Ubod ng Sungit ng Matandang Babae, Pero Nang Ampunin Niya ang Isang Tuta ay Nagbago ang Lahat
Kilala si Aling Myrna bilang isang masungit na matamda ng kanilang lugar. Karamihan sa kaniyang mga kapitbahay ay hindi niya pinapansin at tila mayroon siyang sariling mundo sa kaniyang maliit na bahay.
“Tandang Sungit! Tandang Sungit!” Ang palaging sigaw ng mga batang dumadaan sa kaniyang bakuran.
“Mga bwisit kayo magsilayas kayo rito!” Pasigaw na sagot niya.
Minsan habang siya’y nagwawalis sa labas ng bahay ay may isang puting tuta na biglang lumapit sa kaniya. Sa tantsa niya ay ilang buwan pa lamang ito at maaring naligaw lang sa kaniyang bahay.
“Shhoo, asan ba ang amo mo, alis.” Pagtaboy niya rito.
Lumakad lamang ang tuta ng ilang hakbang ngunit pabalik- balik pa rin ito ng tingin sa kaniya. Nanatili itong nakatayo sa harap ng kaniyang bahay hanggang kinagabihan.
“Nandito ka pa din? Sinabing alis na eh, Shooo!” wika niya.
Maya maya pa’y biglang bumuhos ang malakas na ulan. Naisip ni Myrna ang tutang nasa labas ng kaniyang bahay at sinilip niya ito, sumilong ito sa ilalim ng kaniyang halaman ngunit nangangatog na ito sa ginaw.
Napakamot na lang siya ng ulo dahil sa awa at pinapasok ang tuta. Binalutan niya ito ng tuwalya at tinuyo ang katawan. Pinainom niya rin ito ng maligamgam na gatas at saka ipinaglatag ng maliit na higaan sa sahig.
“Oh ngayon lang ito ha, bukas umuwi ka na, hindi ako nag- aalaga ng aso.” Wika niya.
Paggising ni Myra ay masayang naghihintay sa kaniya ang tuta, panay ang tahol at kawag ng buntot nito nang makitang tumayo na siya sa kaniyang higaan.
Pinakain niya ulit ito saka ibinalik sa labas ng bahay upang makita ng may-ari kung mapadaan man. Lumipas ang maghapon ay hindi pa rin umaalis ang tuta at wala ring umaangkin rito. Pilit niya itong inaabot sa mga batang dumadaan ngunit tinatanggihan siya ng mga ito.
“Sa inyo na ito, baka aso niyo to, iuwi mo na.”
“Ayoko nga, mamaya kagatin ako niyan eh.” Sagot ng bata.
Ilang araw pa ang lumipas at tuluyan na niyang inampon ang pobreng tuta. Naisip niyang kailangan niya rin ng bantay sa bahay. Pinangalanan niya na itong Champ at sa paglipas ng panahon ay madali itong lumaki. Di maitatanggi ni Myrna na napamahal na rin siya sa alaga, ito ang kasama niya sa lahat ng oras.
“Champ! Kain na!” tawag niya rito.
Agad namang lumalapit ang aso na parang isang taong naiintindihan ang bawat utos niya. Isang gabi ay agad siyang natulog matapos ang mga gawain, sa lapag ng kaniyang kama naman ay mahimbing ding natutulog si champ.
Sa kalagitnaan ng gabi ay nagising siya sa malakas na kahol ng kaniyang aso na nagtatatalon sa kaniyang tabi, pilit na hinihila ni Champ ang kaniyang damit hanggang sa siya ay maalimpungatan. Laking gulat niya na ang kaniyang kwarto ay napapalibutan na ng usok.
Nagsisigawan na rin ang kaniyang mga kapitbahay na pilit na pinapatay ang lumalaking sunog sa kaniyang kusina.
“Champ! Champ takbo!” Sigaw niya sa kaniyang aso habang pilit niyang hinahabol ang paghinga.
Tumayo si Myrna ngunit pagbukas niya ng pinto ay sumalubong sa kaniya ang malakas na apoy.
Sinara niyang muli ito at nagisip ng paraan upang makalabas. Tumalon si Champ sa bintana palabas ngunit hindi kasya si Myrna rito.
Diretsong tumakbo si champ sa nagkakagulong mga tao at pilit na hinihila ang isang lalaking nag- aapula ng apoy.
“Oh ito ba yung aso niya? Teka teka hinihila ako.”
“Sundan natin! Baka alam niya kung nasan si Myrna.”
“Ayun siya! Sirain na natin ito bago pa lumakas ang apoy.” sabi ng isa.
Nakita nga nila si Myrna na malapit ng mawalan ng malay sa isang sulok, buong lakas nilang giniba ang mga harang sa kanyang bintana at inalalayan siya palabas.
Buti na lamang at mabilis din natapos ang lahat ng trahedya. Napag- alamang isang gasera ang naiwang bukas sa kusina ng isang kapitbahay ang pinagmulan ng apoy.
Laking pasasalamat niya sa mga kapitbahay na tumulong lalo na sa kaniyang matapat na aso.
Mula noon ay natutunan niyang makipagkaibigan sa mga kapitbahay at lalo niyang minahal si Champ na nagligtas ng kaniyang buhay.
Walang sinumang tao ang hindi mangangailangan ng tulong, kaya’t mas mabuting matuto tayong makipag kapwa tao upang sa ganun ay mayroon tayong mga kaibigan na matatakbuhan sa oras ng pangangailangan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.