Batugan ang Tingin ng Ginang sa Anak Niyang Nasa Bahay Lamang; Nagulat Siya Nang Malaman ang Lihim na Itinatago Nito sa Kaniya

“Nagloloko na naman ‘tong cellphone ko. Hindi ko tuloy makuhaan nang maayos na litrato ‘tong mga paninda ko. ‘Di rin tuloy ako maka-chat nang maayos sa mga buyers ko,” reklamo ni Aurora.

“’Nay, palitan niyo na po kasi ng bago ‘yan. Lumang-luma na eh,” wika ni Jenny na bunsong anak nito.

“Palitan? Paano? Eh wala ngang pera pambili,” sambit ng ina.

“Teka lang, iyong Kuya mo nga pala, ano na?” biglang natanong ng ina.

“Nasa kuwarto pa rin po. Tulog pa ata,” tugon ni Jenny.

Biglang napasimangot si Aurora sa sinabi ng kaniyang anak at pinuntahan ang pangalawa niyang anak sa silid nito upang kagalitan.

“Henry, ano ba?! Tanghali na, tulog ka pa rin! Magtatapos na ang taon pero batugan ka pa rin!” bulyaw ni Aurora.

“’Nay, naman eh, puyat po ako eh,” wika ni Henry na nagtago pa ng mukha sa ilalim ng unan.

Advertisement

“Puyat kaka-ano? Kakalaro? Sinasayang mo lang ang oras mo diyan! Naku naman! Paano ba aasenso ang buhay natin kung parating ganito,” pagsesermon ng ina na sinubukang putulin ni Henry.

“’Nay, nasa ibabaw nga po pala ng lamesa ‘yong envelope na naglalaman ng perang pinadala ni ate para sa atin,” sambit ng binata.

“Kita mo na! Buti pa ang ate mo! Kahit pamilyado na eh tumutulong pa rin dito sa atin. Hindi kagaya niyong magkapatid dito. Ikaw, puro laro lang ang ginagawa. ‘Tong si Jenny namin puro pagpopost sa social media ang inaatupag imbes na mag-aral nang mabuti. Mahiya naman kayo sa tatay at ate niyo na kumakayod sa trabaho para sa atin. Hindi man lang kayo tumulong,” pagpapatuloy ng ina sa kaniyang sermon.

Dahil hindi nagtagumpay si Henry na patigilin ang kaniyang ina sa paglilitanya at dahil sa ingay na ginawa nito ay napilitan na siyang bumangon at kumilos.

Ilang linggo pa ang lumipas at patuloy na naging ganito ang buhay nila sa bahay kahit na anong pagsesermon ni Aurora sa kaniyang mga anak. Kung minsan ay nawawalan na siya ng pag-asa sapagkat hindi niya na alam kung ano pa ang dapat niyang gawin upang mapatino ang dalawang anak sa kaniyang poder.

Isang araw, tinawagan ni Aurora si Marissa na panganay niyang anak. Siya ay nakipagkamustahan at nakipagkuwentuhan dito. Noong nagpapasalamat na siya sa mga tulong na pinapadala nito sa kanila matapos ipaalala ang kanilang magiging salo-salo sa darating na Pasko ay bigla nitong pinutol ang pagsasalita niya sa pagmamadali nitong magpaalam.

“Wala po ‘yon, ‘Nay. At saka ang tagal na po no’n. Sige po kailangan ko na pong ibaba ‘to. Hanap na ‘ko ng boss ko,” ani Marissa bago putulin ang tawag.

Marami pa sanang gustong sabihin si Aurora ngunit hinayaan niya na lamang ito. Masaya naman na siyang nakausap at nakumusta ang kaniyang anak kahit na sandali lamang.

Advertisement

Pagsapit ng Pasko ay dumalo ang pamilya nila Marissa sa kanilang salo-salong mag-anak. Matapos bumati at makipagkumustahan ay inabutan niya ng regalo ang bawat isa sa kanila.

“Naku, salamat, anak. Nag-abala ka pa. Sa dami ng naitulong mo dito sa mga gastusin sa bahay buwan-buwan ay ‘di ka na dapat nagregalo pa,” wika ng ina.

“’Nay, hindi pa ba sinasabi sa inyo ni Henry? Mahigit isang taon na po akong hindi nakakapagpadala ng pera sa inyo,” pag-amin ni Marissa.

Ipinagtaka ito ni Aurora kaya naman kinuwestiyon niya si Henry kung saan galing ang perang natatanggap nila buwan-buwan.

Dito na umamin ang binata.

Simula umano noong huminto na sa pagpapadala ang kanilang ate ay sa kaniya na nanggagaling ang perang inaabot niya sa kaniyang ina. Hindi niya raw muna sana gustong ipaalam ito sa kanilang pamilya sapagkat hindi pa ganoon kaganda ang kinikita nito sa pagiging graphic artist. Pabugso-bugsong mga kliyente lang daw kasi ang nakukuha niya noon. Ngayon pa lang daw sana niya balak umamin kung kailan marami na siyang mga kliyenteng pangmatagalan ang kontrata sa kaniya ngunit nabisto na siya bago pa niya sabihin.

Hindi makapaniwala ang ina sa narinig niyang katotohanan. Hindi siya nakapagsalita hanggang sa abutan siya ng regalo ni Henry.

Nang buksan niya ito ay nagulat siyang makita na isa itong bago at magandang model ng cellphone!

Advertisement

“A-ano ‘to? P-paanong?” pautal-utal na tanong ng ina.

“Para po talaga sa inyo ‘yan. Para hindi na po kayo mahirapan sa pagnenegosyo niyo,” nakangiting sabi ni Henry.

“Hayaan niyo po, sa susunod ay mas malaking refrigerator naman ang pag-iipunan ko para mas mapalago pa po natin ang negosyo niyo,” dagdag pa nito.

Nang dahil dito at dahil sa pagkabunyag ng katotohanan ay biglang nahiya si Aurora kay Henry. Humingi siya ng kapatawaran sa maling inisip niya at sa maling paratang niya na batugan ang kaniyang anak.

“’Nay naman, wala po ‘yon sa akin. ‘Wag niyo na pong intindihin ‘yon. Paskong-pasko eh. Merry Christmas po!” masiglang bati ni Henry.

Nang dahil dito ay nangiti ang kanilang ina. Niyakap nito si Henry upang magpasalamat at masaya nilang ipinagdiwang ang araw ng Pasko.

Mula noon ay naunawaan na ni Aurora ang mga kinikilos ng kaniyang anak sa bahay. Hindi na muling sumagi pa sa kaniyang isipan na batugan si Henry.