Avatar - Inday Trending

Inday Trending

May Sugar Mommy ang Boyfriend Ko?! - Inday Trending

May Sugar Mommy ang Boyfriend Ko?!

Kinikilig si Melanie habang binabasa ang mga messages na ipinadala ni Oliver, ang kanyang manliligaw. Anito, dadalawin raw siya sa kanilang bahay upang personal na magpakilala sa kanyang ina.

Ang totoo kasi niyan, gusto niya na rin talaga ang binata. Mabait ito, responsable at magalang kausap. Idagdag pa na gwapo, hay! Kaya ang bilis tumibok ng kanyang puso eh. Wala na namang problema roon dahil nasa tamang edad na siya, nag-iisa siyang anak ng kanyang Mommy Rose na maagang na-biyuda. Ang ginang pa nga ang nag-uudyok sa kanya na hanapin na ang tamang lalaking pakakasalan.

Mabilis lumipas ang oras at nakarinig na ng katok si Melanie sa kanilang gate. Sinipat niya pa ang sarili sa salamin at sinigurong maganda siya bago nagtungo at binuksan iyon.

“H-Hi,” mahinang wika niya.

Ang lakas talaga ng dating ng binata, naka-pormal itong damit. May dalang chocolate at mga bulaklak.

“Wow, you are beautiful.” puri nito, halos maghugis puso ang mga mata. Namula naman ang pisngi ng dalaga.

“Loko ka. Halika na pasok na, hinihintay kana ni Mommy.” iginiya niya ito sa loob.

Magiliw nitong binati ang kanyang ina, hindi nga nila namalayan ang oras at ginabi na pala sa kanila si Oliver.

“Maraming salamat sa gabing ito Melanie, I had fun. Thank you dahil hinayaan mo akong makilala ang mommy mo.” sabi ni Oliver habang nasa gate nila.

“Ano ka ba, natural lang na dapat makilala mo na ang mommy ko. Kasi..kasi may lugar kana rito eh.” sabi ni Melanie, hindi malaman kung ituturo ba ang puso niya. Nakakainis, ang korni ng pagkasabi niya! Bale ba ay pinractice niya na kanina kung paano sasagutin si Oliver.

“A-Anong ibig mong sabihin?” natulalang wika ng binata.

“Ano..ah, oo?” patanong rin na sagot niya. Sana naman, ma-gets na nito.

“Oo as in oo?! As in mahal mo na rin ako?!” nanlaki ang mata ni Oliver, hindi alam kung magtutumalon ba o yayakapin siya.

“Oo as in mahal na rin kita!” masaya ring wika niya, natawa pa sila pareho dahil may sumigaw na kapitbahay. Natutulog na nga naman ang mga ito ay nagsisigawan pa silang dalawa.

“God, Melanie you just made me the happiest man on earth!”

“Ssh! Gusto mo bang batuhin na tayo ng arinolang may ihi niyan? Sige na umuwi kana, maaga ka pa bukas sa office. Ingat ha?” malambing na sabi niya. Grabe, nag uumapaw ang kilig sa buo niyang katawan.

Nag-aalangang niyakap siya ng binata, “I love you.” bulong pa nito bago sumakay sa motor at umuwi.

Ang sumunod na mga Linggo ay naging masaya para sa dalawa, mabuting nobyo si Oliver at kailanman ay hindi siya binigyan ng dahilan upang samaan ng loob. Well, puwera na lamang nitong mga nakaraan.

Dumadalang kasi ang pagdalaw ng nobyo sa kanya, palagi itong hindi nakakapag-update kung ano na ang ginagawa. Pakiramdam niya ay nabawasan na ang sweetness nila. Grabe, ganoon ba ito kadaling magsawa?

“Ano ang inginunguso ng baby ko dyan? Birthday mo na sa isang araw, wag ka ngang bumusangot at baka mapagkamalang ako ang may birthday and ikaw ang nanay,” ginigigis na biro ng kanyang mommy Rose.

“Wala po mommy, si Oliver lang kasi.” tipid na sagot niya.

“Naku, baka naman busy lang siya. Malay mo naman bumibili ng gift for you,” wika nito.

“Mom naman. Ang masabihan nga ako kung ano ang pinagkakaabalahan niya ay hindi magawa, iyon pa kayang ibili ako ng regalo? Baka nga nalimutan niya na ang birthday ko. Teka, saan ba ang punta mo?” pag iiba niya sa usapan. Napansin niya kasi na bihis na bihis ang kanyang ina.

“Alam mo na, weekend life. Dancing dancing lang with friends.” wika nito at nagcha-cha pa. Ang cute ng mommy niya, hobby na nito ang magballroom kapag Linggo. Buti pa ito eh, nakakapag enjoy. Habang siya ay nagmumukmok at lugmok na sa tampo sa nobyo.

Sumapit ang kaarawan ni Melanie, sa wakas ay tinawagan siya ni Oliver isang umaga.

“Babe?” excited na sagot niya sa telepono. Kahit naman nagtatampo siya, umaasa pa rin siyang babalik ito sa dati. Aba, miss na miss niya na ang binata!

“Hi Mel, I received your text last night na nagyayaya kang lumabas today. Ano, pasensya kana ha? Tumawag ako just to tell you na pass muna. Sorry talaga babe, may mga tinatapos kasi ako rito sa office eh.”

“Pero babe it’s my-” hindi niya na natapos ang sasabihin dahil ibinaba na nito ang tawag.

Laglag ang balikat niyang sumubsob nalang sa kama at umiyak nang umiyak.

Ito na yata ang pinakamalungkot na birthday niya. Maya-maya pa ay muling nagring ang kanyang telepono, umasa siya kahit paano na si Oliver iyon. Na magbabago ang isip nito at hihingi ng tawad pero mali, ang kaibigan niyang si Marie ang tumatawag.

“Mel? I am sorry sis. Happy birthday pala muna, sorry kung ngayon ko sasabihin ito pero hindi ko kasi talaga matiis. I s-saw Oliver kani-kanina lang.” pahina nang pahina ang boses nito sa huling pangungusap pero hindi makakaligtas sa kanyang pandinig ang sinabi ng kaibigan.

Maging ang kaba sa boses nito habang sinasabi iyon.

“Then?”

“He’s with someone..older. Mas matanda sa kanya sis, para bang mga nasa early 60s na. Ayoko sanang mag isip ng marumi kaya lang ay.. nakakapit sa braso niya ang matanda at nagbubulungan sila tapos hahagikgik.” sabi nito.

“What?! Sandali, hindi kita maintindihan eh.” pilit pinroseso ng utak niya ang sinasabi ng kaibigan, “Are you trying to say na may kabit si Oliver, at isang matanda? Ipinagpalit ako sa matanda?”

“Sorry. Sorry sis, actually ayaw ko lang rin i-confirm yan observation ko lang naman. If you want, nandito kasi ako ngayon sa 7 eleven sa tapat ng J’s ballroom hall. Dito ko sila nakita na pumasok. Malapit lang ito sa inyo diba? Puntahan mo nalang so you can see for yourself.” suhestyon ni Marie.

Nanginginig si Melanie, nabitiwan niya ang telepono. Hindi na siya nagbihis at dali-daling sumakay ng tricycle.

Ang sakit sakit ng dibdib niya, manhid na nga yata siya sa sobrang sakit. Wala naman siyang balak na mag eskandalo, ang gusto niya lang ay mapatunayan ang sinasabi ni Marie. kakausapin niya nang maayos si Oliver at sasabihin na tapusin na nila ang lahat dahil masyado naman yata nitong kinawawa ang pagkatao niya.

Kahit na kailan, hindi tamang pagsabayin nito ang dalawang babae. Kahit hindi seryoso ang isa, mali iyon. Sana kinalasan nalang siya ng binata, mas masakit kasi itong ganito eh.

“Where are they?” lutang na wika niya, nakita niya kasing nakatayo si Marie sa isang gilid. Itinuro nito ang entrance ng ballroom.

Ang kapal rin ng mukha talaga, kukuha nalang ng kerida ay dito pa sa pinagsasayawan ng mommy niya. Hindi man lang nangimi na baka mahuli ng kanyang ina!

“T-Teka muna Melanie papapasukin ba tayo dyan? Hindi ba may membership dyan?” atubili ng kanyang kaibigan. Hindi niya na iyon pinakinggan, dire-diretso na siya sa loob.

Habang humahakbang siya ay pabilis nang pabilis ang tibok ng puso niya. Ang ipinangako niya sa sariling hindi siya mag eeskandalo ay hindi niya yata matutupad.

Dahil unti-unti, bumwelo siya, at malakas na sumigaw.

“Walanghiya ka Oliver!”

Napalingon sa kanya lahat ng naroon, si Melanie ay napaupo sa sahig dahil sa sobrang pag-iyak.

“Bakit naman ganito? Bakit kailangang ganito mo ako iwan, pwede namang makipagbreak ka na lang nang maayos-” pero hindi niya naituloy ang sasabihin nang makilala ang mga naroon.

Tita Minda, Tito Bert, Tito Jojo, Tita Beth..mga pinsan..puro kamag anak niya!

Naroon pa ang kanyang Mommy Rose sa isang gilid at humahagikgik.

Pinahid niya ang luha at unti-unting tumayo, napapitlag na lamang siya nang marinig ang isang baritonong boses mula sa kanyang likuran.

“Kahit na kailan, hindi kita lolokohin. Happy birthday my baby.”

Nang lumingon siya ay naroon si Oliver, may dalang cake at bulaklak. Gwapung-gwapo ito sa suot na polo. Natulala si Melanie at hindi magawang magsalita, hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya.

Buti nalang ang kanyang ina na ang nagpaliwanag, “Alam mo anak mahal na mahal ka ng batang ito. Noong nalaman niyang nagbo-ballroom ako ay palihim niya akong tinanong kung naghahanap ba raw dito ng dance instructor dahil marunong raw siya. Ang kanyang ina raw ay dating dance instructor rin ng mga ballroom.

Kahit na maganda ang kita niya sa opisina ay humanap pa rin siya ng extrang trabaho alam mo ba kung bakit? Alam mo kung ano ang dahilan niya?”

Umiling si Melanie.

Ngumiti ang kanyang ina, “Para mabilis makaipon. Para bigyan ka ng ganito ka-bonggang birthday.”

Napalingon muli si Melanie sa kanyang nobyo na nakangiti habang titig na titig sa kanya. Walang salitang mamutawi sa kanyang bibig, grabe.

Inisip niyang manloloko ito, iyon pala ay kumakayod ng doble para mapasaya siya. Kinutsaba pa nito ang kaibigang si Marie para mag imbento ng kwento upang mapapapunta lamang siya rito.

Niyakap niya nang pagkahigpit higpit si Oliver.

“Salamat..mahal kita.” bulong niya.

Basta may tamang timpla lang ng pag ibig, respeto, at tiwala- magtatagumpay ang isang relasyon.

Ngayon ay masaya nang namumuhay si Melanie at Oliver kasama ng apat nilang anak.

Images courtesy of www.google.com


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.