Sobrang Nahumaling ang Lalaking Ito sa Kaniyang Nobya; Di Niya Akalaing ang Pagkapraning Niya ang Magwawakas sa Kanilang Relasyon

Matapos ang apat na buwang panliligaw ni Kiko kay Naomi ay sinagot na siya ng dalaga. Walang mapagsidlan ang kaligayahan niya noon at halos magtatalon siya sa saya.

“Talaga, Naomi? Finally! Girlfriend na kita?” tanong niya.

“Oo nga, di mo ba ako narinig? Sinasagot na kita,” nakangiting sagot ng babae.

Napayakap si Kiko sa kaniyang kasintahan dahil sa wakas, nagbunga ang kaniyang matiyagang panliligaw rito. Unang araw pa lang na makita niya si Naomi ay agad na siyang nabihag sa kagandahan nito kaya naman nang malaman niyang wala itong nobyo ay agad niyang niligawan.

“Hindi ka magsisisi Naomi, pangako magiging masaya ka sa akin.”

“Naku ikaw napakabolero mo talaga, masaya naman talaga ako pag kasama kita.”

Halos gabi-gabing dinadalaw ni Kiko si Naomi sa kanilang tahanan, sa mga araw na wala silang trabaho ay namamasyal sila at kumakain sa labas. Sa araw ng kanilang unang monthsary ay nagpasiya si Kiko na sorpresahin ang kasintahan sa kaniyang trabaho. Matyaga siyang naghintay sa labas ng opisina at nakita niyang lumabas si Naomi kasama ang isang lalaki.

Nang magpaalam ito kay Naomi ay agad niyang nilapitan ang nobya.

Advertisement

“Sino yung kasama mo ha? Niloloko mo ba ako?” sigaw niya habang hawak si Naomi sa braso.

“Kiko nasasaktan ako, katrabaho ko yun ano ba, nagkasabay lang kami sa elevator.”

Nang makita ni Kiko na naluluha na si Naomi ay saka lamang siya natauhan sa mahigpit niyang pagkakahawak rito.

“Sorry, sorry Naomi, nagselos lang talaga ako.”

“Kiko ano ka ba, hindi ako ganung klase ng babae,” sagot niya bago tumakbo papalayo.

Hindi naman nasundan ni Kiko si Naomi dahil agad itong nakasakay ng taxi, nagpasya siyang puntahan ito sa bahay upang humingi ng tawad.

“Isang buwan pa lang tayo Kiko, pero pinagiisipan mo na ako ng ganyan.”

“Patawarin mo na ako Naomi, hind na ito mauulit.”

Advertisement

“Sige pero please wag mo na tong gagawin ulit, hindi ako manloloko Kiko, magtiwala ka.”

Ngunit mula noon ay hindi na matahimik si Kiko, gabi-gabi siyang nababagabag dahil maraming lalaking katrabaho si Naomi. Kung ano-anong imahe na ang naglalaro sa kaniyang isipan.

“Oras na lokohin mo ako, magkakagulo tayo,” bulong niya sa sarili.

Hindi na nga napigilan ni Kiko ang sarili at halo araw-araw niya nang binabantayan si Naomi sa tuwing lalabas ito ng opisina, patago siyang sumusunod sa bawat lugar na pupuntahan nito at inaalam kung sino ang mga nakakasama nito.

“Kiko, gusto mo bang sumama? Magkakaraoke kami ng mga kaopisina ko bukas.”

“Talaga? Oo ba, sasamahan kita.”

Ito ang pagkakataon na nakita ni Kiko upang mapalapit sa mga kasama ng nobya. Balak niyang kilatisin ang mga lalaking araw-araw na nakapalibot kay Naomi. Kinabukasan ay ipinakilala ni Naomi ang nobyo sa kaniyang mga katrabaho.

“Guys, si Kiko nga pala nobyo ko.”

Advertisement

“Hello, salamat kasi pinasama niyo ako dito,” sagot niya.

Malugod naman siyang tinanggap ng grupo lalo na ng mga kalalakihan. Lahat sila ay naging mabuti ang pakikisama sa kaniya. Ngunit iba pa rin ang nasa isip ni Kiko.

“Kunyari pa kayo, alam ko meron sa inyong may gusto kay Naomi,” bulong niya sa sarili.

Sa gitna ng kanilang pagsisiyahan ay lumapit ang isa sa mga lalaki kay Naomi at may inabot sa kamay ng babae, kitang-kita ni Kiko kung gaano kalapad ang ngiti ng nobya sa kaniyang kausap na nagpaalab ng kaniyang galit.

“Taksil!” biglang sigaw niya.

Natahimik ang lahat sa kaniyang malakas na pagsigaw, labis din itong ikinagulat ni Naomi na naguguluhan sa kaniyang ginagawi. Mabilis na hinila ni Naomi ang nobyo papalayo sa lalaki ngunit tuluyan pa rin itong gumawa ng eksena.

“Ikaw, ang lakas ng loob mo, nakita mong nandito ako pero nilalandi mo pa rin si Naomi!”

“Pare teka nagkakamali ka.”

Advertisement

Hindi pa natatapos ang lalaki para magpaliwanag at pinaulanan na ito ni Kiko ng sunod-sunod na suntok habang pilit siyang inaawat ni Naomi.

“Kiko, huwag tama na please!”

Nang hindi pa rin ito tumigil ay sinampal niya ang nobyo saka pasigaw na ipinaliwanag ang totoong dahilan ng kanilang pag-uusap.

“Nakikita mo to? Pera yung inabot niya sakin, pambayad ng bill dito sa karaoke!”

“Isa ka pa, kaya pala nagtatawanan pa kayong dalawa?”

“Malamang eh nagkakasayahan tayo dito? Anong gusto mo mag-iyakan kami?”

Tila natauhan naman si Kiko nang makita niyang nakatingin na sa kanila ang lahat ng taong naroroon. Iniabot ni Naomi ang pera sa kaniyang katabi at tumakbong muli papalabas saka naman siya hinabol ni Kiko.

“Naomi wait, saglit lang sorry, sorry talaga nabigla ako.”

Advertisement

“Hindi Kiko, alam mo kung ano ka? Obsessed ka! Akala mo hindi ko napapansin? Palagi mong inaalam kung sino ang kasama ko at anong ginagawa ko kahit nasa loob ako ng opisina.”

“Sobrang mahal lang kasi kita, Naomi.”

“Hindi ganyan ang pagmamahal Kiko, tapos na tayo. Ayoko na!”

Paulit-ulit na humingi si Kiko ng tawad kay Naomi ngunit kahit anong gawin niya ay hindi na siya nito pinatawad. sa tuwing pupuntahan niya ito sa bahay ay hindi na siya hinaharap hanggang sa siya na mismo ang sumuko.

Hindi matanggap ni Naomi ang makasariling nobyo kaya’t hindi na niya ito muling pinagbigyan ng isa pang pagkakataon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!