Naloko ang Magpinsan ng Isang Lalaki, Ngunit Mali Pala ang Paniniwala ng Dalawa Dahil Walang Panlolokong Naganap

Malapit sa isa’t-isa ang magpinsan na sina Rachel at Penny. Noong mga bata pa sila ay madali lang para sa kanila ang magkita dahil magkatabi lamang ang kanilang mga bahay.

Ngunit simula nung lumipat ang pamilya ni Rachel sa Bulacan ay naging madalang na lang magkita ang dalawa bagama’t halos gabi-gabi naman kung mag-usap sa telepono ang magpinsan.

At dahil kina Penny naisip magbakasyon ni Rachel ngayong taon ay maraming hinandang gawain ang kaniyang pinsan para masulit nila ang maikling panahon na sila ay magkasama.

“May nobyo ka na ba?” usisa ni Rachel kay Penny.

Dati ay kung ano ang lalaruin nila para sa araw na iyon ang madalas pag-usupan ng dalawa. Nung nagkahiwalay ang dalawa ay nag-iba na ang kanilang mga hilig kaya hindi na tungkol sa paglalaro ang kanilang napag-uusapan. Si Penny ay madalas magkwento tungkol sa mga hinahangaan niyang kalalakihan samantalang ang paboritong pag-usapan ni Rachel ay ang mga alaga nilang hayop.

Malawak na ngiti ang ibinigay ni Penny sa kaniyang pinsan bago siya tumango ng mabilis.

“Talaga! Anong pangalan? Gwapo ba? Paano ka niya niligawan? Paano mo siya sinagot? Tinago niyo ba ang relasyon niyo kina tita o suportado nila ang relasyon niyo?” walang preno sa kakatanong si Rachel sa kaniyang pinsan.

“Hinay-hinay lang. Mahina ang kalaban. Teka nga muna. Nakakahalata na ko sa’yo, ah. Sa pagkakatanda ko ay ang mga alaga niyong baboy, manok at kalabaw ang madalas na lumalabas sa iyong bibig. Kailan ka pa nagkainteres sa mga lalaki?” pang-aasar ni Penny sa kaniyang pinsan.

Advertisement

Sinabi ni Rachel sa kaniyang pinsan na mayroon na siyang masugid na manliligaw. Nahuhulog na ang loob nito sa lalaki at iniisip niyang sagutin ito pagbalik niya mula sa kaniyang bakasyon.

“Naku suplado, pihikan at ubod ng sungit ang nobyo kong si Stefan. Mga limang buwan na rin kaming magkarelasyon. Kung may litrato niya lang ako naipakita ko na sa’yo kung gaano siya kagwapo kaso wala, eh. At tsaka hindi siya ang nanligaw sa’kin. Stalker niya ko. Nakulitan na sa akin kaya sinagot na niya ko,” pag-aamin ni Penny kay Rachel.

May date si Penny at ang nobyo nito kaya mag-isang gumala sa mall si Rachel. Sa kaniyang pag-iikot ay namataan niya ang kaniyang manliligaw na si Stephen. Ang sabi sa kaniya ng lalaki ay doon siya sa Bulacan magbabakasyon kasama ang kaniyang ina kaya nagtataka siya kung bakit nasa Maynila ito ngayon. Sinundan niya si Stephen sa pupuntahan nito.

Isang babae pala ang katagpuan ng kaniyang manliligaw. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang hinalikan siya ng babae sa pisngi. Ang sabi nito sa kaniya ay mahal siya nito pero hindi pa nga niya sinasagot ang lalaki ay nangangaliwa na ito. Hindi makita ni Rachel ang mukha ng babae dahil nakatalikod ito sa kaniya.

Sinundan niya ang dalawa nung pumasok ang mga ito sa isang restawran. Kokomprontahin niya ang kaniyang manliligaw. Ipapaalam niya dito na nabisto na siya. Sasabihin niya rin sa kasama nitong babae na niloloko lang siya ng lalaki.

Nang makalapit na siya sa kanilang kinaroroonan ay walang sabi-sabi niyang binigyan ng mag-asawang sampal si Stephen sa mukha. Nagulat ang lalaki sa kaniyang ginawa. Nilingon niya ang babaeng katagpo ng kaniyang manliligaw at nanlaki ang kaniyang mata nang makilala niya ito.

“Pinagsasabay mo kami ng pinsan ko! Mali na nga na nangbababae ka! Pero ang lupit mo rin naman dahil kaming pang magpinsan ang napili mong lokohin!” sigaw ni Rachel sa lalaki. Hinaltak niya ang braso ni Penny nang sa gayon ay makaalis na sila sa lugar na iyon pero pinigilan siya nito at binalikan ang lalaki.

“Akala ko matino kang lalaki dahil iba ka sa mga lalaki na nakilala ko pero nagkamali ako dahil mas malala ka pa sa kanila. Buti na lang at nalaman ko agad kung anong klaseng tao ka! Nagsisi ako na niligawan pa kita,” nanggagalaiting sabi ni Penny sa kaniyang nobyo.

Advertisement

“Oo nga pala. Break na tayo!” dagdag pa niya bago niya ito binigyan ng mag-asawang sampal.

Ilang beses nagpabalik-balik si Stefan sa bahay nina Penny para makapagpaliwanag pero hindi siya hinaharap ng dalaga. Ayaw nitong makipag-usap sa kaniya. Pero makalipas ang isang linggo ay muli itong pumunta sa bahay.

“Penny, Rachel, sa tingin ko ay kailangan niyo siyang kausapin sa baba. Kung ako sa inyo ay pakikinggan ko ang paliwanag niya kong ayaw niyong magsising dalawa,” babala ng ina ni Penny.

Walang nagawa ang magpinsan kung hindi harapin ang taong kinaiinisan nila. Pagbaba nila sa sala ay nakita nila ang mukha ng lalaking nanloko sa kanilang dalawa. Ngunit hindi sila makapagsalita dahil dalawang lalaki ang nakatayo sa kanilang harapan pero iisa lamang ang mukha nito.

“Ako nga pala si Stephen, ang manliligaw ni Rachel,” pagpapakilala ng lalaki kay Penny.

“Ako naman si Stefan, ang nobyo ni Penny,” pagpapakilala ng lalaki kay Rachel.

“Magkakambal kaming dalawa,” sabay nilang sabi sa dalawang tulala na babae.

Nung naghiwalay pala ang mga magulang ng kambal ay nagkahiwalay din ang magkapatid. Si Stephen ay napunta sa kaniyang ina. Sa Bulacan sila nanirahan kung saan niya nakilala si Rachel. Si Stefan naman ay naiwan sa Maynila kasama ang kaniyang ama.

Advertisement

Walang lokohang naganap. Walang pangbababaeng nangyari. Walang nanloko sa dalawang magpinsan. Nagkamali sina Penny at Rachel sa pag-aakalang niloko sila ng lalaking mahal nila. Hindi man lang nila nalaman na magkapatid pala ang dalawa. Higit sa lahat ay magkakambal pa.

Kawawa naman si Stefan. Nakatanggap ng dalawang mag-asawang sampal sa kasalanang hindi naman niya ginawa. Nakakatuwa ang magpinsan dahil nabihag sila ng dalawang lalaki na may iisang mukha.

Naging maganda ang takbo ng relasyon ng dalawang magkapareha. Dahil sa relasyon ng magpinsan sa kambal ay lalong nagkalapit ang dalawa. Ganoon din ang magkapatid, mas naging malapit sila sa isa’t-isa dahil magpinsan ang kanilang naging nobya.

Sa katunayan ay madalas silang mag-double date kaya hindi na nakapagtataka na naging double wedding din ang kanilang kasal at naging magkapitbahay din ang dalawang magkapareha.