Ang Bagong Tagapangasiwa

Si Marshal ay matagal nang nagtatrabaho sa isang manufacturing company. Siya ay nagsimula bilang isang simpleng manggagawa hanggang sa maging isang Production Manager.

Nang dahil dito ay isa siya sa mga naatasang magturo sa anak ng may-ari ng kumpaniya tungkol sa mga pasikot-sikot ng departamentong hawak niya upang maihanda ang tagapagmana sa pagpapapalakad ng kanilang negosyo.

Isang oras pa lamang sa pagtuturo si Marshal tungkol sa kanilang departamento sa produksyon ay agad ding pinatigil ng anak ng may-ari na si Ma’am Rachel ang kaniyang leksyon.

“Ano ba ‘tong mga tinuturo mo sa akin? Kailangan ko ba talaga malaman kung paano ginagawa ‘yung mga tisyu natin mula sa pagputol ng mga puno hanggang sa paglalagay sa mga supot? Hindi ba’t kaya nga mayroong mga manggagawa sa departamento niyo ay para gawin ‘yan?” pagalit na sinabi ni Ma’am Rachel.

Nagulat si Marshal sa inasal ng anak ng may-ari at magiging bagong Presidente ng kumpanya. Ibang-iba ang ugali nito kumpara sa mga magulang niyang nagtatag nito na maayos ang trato at pakikipag-usap sa mga manggagawa kaya naman napatahimik na lamang siya.

“Ang kailangan ko lang malaman ay ‘yung mga report na pinapasa ng departamento mo para malaman kung sapat ba ‘yung napoproduce niyo para sa sales natin,” dagdag pa ni Ma’am Rachel.

“Pero Ma’am, mahalaga rin po kasi na alam niyo ang bawat detalye sa negosyo ng pamilya niyo,” depensa ni Marshal.

“Manahimik ka na ngang matanda ka! Sundin mo na lang ‘yung sinasabi ko!” sigaw ni Ma’am Rachel.

Advertisement

Hindi man sumagot si Marshal sa pagpapahiya sa kaniya ni Ma’am Rachel sa harap ng buong departamento at sumunod man siya sa kagustuhan nito ay pinag-initan na siya at buong departamento nito mula noon. Bawat gawin niya ay may nasisita ito. Madalas din nitong hinahamak ang kakayahan ni Marshal kaya bumaba ang kompiyansa nito sa sarili at mas lalong napahiya sa mga kasamahan na naging sanhi sa pagbibitiw sa trabaho ng beteranong empleyado.

Nang nawala si Marshal na dating nagtatanggol sa mga manggagawa ay mas lalong sumama ang ugali ni Ma’am Rachel. Kinayan-kayanan niya ang mga manggagawa. Masama ang pagtrato niya sa mga ito at inabuso niya ang awtoridad na mayroon siya bilang bagong tagapamahala ng kanilang negosyo.

‘Di kalaunan ay hindi na rin ito kinayanan ng mga manggagawa lalo na ng mga empleyadong matagal nang nagtatrabaho roon na naranasan ang maayos na pakikitungo sa kanila ng dating may-ari at mga magulang ni Ma’am Rachel. Nang mabalitaan nilang nagtayo si Marshal ng isang manufacturing company ng mga papel sa tulong ng mga nakilala nito sa industriya ay nagbitiw na ang mga ito sa trabaho at lumipat kina Marshal.

“Aalis kayo? Sige lang! Kaya ko naman kayong palitan lahat!” pagmamalaki ni Ma’am Rachel sa mga manggagawa.

Napalitan agad ni Ma’am Rachel ng mga bagong manggagawa ang mga umalis sa trabaho ngunit hindi naging madali na maturuan ang mga baguhan sa kanilang negosyo lalo na at puro mga beterano ang nag-alisan at mga batang baguhan lamang ang natira.

‘Di katagalan, sa pamamalakad ng mga baguhang empleyado na hindi alam ang pasikot-sikot ng produksyon ay unti-unting nasira ang mga makinang ginagamit nila. Bagamat hindi maayos ang pag gamit sa mga ito at hindi nabantayan ang maintenance iskedyul ng mga ito ay nagkasunud-sunod ang pagkasira ng mga ito.

Naging malaking problema ito dahil nagkaroon ng pagkukulang sa bilang ng mga produktong kailangan nilang magawa bawat araw sa bawat mga kliyente nila. Nang dahil dito ay unti-unti silang nawalan ng mga kliyente.

“I’m sorry Ms. Rachel but we have to pull out our contract with your company since you cannot deliver. Another thing is, the quality of your product has become bad. We’ve been receiving a lot of bad reviews saying the price of your product has increased a lot but the quality of your product went really down,” ang sabi ng isa sa mga kliyente ng kanilang kumpanya.

Advertisement

Sinubukang ayusin ni Ma’am Rachel ang mga problema sa kumpanya ngunit hindi niya ito kinayanan dahil wala ring gaanong alam ang mga emplayadong nakuha at naiwan sa kaniya kaya naman napagdesisyunan ng mga magulang nito na tulungan ang kanilang anak.

Kinausap nila si Marshal upang maging kasosyo sa negosyo at tulungan silang muling maibangon ang kumpanya nila gayung nagpapalakad na rin naman ito ng sarili niyang pagawaan ng mga papel.

Hindi naman sila binigo ni Marshal. Agad niyang tinanggap ang kanilang pakikipagsosyo sapagkat mayroon silang maayos na pinagsamahan noon at nais niyang tumanaw ng utang na loob sa mga magulang ni Ma’am Rachel.

“Kung hindi ho dahil sa inyo ay wala ho ako sa kinatatayuan ko ngayon. Hindi ko matututunan ang mga pasikot-sikot sa pagnenegosyo sa isang manufacturing company kaya maraming salamat po at hayaan niyong tulungan ko naman kayo ngayon,” ang sabi ni Marshal sa mga magulang ni Ma’am Rachel.

“Maraming salamat din, Marshal,” ang sabi ng mga magulang ni Ma’am Rachel.

“Mister Marshal, patawarin mo sana ang naging asal at pagtrato ko sa inyo noon. Masyadong lumaki ang ulo ko porke’t anak ako ng may-ari at bagong tagapangasiwa ng kumpanya. Nagkamali ako,” ang sabi ni Ma’am Rachel kay Marshal.

“Sana ay mabigyan niyo ako ng pagkakataon na magbago at ayusin ang aking mga pagkakamali. Mas paghuhusayan ko pa at mas aalamin ang bawat pasikot-sikot sa negosyo,” pahayag ni Rachel sa kanilang lahat.

Mula noon ay nagtulong-tulungan na sa pagpapatakbo ng kumpanya ng tisyu sina Marshal, Rachel at mga magulang nito. Matapos nilang maibalik ang dating kalidad at dami ng mga produktong nagagawa nila ay unti-unting nagbalikan ang mga dating kliyente nila. Nagkaroon rin sila ng mga bagong kliyente dahil sa koneksyon nila sa pagawaan ng papel na kumpanya ni Marshal.

Advertisement

Nang dahil sa kanilang pagtutulungan ay lumago ang kanilang mga negosyo. Natutunan rin ni Rachel na mahalaga sa pagnenegosyo ang maayos na pakikitungo sa mga empleyado at detalyadong pag-aaral sa bawat pasikot-sikot ng isang negosyo.