Inday TrendingInday Trending
Sobrang Higpit ng Mister kay Misis, Ikinulong Niya Itong Parang Preso sa Tahanan Nila

Sobrang Higpit ng Mister kay Misis, Ikinulong Niya Itong Parang Preso sa Tahanan Nila

Sa siyam na taon nina Rain at Kara bilang mag-asawa ay hindi nagbago ang pagiging seloso at pagdududa ng mister. Hindi niya pinapayagan ang misis na makipagusap kahit sa kanilang mga kapitbahay dahil ayaw niyang makakilala ito ng ibang lalaki, bawal din lumabas si Kara at mamasyal na hindi kasama ang asawa o di kaya ay ang maliit nilang anak.

“Mamimili lang naman ako sa grocery, mahirap isama si Kari dahil nagpapabuhat pa siya sa akin, babalik din naman agad ako.” Paliwanag niya.

“Hindi! Sige ako na ang mamimili mamaya, dito ka na lang, tatapusin ko lang itong ginagawa ko.” Sagot naman ng mister.

Matagal nang nasasakal si Kara sa pagiging mahigpit ng asawa, minsan ay gusto niya rin sanang lumabas kasama ang mga kaibigan ngunit kahit kailan ay hindi siya pinayagan nito.

“Anong gagawin niyo sa mall? Magpapa-cute lang kayo roon, kung gusto mo dito kayo sa bahay magkwentuhan.” wika ni Rain nang minsan siyang nagpaalam.

Kaya nagsawa na lamang din siya sa paghingi ng permiso nito at ibinuro ang sarili niya sa loob ng kanilang tahanan. Pag alis ni Rain para pumasok sa trabaho ay magsisimula na siya sa gawaing bahay, manonood ng telebisyon at mag-aalaga ng bata. Nakasanayan niya na ang ganitong senaryo sa araw-araw.

“Kara, may high school reunion tayo sa susunod na buwan, masaya iyon makikita natin ang dati nating mga kaklase, punta ka ha.” Ang text na ipinadala ng isa sa kaniyang mga kaibigan.

“Naku gustong-gusto ko pumunta diyan pero malabong payagan ako ng asawa ko.” Sagot niya.

Gayunma’y hindi maalis sa isip ni Kara ang gaganaping reunion, matagal na niyang hindi nakikita ang dating mga kaibigan at natitiyak niyang magiging masaya iyon. Lakas loob niyang sinubukang magpaalam muli kay Rain.

“Kelan ba ako pumayag sa mga ganyang lakad mo Kara? Hindi pwede. Tapos ang usapan.” Ang sagot nito.

“Bakit ba hindi pwede? Wala naman akong masamang gagawin doon, tsaka may kaniya kaniyang pamilya na din ang mga tao doon.” Paliwanag niya.

Nauwi ang kanilang usapan sa isang pagtatalo. Ilang araw na nagtampo si Kara sa asawa, hindi niya ito kinakausap at pinapansin, at sa sala naman natutulog si Rain tuwing gabi. Wala sa kanila ang nais na magpakumbaba hanggang sa isang gabi ay nadatnan ni Rain na umiiyak ang misis.

“Ano’ng problema? Bakit ka umiiyak?” Tanong niya rito.

“Napapagod na ako Rain, mula noong magkasintahan tayo ay napakahigpit mo na sa akin, hindi ko maintindihan kung bakit.” Lumuluhang sagot niya.

Natauhan si Rain sa sinabi ng asawa. Napagtanto niya na sa loob ng siyam na taon nilang magkasama sa loob ng isang bahay ay wala na itong ginawa kundi sundin ang mga gusto niya. Para itong ibon na ikinulong sa hawla na gustong kumawala.

Tiningnan niya ang paligid ng kanilang tahanan, napakaayos at napakalinis, maging ang kanilang anak ay lumalaking malusog at matalino. Ni minsan ay hindi nagpabaya si Kara sa kanyang tungkulin bilang maybahay.

“Patawarin mo na ako Kara, hindi ko naisip na para ka na palang preso sa loob ng bahay na ito.”

“Ang gusto ko lang naman ay pagkatiwalaan mo ako, asawa mo ako Rain, pinakasalan kita dahil mahal kita, at mananatili akong tapat sa pangako ko.”

Nagkaayos sila nang gabing iyon at muling nabuhay ang masaya nilang pagmamahalan. Sa araw ng reunion ay hindi na sinubukan pa ni Kara ang magpaalam sa asawa, ayaw niyang pag- umpisahan nanaman ito ng kanilang pagtatalo. Kaya’t laking gulat niya nang dumating si Rain na may dalang bagong damit para sa kaniya.

“Magbihis ka na, ihahatid kita sa reunion niyo para hindi ka mahirapan.” Wika nito.

“Talaga? Wow ang ganda naman nitong damit, salamat Rain.” Naiiyak na wika niya, tuwang tuwa siya sa pagababago ng asawa.

Hinatid na nga siya nito at pagtapos ay sinundo rin siya. Masaya naman si Kara kahit papaano dahil naiintindihan na ni Rain ang kaniyang saloobin. Habang patuloy namang sinusubukan ni Rain na alisin ang pagiging seloso niya na wala naman sa lugar.

Mahalaga sa mag-asawa ang magkaroon ng bukas na komunikasyon upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan at walang katuturang mga pag-aaway.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement