pa nga siya nang pumunta sila sa sementeryo, noong una ay inakala niyang pupunta sila sa puntod ng kanyang ama pero nagtaka siya dahil iba ang direksyon ng nilalakad nila.
“Ma, saan tayo pupunta?” tanong niya rito. Pero sa halip na sumagot ay tumigil ang ginang sa tapat ng isang lumang puntod. Binasa niya ang pangalan doon.
Lalaine Castro.
“Ma?” naguguluhang sabi niya sa kanyang ina.
“Ang tagal bago kami nagkaanak ng daddy mo dahil mahina ang matris ko, kaya nang malaman naming buntis ako, grabe ang saya! Lalo pa ng malaman naming kambal kayo.. sa tyan pa lang ay pinlano ko na lahat, pati nga yata ang debut nyo ay naiplano ko na noon. Lorraine at Lalaine, mahal na mahal ko kayo. Kaya ganoon na lamang ang iyak ko nang malaman ang inyong sitwasyon. Sa ultrasound ay conjoined twins kayo, magkadikit ang inyong mga tyan.
Akala ko, tapos na ang mga pagsubok. Sabi ko kakayanin ko, pero pagkapanganak ninyo ay natuklasan naming mahina pareho ang inyong mga puso anak. Kailangan lamang naming pumili ng isa kundi ay dalawa kayong mawawala sa amin.” umiiyak na ito.
“I-ibig sabihin..?” naiiyak na ring sabi niya.
“Sa inyong dalawa, ikaw ang mas malaki ang chance na mabuhay. Napakasakit sa akin ng araw na iyon, para na rin akong namatay nang piliin naming mawala si Lalaine, pero kailangan naming magpakatatag dahil may anak pa kaming nabubuhay, nariyan ka pa..” sabi nito.
Marahil ang babaeng nagpakita sa kanya ay ang kanyang kakambal, kaya pala iba ang nararamdaman niya tuwing hahaplusin ang kanyang peklat. Pakiramdam niya ay karugtong iyon ng buhay niya, dahil totoo pala iyon. Muling nagsalita ang kanyang ina, pero nakaharap na ito sa lapida.
“Lalaine anak, wag mo nang tatakutin ang kapatid mo ha. Patawad kung hindi ka na nadadalaw ng mommy at kung ngayon lang kita naipakilala sa kakambal mo.” sabi ng ginang.
Nagtirik sila ng kandila at nag-iwan ng mga bulaklak roon, nakakagulat rin na pagkatapos noon ay tila lumakas ang dalaga. Bihira na kung sumumpong ang sakit niya sa puso. Siguro ay nagtampo lang ang kapatid niya dahil hindi niya ito dinadalaw.