Dahil Hindi na Sexy Matapos Manganak ay Nagduda si Misis na May Babae na si Mister, Nagulat Siya sa Pasabog Nito

Apat na taon nang kasal sina Lea at Anton, mayroon silang isang taong gulang na anak, si Landon. Malaki ang sahod ni Anton bilang isang architect kaya hindi na kailangan pang magtrabaho ang kanyang misis, sa bahay na lamang ang babae at nag aalaga sa kanilang anak.

Habang tumatagal ang kanilang samahan ay lalong lumalaki ang insecurity ni Lea, pakiramdam kasi niya ay di na siya magandang tulad ng dati. Hindi na rin siya sexy, ang balingkinitan niyang katawan ay napalitan na ng malapad na balakang at bilbil, mayroon na rin siyang mga stretchmarks na bunga ng kanyang pagbubuntis.

“Ang ganda ganda naman ng misis ko,” sabi ni Anton. Isinara nito ang ilaw sa lampshade at sinimulang halikan ang leeg niya.

“Anton.. ano ba. Maaga pa tayo bukas,” sabi ni Lea at tinabig ang mister. Totoo naman iyon, isasama kasi sya nito sa seminar bukas para raw makilala naman niya ang mga ka-opisina. Pero ang tunay niyang dahilan, ay nahihiya na siyang makipagtalik rito. Baka madiri lang ito sa katawan niya dahil siya mismo ay hindi magawang tignan ang sarili sa salamin.

“Edi mag alarm,” sabi ng lalaki at ipinagpatuloy ang ginagawa, simpleng hinaplos nito ang bewang niya.

“Ano ba! Just..just let me sleep!” napasigaw na siya. Hindi nanaman umimik ang lalaki, bumuntong hininga lamang ito at natulog na.

Nang makilala ni Lea ang mga ka-opisina ng mister ay lalo siyang nanliit sa sarili. Ang gaganda ng mga babae, palibhasa ay mga dalaga. Super kinis, di naman lingid sa kaalaman niya na ang ilan roon ay pa-simpleng tinititigan siya. Paano naman kasi, ang gwapo ng mister niya. Sino ba naman ang mag aakalang isang losyang ang asawa ni Architect Anton?

Pag uwi nila sa bahay ay hindi pa rin umiimik si Anton sa kanya, kung kakausapin niya ito ay sumasagot naman pero malamig ang pakikitungo. Nakatutok rin ang mata nito sa cellphone palagi.

Advertisement

“Hello? Oo, kita tayo, oo usap lang..mamaya. Wait nandito na sya,” sabi ng lalaki bago itinago ang cellphone. Nagkunwari na lamang si Lea na hindi narinig iyon pero ang totoo ay nagdurugo na ang puso nya.

Agad niyang tinawagan ang bestfriend niyang si Claire, “Mare, rinig na rinig ko talaga.Tiyak kong may babae siya. Ano ang gagawin ko? Paano na kami ni Landon? Siguro dapat mag apply na ako ng trabaho mare para mabuhay ko ang bata,” lumuluhang sabi ni Lea.

“Huy! Hiwalayan agad ang naiisip mo, hindi pa nga tayo sigurado! Basta magmasid kalang sa asawa mo, malay mo naman. Lahat naman ng pagsasama ay may hindi pagkakaunawaan. Baka mali ka lang ng rinig.”

Sinubukan ni Lea na makinig sa payo ng kaibigan pero hindi talaga nagbabago ang mister niya. Palagi itong tila tulala at malayo ang iniisip, pag tinatanong niya naman ay sasagutin lang siya ng matipid na ngiti tapos ay iibahin na ang usapan.

Palagi niya rin itong nahuhuling may kausap sa telepono na biglang ibababa pag natanaw na siya. Hindi niya na alam ang gagawin.

“Hello, oo. Bukas na, aalis na ako dito kunwari tapos alam mo na, pag wala na si misis punta nalang dito. Sige, sige bye.” sabi ni Anton, lingid sa kaalaman nito ay nakikinig si Lea.

Nang maibaba ang tawag ay doon lamang nagpakita ang babae, “Hi hon, kain kana?”

“Mamaya na. Hon nga pala, tomorrow, gusto mo bang mag-shopping kasama ang baby? Isama mo si mama?” tanong nito sa kanya.

Advertisement

Saglit na nag isip si Lea, “Pero Sunday bukas hon, family day. Sunday na nga lang ang day off mo.” sabi niya na hinuhuli lang ang lalaki.

Tila nataranta naman ito, “Ah, ano kasi. M-may kailangan akong lakarin sa opisina eh.Kaya nga babawi nalang ako sa inyo,”

“Sige.” sabi ni Lea. Diyos ko, dito pa yata sa bahay nila gagawa ng milagro ang mister niya at ang babae nito.

Kinabukasan ay hindi mapakali si Lea, nasa bahay siya ngayon ng ina kasama si Landon. Tinawagan niya ang kumareng si Claire.

“Mare, hindi ko na alam ang gagawin ko. Isipin ko palang ang ginagawa ni Anton at ng babae niya sa bahay namin, parang sinasaksak na ang puso ko. Diyos ko po, paano ba ito?” naluluhang sabi nya, di naman din kasi sya makapagsabi sa ina dahil ayaw niyang masira si Anton rito.

“Kung ako sayo mars, puntahan mo! Ilaban mo kung ano ang sayo. Kasal kayo eh, bali-baligtarin man ang mundo, kasal kayo!”

Lumakas ang loob niya sa sinabi ng kaibigan, ayon dito, maganda raw kung maya maya konti para siguradong naroon na ang mister niya at huhulihin niya ito sa akto.

Dahan dahan niyang binuksan ang pinto ng bahay nila,walang tao sa salas. Bawat hakbang niya paakyat ng hagdan ay siyang paglakas ng tibok ng puso niya. Muli niyang tinawagan ang kumare.

Advertisement

“Mars, nasa bahay na ako. Sobra ang kaba ko Diyos ko po.”

“Go lang mars! Wag kakabahaan! Sugurin mo!”

Nilakasan ni Lea ang loob at biglang binuksan ang pinto ng kwarto nilang mag asawa.

“Huli ka-” pero di na natapos pa ni Lea ang sasabihin dahil sinunggaban na siya ng halik ng mister, gulat na gulat siya nang ilibot ang paningin at nakita niyang kumpleto ang kanilang pamilya at mga kaibigang naroon, kasama na si Claire.

“Happy Birthday!” sabay sabay na sigaw ng mga ito.

My God, sa sobrang praning nya nalimutan niya na ang sariling kaarawan.

“Happy Birthday my love, you are so beautiful. At kahit tumanda tayo, kahit ano pa ang maging itsura mo mahal na mahal kita. Ikaw ang pinakamagandang babae, ang mga bilbil at stretchmark na sinasabi mo ay ang tanda na binigyan mo ako ng pinakamagandang regalo- si Landon.Mahal kita, wag kanang magdududa ulit.” tatawa tawang paliwanag nito.

Kaya pala ito palihim laging may kausap ay pinaplano pala ang surprise para sa kanya.

Advertisement

Hindi makapaniwalang napailing nalang sa sarili si Lea, lalo niyang minahal ang asawa matapos noon at natutunan niyang magtiwala sa mister. Kung may hindi man pagkakaunawaan ay kinakausap niya na lamang ito imbes na maghinala.

Bukod doon, lalo niyang minahal ang kanyang sarili. Nakakaramdam pa rin ng insekuridad minsan pero malaki ang tulong ng kanyang asawa na palaging nagpapaalalang maganda siya.