Kababalaghan sa Ilalim ng Kama

“O, iha, huwag na huwag kang sisilip sa ilalim ng kama mo ha. Dyan ko madalas makita dati ang malignong gusto akong pakasalan.” babala ni Lola Mildred.

“Lola, huwag niyo na po ako takutin, hindi po ako naniniwala sa mga ganyan. Hindi na uso yung mga ganyan Lola, may padasal dasal ka pa dyan sa ilalim ng kama.” patawa-tawang ika ni Korin, apo ni Lola Mildred na galing siyudad.

“Hay naku iha bahala ka. Basta nasabi ko na sayo. Ayokong magaya ka sa akin na halos mabaliw dahil lagi kong nakikita ang lalaking iyon. Basta kahit anong mangyari, huwag kang sisilip sa ilalim, kahit anong ingay at langitngit ang marinig mo, huwag mo lang kibuin, naiintindihan mo? Dahil kapag isang beses mo iyong nakita, hindi na iyon maaalis sa isip mo.” dagdag pa nito dahilan para kilabutan ang dalaga ngunit hindi pa rin siya naniniwala at tinatawanan pa rin ang ginang.

Palibhasa nga’y laking siyudad, hindi siya naniniwala sa mga kwento ng matanda. Pansamantala naman siyang maninirahan sa lumang bahay ng ginang dahil wala nang mag-aalaga dito.

Kinakagabihan, ganap na alas onse ng gabi nang mahiga sa kama ang dalaga. Habang wiling-wili siyang manuod ng mga videos sa Youtube, bigla na lamang siyang nakarinig ng langitngit mula sa ilalim.

“Lola! Huwag mo na akong takutin. Wala akong pakialam sa mga malignong yan!” sigaw ng dalaga, ngunit biglang namatay ang ilaw sa kanyang silid dahilan para sumigaw siya nang sumigaw.

Ngunit kahit sigaw siya nang sigaw, walang tinig ang lumalabas sa kanyang bibig. Mas lalo namang lumalakas ang ingay sa ilalim ng kama na para bang may taong nakakulong dito. Nararamdaman na niya sa kanyang likuran ang pagsipa ng kung sino man sa ilalim kaya naman upang mapatunayan kung ano man ang naroon, sinilip niya ito.

Kulang na lang ay mapaihi siya sa takot noong makita ang imahe sa ilalim ng kama. Pulang-pula ang mga bilugang mata nito, umuusok ang magkabilang tenga at wala itong buhok dahilan para makita ang buong mukha nito. Biglang napabalikwas ang dalaga nang masaksihan ito. Panay pa rin ang sigaw niya upang makuha ang atensyon ng kanyang lola ngunit wala pa ring boses na lumalabas sa bibig niya.

Advertisement

At maya-maya, naramdaman niyang tila kumalma ang maligno sa ilalim ngunit tuluyan na siyang naihi nang biglang dumungaw ito sa kanya. Iyak na siya nang iyak. Hindi na niya alam ang gagawin. Pinagbabato niya ito ng unan upang itaboy pero imbis na umalis, lalo pa itong lumalapit sa kanya. Hanggang sa umabot ito mismo ng kanyang mukha.

Hindi na makahinga sa takot ang dalaga. Magkatapat na ang kanyang mukha at ang mukha ng sinasabing maligno ng kanyang Lola, hinahawakan na siya nito sa mukha, wala siyang magawa kundi umiyak na lamang at magdasal.

Bigla naman niyang narinig ang tinig ng kanyang lola na tila tinatawag ang pangalan niya. Hanggang sa unti-unting lumiwanag ang silid at pagbukas niya ng kanyang mga mata, nakita niya ang kanyang lola na alalang-alala sa kanya. Agad naman siyang yumakap dito saka umiyak nang umiyak sa mga balikat nito.

“Lola kitang-kita ko po yung malignong sinasabi niyo! Ang pula-pula po ng mga mata niya, ang hahaba ng buhok niyang nakasabog sa kanyang mukha tapos tila umuusok pa ang kanyang tenga! Lola lumapit siya sa akin, as in sobrang lapit sa mukha ko. Akala ko katapusan ko na Lola! Hindi ako makagalaw o kahit makasigaw man lang.” hagulgol ng dalaga sa kanyang Lola.

“Iha, binangungot ka lang. Hindi mo totoong naranasan yun, naiintindihan mo? Tingnan mo kung nasaan ka nakahiga? Sa sofa diba? Siguro dala yan ng sobrang pagod mo sa biyahe, dyan kana nga nahiga e.” ika ng matanda para mahimasmasan ang apo.

“Kahit na Lola, totoo man po yun o hindi, labis po akong natakot. Siguro po talaga dapat naniwala na lang po ako sayo, dapat hindi na kita pinagtawanan, pasensya na po Lola.” sambit ng dalaga, habang umiiyak pa rin sa balikat ng ginang.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon, buong puso nang iginalang ni Juana ang mga kwento ng kanyang Lola. Sumasama na rin siya sa pagdarasal nito na dati ay labis niyang pinagtatawanan.

May sari-sarling paniniwala ang bawat tao, hindi naman pinipilit na paniwalaan natin ito, pero sana ay wag nating kalilimutang rumespeto.