Ang Tanging Hiling ni Nanay Ibyang

Maagang nagising si Fe para magtinda. Araw ng Linggo at siguradong dagsa na naman ang mga magsisimba sa Quiapo. Mayroon siyang maliit na tindahan ng mga aksesorya at mga halamang gamot katabi lang ng barong-barong na kanyang tinitirhan ang munti niyang puwesto. Ulila na sa mga magulang ang dalaga, dalawa silang magkapatid ngunit ang kanyang ate ay maagang nakapag-asawa at bumukod na ng bahay kaya mag-isa na lamang niyang binubuhay ang sarili. Kahit maliit ang kinikita niya sa kanyang tindahan ay malaking tulong na iyon para makakain siya ng tatlong beses sa isang araw.

Inaabangan niya talaga kapag sumasapit ang araw ng Linggo dahil sa araw na iyon ang may pinakamaraming tao na nagsisimba sa simbahan ng Quiapo kaya ibig sabihin ay maraming posibleng kustomer na bibili ng kanyang mga paninda.

“Fe, ang aga mo namang nagbukas ng tindahan mo. Ako maya-maya ng kaunti, medyo tinatamad pa ako e. Tingnan mo ang kalangitan, mukhang uulan pa yata. Baka kahit Linggo ay matumal ang benta natin dahil may posibilidad na bumuhos ang ulan,” sabi ng kapitbahay niya at kapwa tindera na si Maya.

“Naku, hayaan mo na, malay mo naman kahit umulan nang malakas ay marami pa ring kustomer ang bumili sa mga paninda natin, manalig lang tayo,” wika niya rito.

Alas diyes na ng umaga ay marami na nga ang tao sa Quiapo ngunit dalawa pa lang ang bumili sa kanya. Nag-umpisa na ring bumuhos ang ulan kaya hanggang umabot ng alas dose ng tanghali ay wala pa sa sampu ang kanyang kustomer.

Nang biglang napalingon ang dalaga sa boses ng isang matandang babae.

“Lisa?” sabi ng matanda na nakatayo sa harapan niya at pilit siyang inaaninag at minumukhaan.

Medyo natawa naman si Fe dahil hindi naman kasi Lisa ang pangalan niya at hindi naman niya nakikilala ang matanda ngunit magalang pa rin niya itong tinanong.

Advertisement

“Magandang tanghali po, ano pong bibilhin niyo?” tanong niya rito.

Ngunit hindi ito sumasagot at palinga-linga lang sa paligid at patingin-tingin sa mga paninda niya. Napansin rin niya na wala itong sapin sa paa at puno ng talsik ng putik ang suot na mahabang damit na tila pantulog. May hawak namang payong ang matanda ngunit napansin niya na may butas na iyon kaya nababasa na rin ang bumbunan nito. Nakaramdam siya ng awa rito kaya pinapasok nya muna sa loob ng kanyang tindahan.

“Naku po, lola nababasa po kayo! Iyang payong niyo ay may butas na! Halika po, dito muna kayo sa loob ng aking tindahan para hindi kayo mabasa,” aniya habang inalalayan ito papasok at dahan-dahang pinaupo sa maliit na silya.

“Saan po kayo galing at bakit nakayapak po kayo? Natalsikan na tuloy ng putik ang suot niyong damit,” nag-aalalang sabi ni Fe.

“Hinahanap kasi kita, Lisa. Ang tagal mo kasing umuwi e. Mabuti naman at natagpuan kita rito, pakiusap, umuwi ka na sa atin, anak! Mahal na mahal ka ng Nanay Ibyang mo,” hiling ng matanda sa kanya.

“H-hindi po ako si Lisa. Fe po ang pangalan ko. Nagkakamali po kayo. Pero saan po ba siya nagpunta at paano po kayo nakarating dito sa Quiapo?” tanong niya sa matanda.

“Hayaan mo anak, hinding-hindi na ako aalis sa tabi mo para hindi ka na rin umaalis,” tanging sagot nito.

Sa tantiya niya ay nasa edad walumpu’t limang taong gulang na ang matanda kaya nag-uulyanin na. Dahil sa malakas pa rin ang ulan ay hinayaan niya muna sa puwesto niya ang matandang babae. Habang naghihintay na tumila ang ulan ay inalok niya ito ng kape at makakain. Halata kasi na nagugutom na ito. Habang kumakain ay panay naman ang kuwento nito tungkol sa anak na si Lisa. Na matalino itong bata, madiskarte sa buhay kaya nakapagtapos ng pag-aaral na may karangalan. Ang matanda naman ay napilitang mangibang bansa para matustusan ang pag-aaral noon ng anak sa kolehiyo dahil maaga itong nabalo at walang mapagkukunan ng pera pangpaaral sa anak. Habang nagkukuwento ito ay hindi napigilan ni Fe na maluha sa mga pinagdaanan nito maitaguyod lang ang pag-aaral ng anak.

Advertisement

Mabilis na lumipas ang oras at latag na ang dilim. Matumal talaga ang kita sa kanyang tindahan dahil buong araw na umuulan. Nakakaramdam na siya ng antok at gusto na niyang magpahinga ngunit naroon pa rin ang matanda.

“Lola, gabi na po. Mabuti pa ay sa bahay ko na kayo matulog. Pagpasensyahan niyo na lang po at maliit lang iyon. Sandali lang po at kukunin ko ang banig at kulambo,” aniya.

“Huwag mo akong alalahanin, Lisa, basta makakasama kitang matulog ngayong gabi ay masayang-masaya na ako,” wika nito.

Napangiti na lamang si Fe dahil paulit-ulit pa rin siyang tinatawag na Lisa ng matanda. Hinayaan na niya iyon, sa isip ng dalaga ay nami-miss lang nito ang anak. Maya-maya ay unti-unti na ring siyang dinalaw ng antok at mabilis na nakatulog. Nakatulog na rin ang matanda sa higaan nitong banig.

Kinaumagahan ay nagising si Fe sa malakas na katok sa pinto ng kanyang barong-barong. Nang buksan niya ito ay isang magandang babae ang bumungad sa kanya. May mga kasama itong nakasuot ng kulay puting uniporme.

“M-magandang umaga. May nakapagsabi sa akin na narito raw ang Mama ko?” tanong nito.

Nang biglang bumangon sa pagkakahiga ang matanda. Kinukusot-kusot ang mga mata at nang makita ang nasa labas ng pinto ay dali-daling niyakap ang babae.

“Lisa, Lisa, anak ko. Salamat at umuwi ka na! Sa wakas ay natupad ang tangi kong hiling,” malambing nitong wika.

Advertisement

“Maraming salamat!” sabi ng babae na halos maiyak na. “Ako si Lisa at siya naman ang aking ina, si Nanay Ibyang. ‘Nanay’ ang gusto niyang itawag ko sa kanya pero nasanay na kasi ako na tinatawag siyang’ Mama’, halos tatlong araw na siyang nawawala. May nakapagturo sa amin na dito raw tumuloy ang matandang nakayapak at may payong na kulay dilaw, napakalaki ng utang na loob ko sa iyo dahil ikaw ang nag-asikaso sa Mama ko,” paliwanag nito.

Naging malinaw ang lahat kay Fe. Ubod pala ng yaman ang matandang babae. Sinabi pa ng anak nito na ilang araw na nila itong hinahanap dahil umalis ito ng bahay ng hindi nagpapaalam. Aminado naman ang babae na palagi siyang wala at subsob sa trabaho kaya hindi niya nababantayan at naaalagaan ang ina. Tanging ang mga private nurse lang nito at kasambahay ang kasama sa bahay.

“Dahil sa ginawa mo ay hindi maaaring hindi kita gantimpalaan, ano ba ang gusto mo? Pasasalamat ko na sa iyo dahil inasikaso mo ang Mama ko,” sabi ni Lisa.

Napangiti lang si Fe at sinabing…

“Huwag mo nang ulit iiwan ang nanay mo. Mahalin mo siya at alagaan dahil mahal na mahal ka niya,” aniya.

Lalong dumaloy ang luha sa mga mata ni Lisa sa tinuran ng dalaga. Napagtanto nito na malaki ang pagkukulang niya sa ina dahil pinagkatiwala lang niya sa mga nurse at kasambahay ang pag-aalaga rito. Sa sobrang busy niya sa trabaho ay nakalimutan na niya ang responsibilidad niya sa ina bilang isang anak.

Gayunpaman ay hindi hinayaan ni Lisa na walang matanggap na anuman si Fe sa kagandahang loob nito. Binigyan niya ito ng puhunan para makapagpatayo ng grocery store. Ipinagawa rin nito ang bahay ng dalaga, kung dati ay nagtitiis lang sa barong-barong si Fe, ngayon ay magandang bahay na ang tinitirhan niya.

Kapag kabutihan sa puso talaga ang pinairal ay may katumbas na suwerte at pagpapalang balik mula sa Maykapal.