Kahit Nabiktima ang Mag-asawa ng Ilegal na Recruiter ay Nakaraos Sila sa Amerika; Ibinenta Pala ng Asawa ang Dignidad Nito Mabuhay Lang Sila sa Ibang Bansa

Naloko ang mag-asawang Tony at Eula ng kanilang recruitment agency. Ang alam ng mag-asawa ay maninilbihan si Tony bilang isang inhinyero at magtuturo ng Math si Eula sa grade school. Ngunit pagtapak na pagtapak nila sa Amerika ay tsaka lang nila nalaman na ilegal pala ang pagpasok nila sa bansa, walang trabahong naghihintay sa kanila at wala silang matutuluyan.

Dala ang ilang dolyares sa kanilang mga bulsa ay nangupahan ng mumurahing motel ang dalawa at naghanap ng trabahong mapapasukan na tatanggap sa kanila.

“Mag-apply muna tayo ng trabaho sa mga lugar na hindi nangangailangang magprisinta ng mga papeles para may panggastos tayo. Pag nakaluwag na tayo tsaka natin lakarin ang mga papeles natin,” sambit ni Tony sa asawa nung nakahanap na sila ng motel na matutuluyan.

Natanggap si Eula bilang tiga-hugas sa isang maliit na kainan samantalang pagiging janitor naman sa isang maliit na tindahan ang nakuhang trabaho ni Tony. Hindi naging madali ang pamumuhay ng dalawa. Mataas ang mga bilihin kaya kayod marino ang dalawa. Naghanap pa sila ng pangalawang trabaho habang tinitipid nila ang kanilang mga sarili. Umabot sa puntong kinailangan na nilang isanla ang kanilang mga singsing sa kasal may ipangbayad lang sila sa motel na kanilang inuupahan.

Isang gabi ay nanlalatang umuwi si Eula. Mataas ang kaniyang lagnat. Walang pambili ng gamot si Tony kaya dinaan na lang niya sa paulit-ulit na pagpupunas ng bimpong binasa niya sa malamig na tubig ang pagpapagamot sa asawa.

Wala na rin silang pambili ng pagkain kaya nagtitiyaga ang lalaki sa mahabang pila tatlong beses sa isang araw sa mga organisasyon na nagbibigay ng libreng pagkain. Nung tumagal ng isang linggo ang lagnat ng asawa ay walang nagawa si Tony kung hindi isugod na ito sa ospital.

“You should have brought your wife earlier. Her condition nearly caused her life and the life of your baby. You’re lucky that they are both still alive,” sabi ng doktor kay Tony.

Ang akala ni Tony ay pambayad lang sa pagpapagamot ng kaniyang mag-iina ang kaniyang poproblemahin pero nagkakamali siya dahil pagbalik niya sa motel na kanilang nererentahan ay nasa labas na ng kwarto ang kanilang mga gamit. Ibinigay na ng may-ari ang kwarto nila sa ibang uupa dahil mag-iisang linggo na silang hindi nakakabayad sa renta. Nung gabing iyon ay sa kalye nagpalipas ng gabi si Tony habang iniisip kung saan siya kukuha ng pera para sa kaniyang mag-ina na nasa ospital at nagpapagamot.

Advertisement

Muling naalala ni Tony ang alok na trabaho sa kaniya ng isang Amerikanong kustomer sa tindahan kung saan siya nagtatrabaho bilang janitor. Hindi niya tinanggap ang alok nito noon dahil hindi niya masisikmura ang ganoong klaseng trabaho.

Isa siyang propesyonal at may mataas na pinag-aralan sa Pilipinas tapos ay mababa at kasuka-sukang uri ng trabaho ang kaniyang papasukin? Pero iba na ang panahon ngayon. Kailangang-kailangan niya ng pera. Kaya kahit alam niyang pandidirihan niya ang kaniyang sarili sa trabahong papasukin niya ay hinanap niya ang calling card na binigay sa kaniya ng Amerikano sa kanilang mga gamit at agad niya itong tinawagan.

“Hello, does the offer still stand? Yes, I am willing to take the job however I have a favor to ask. I need cash right now. My pregnant wife is in the hospital. She needs medical care. And also, we need a roof over our heads.”

Alam ni Tony na magagalit ang asawa niya pag nalaman nito kung anong klase trabaho ang pinasok niya kaya hangga’t kaya niya ay ililihim niya ito sa asawa.

Ang alam ni Eula ay natanggap si Tony bilang artista sa isang maliit na production company. At dahil malaki ang kinikita ng asawa sa trabaho nito ay nakalipat na ang mag-asawa sa mas magandang tirahan. Naayos na rin nila ang kanilang papeles kaya ligal na ang dalawa sa Amerika.

Ilang buwan matapos manganak si Eula ay natanggap siya bilang guro sa isang paaralan. Hindi maganda ang umpisa ng mag-asawa sa bansa ng mga puti pero ngayon ay nakaraos na ang dalawa at mas maayos na ang kanilang pamumuhay.

Isang araw habang namamasyal ang pamilya ay may grupo ng mga kalalakihan ang lumapit sa dalawa. Nagpa-autograph at nagpakuha ng litrato ang mga ito kay Tony.

“Sikat na pala ang asawa ko hindi ko man lang namamalayan. May nakakakilala na sa kaniya pero hanggang ngayon wala pa kong napapanood maski isa man lang sa ginawa niyang palabas. Ni hindi ko nga alam kung saang kompaniya siya nagtatrabaho, eh.” pagtatampo ng babae sa asawa.

Advertisement

“Sa ibang bansa kasi pinalabas yung mga ginawa kong short films at ayoko namang humingi ng kopya sa kompanya dahil puro extra lang ang ginampanan ko sa mga palabas na iyon. At kahit sabihin ko sa iyo ang pangalan ng kompanyang pinagtatrabahuan ko ay wala ring kwenta dahil hindi naman siya kilala. Hindi ko nga alam kung paano ako nakilala ng mga iyon, eh,” pagsisinungaling ni Tony sa asawa.

Hindi maintindihan ni Eula kung bakit laging walang gana ang asawa na pag-usapan ang kaniyang trabaho o ang kompanyang kaniyang pinagtatrabahuan. Kung minsan nga, eh, napapansin niyang parang gustong kalimutan ng asawa ang ano mang bagay na may kaugnayan dito gayong ang trabaho niya ang naging dahilan kung bakit maayos ang pamumuhay ng pamilya nila ngayon.

Habang tumatagal ay mas lalong lumalaki ang kuryosidad ni Eula tungkol sa trabaho ng kaniyang asawa kaya nung nagkaroon siya ng pagkakataon ay sinubukan niyang humanap sa internet ng kahit ano mang litrato o impormasyon na makapagsasabi tungkol sa mga palabas kung saan lumabas ang asawa o kahit sa kompanya man lang kung saan ito nagtatrabaho.

At dahil sa kaniyang masusing paghahanap ay nagtagumpay siyang matukoy kung saang kompanya nagtatrabaho ang asawa pero malaki ang kaniyang pagdududa. Oo nga at nakapaskil sa website ng kompanya ang litrato at ilang impormasyon tungkol sa asawa. Sa katunayan ay si Tony ang pinakakilala nilang artista. Pero malabong gumanap ang asawa sa mga palabas na ginagawa ng kompanya.

Para mawala ang kaniyang pagdududa ay pinanood ni Eula ang ilan sa mga teaser videos na naka-post sa website kung saan lumabas bilang pangunahing artista si Tony. Habang pinapanood niya ang palabas ay hindi niya napigilang mapatakip ang kamay sa kaniyang bibig para pigilan ang malakas niyang pag-iyak.

Hindi niya inakala na ang inhinyero niyang asawa ay papasok sa ganitong uri ng trabaho. Masakit sa dibdib. Pakiramdam niya ay pinagtaksilan siya ng asawa. Pero ganoon pa man ay kailangan niyang pakinggan ang paliwanag nito bago siya gumawa ng kahit na anong hakbang na lalong makakasira sa kaniyang pamilya, na lalong makakasira sa pagsasama nilang mag-asawa.

Nang makauwi ng bahay si Tony ay pinilit ni Eula na maging mahinahon noong komprontahin niya ang lalaki. Lalo siyang napahagulgol ng iyak nang marinig niya ang paliwanag nito sa kaniya.

“Ilang beses nagpabalik-balik ang Amerikanong parokyano sa tindahan kung saan ako nagtatrabaho bilang janitor para ialok sa akin ang trabaho. Nangako siyang malaki ang kikitain ko. Pero hindi ako nasilaw sa pera kahit isang kahig isang tuka tayo noon. Pero nanganib ang buhay niyong mag-ina. Masama ang lagay niyo sa ospital. Hindi ko alam ang gagawin ko. Walang kapera-pera ang bulsa ko. Kailangan niyong mapagamot. Kahit hindi ko masikmura ang gaanong klaseng trabaho ay wala akong nagawa kung hindi tanggapin ang alok niya alang-alang sa inyong mag-ina.

Advertisement

Nilapitan ni Tony ang asawa para sana yakapin ito pero nagdalawang isip siya dahil baka pinandidirihan na siya ng babae.

“Nagpursige akong makarating tayong dalawa dito sa Amerika sa pag-aakalang mas gaganda ang buhay natin dito pero hindi ko inakala na maloloko tayo ng recruiter natin. Okay lang sana kung ako lang, eh, kakayanin ko pero kasama kita. Sinama kita sa impyerno. Kailangan kong gumawa ng paraan. Kailangang kong tuparin ang pangako ko sa’yo na magandang buhay.”

Tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha sa mga mata ni Tony. Natatakot siya sa kalalabasan ng pag-uusap nilang ito pero pinilit pa rin niyang ipagpatuloy ang pagpapaliwanag sa asawa.

“Hindi ko sinabi sa’yo ang totoo dahil natatakot ako na mawala kayo sa’kin ng anak ko. Kakayanin ko na pandirihan ko ang sarili ko araw-araw basta huwag niyo lang akong iwan. Hindi ko kakayanin na pandirihan mo ko dahil sa trabaho ko. Hindi ko kaya na mawawala kayong mag-ina sa buhay ko dahil kinasusuklaman mong magkaroon ng isang asawa na lumalabas sa mga gay porn. Na nagkaroon ka ng taksil na asawa na ang ikinabubuhay ay pakikipagnaig sa iba’t-ibang lalaki. Oo, naiangat ko kayo sa kahirapan. Maganda na ang pamumuhay natin ngayon pero madumi pa rin ang trabaho ko. Sagad hanggang buto ang kaitiman ng pagkatao ko.”

Napasalampak sa sahig si Tony habang humahagulgol ng iyak. Lumabas na ang pinakatatago niyang baho. Nandidiri na sa kaniya ang asawa. Hihiwalayan na siya ni Eula. Iiwan na siya ng kaniyang mag-ina. Unti-unti ng nalulunod si Tony sa matinding pagdadalamhati ng madama niya ang mahigpit na yakap ng kaniyang asawa. Yakap na puno ng pagmamahal. Yakap na nagpapadama na malalagpasan nila ang unos ng magkasama. Na hindi siya mag-iisa kahit kailan.

Hindi hiniwalayan ni Eula si Tony bagkus ay lalo pa niyang minahal ang asawa dahil sa mga isinasakripisyo nito para sa kanilang pamilya. Dalawang taon pa ang kontrata ni Tony sa kompanya bago siya tuluyang makakalaya sa madumi niyang trabaho.

Pinilit ni Eula na isantabi ang lahat ng mga negatibong kaisipang pumapasok sa kaniyang isip tuwing sumasagi sa kanyang utak ang uri ng trabahong pinasok ng lalaki. Mahirap sa umpisa pero tinatagan niya ang kaniyang loob. Panahon na para siya naman ang magsakripisyo para sa kanila.

Ang tagpong iyon ang una at huling pagkakataon na napag-usapan ng dalawa ang tungkol sa trabaho ni Tony. Nang natapos na ang kontrata ng lalaki ay agad itong naghanap ng ibang trabaho. Sa awa ng Diyos ay natanggap itong inhinyero sa isang kompanya. Alam ng mag-asawa na hindi nila tuluyang mabubura sa kanilang buhay na minsang pumasok si Tony sa industriya ng g*y p*rn pero hindi hahayaan ng mag-asawa ni siraan nito ang kanilang pamilya.