Tablet at Mabilis na Internet ang Hiling ng Estudyante; Para nga ba Ito sa Pag-aaral o Para sa Paglalaro?

“Magandang hapon po. Puwede pong makausap si Misis Gemma Cruz? Si teacher Jenny po ito sa eskwelahan ni Jason,” pagpapakilala ng guro.

“Yes po, Ma’am. Bakit po? May problema po ba?” tanong ni Gemma.

“Tatlong araw na po kasing hindi nakakasama sa online class si Jason. Kakamustahin ko lang po sana kung anong nangyari sa kaniya. Sinend ko na rin po sa email niya ‘yung mga na-miss niyang lessons,” ang sabi ni teacher Jenny.

Ikinagulat ito ni Gemma kaya naman agad niyang idinial ang numero ng anak na si Jason upang makausap ito ngunit hindi tumuloy ang tawag sapagkat wala na pala siyang load kaya naman umuwi na lang siya agad pagkatapos ng trabaho.

Pagkauwi ng bahay ay agad na inalam ni Gemma mula sa anak kung bakit hindi ito nakakapasok sa online class.

“Nay, ‘yun nga po sana ‘yung sasabihin ko sa inyo. Hindi po kasi kinakayanan ng lumang selpon at mobile data ‘yung mga klase ko. Parati pong napuputol-putol ang koneksyon hanggang sa naubos na po ‘yung data. Baka po puwedeng bumili tayo ng bagong tablet at magpakabit na lang tayo ng internet connection para maka-attend po ako sa mga klase?” paliwanag at hiling ni Jason sa kaniyang ina.

Napaisip nang bahagya si Gemma ngunit bandang huli ay pumayag ito sapagkat para naman ito sa pag-aaral ng kaniyang anak.

Kinabukasan, kahit na kinakapos na sa pera si Gemma ay agad niya pa ring inasikaso ang pagbili ng bagong tablet at pagpapakabit nila ng internet sa bahay. Habang hindi pa sila nakakabitan ng internet ay niloadan niya muna ng mobile data ang anak at iniwanan ito ng pera sakaling maubos uli ang data ng anak.

Advertisement

Kapos man sa pera ay ginagawan na lamang ng paraan ni Gemma ang mga pangangailangan ng kaniyang anak sa pag-aaral ngunit lingid sa kaniyang kaalaman ay hindi pala talaga ito dumadalo sa mga online class. Inuubos pala nito ang mobile data sa kaniyang paglalaro online.

“Guys, wait lang ah. Kailangan ko umattend saglit sa online class namin ngayon. Hinahanap na kasi ako ni Ma’am. Magpapanggap na lang ako na paputol-putol ‘yung mobile data para makabalik agad sa game natin,” ang sabi ni Jason sa mga kalaro niya.

Makalipas ang ilang sandali nang pagpapanggap na hindi maayos ang koneksyon sa internet ni Jason sa klase ay tuluyan niya nang pinutol ang pag attend sa online class at agad na bumalik sa kaniyang paglalaro.

Inabot na si Jason ng dis oras ng gabi sa kaniyang paglalaro ngunit hindi pa rin nakakauwi ang kaniyang ina kaya naman sinubukan niya na itong tawagan dahil sa pag-aalala. Ngunit lalo siyang nag-alala nang hindi nagring ang selpon ng ina nang dahil sa nakapatay ito.

Ilang sandali ay dumating na ang ina ni Jason na agad naman niyang sinalubong. Doon niya napag-alaman na kaya hindi niya makontak ang ina ay dahil isinanla muna nito ang kaniyang selpon upang may maipang downpayment sa tablet at may maipambayad sa pagpapakabit ng kanilang internet sa bahay. Nalaman niya rin na kaya ginabi ang ina ay dahil tumanggap pa ito ng pangalawang trabaho upang matustusan ang buwanang pambayad sa internet at sa tablet na binili nito para makapag-online class siya.

Nang dahil dito ay biglang natauhan si Jason. Napagtanto niya na mali ang ginagawa niyang panloloko sa ina lalo na sa labis na pagsusumikap at pagsasakripisyo nito upang matustusan ang mga pangangailangan niya sa pag-aaral. Kaya naman inamin niya ang pagkakamali sa ina.

“Patawarin niyo po ako sa panloloko ko sa inyo, Nanay. Hindi ko po dapat ginawa ‘yun. Hindi ko po akalain na grabe ang paghihirap niyo para lang makapag-aral ako ngayong pasukan. Hindi na po mauulit,” ang sabi ni Jason.

“Anak, sana nga ay ‘wag mo na uli akong lokohin ng ganito. Ginagawa ko ang lahat para hindi ka matulad sa amin ng Tatay mo na hindi nakapagtapos. Sana naman ay pahalagahan mo ang pag-aaral mo. Ayos lang ‘yung paminsan-minsan na paglilibang pero sana naman ay unahin mo muna ang pag-aaral mo,” pangaral ni Gemma sa kaniyang anak.

Advertisement

“Opo, Nanay. Pangako, mas paghuhusayan ko pa po ang pag-aaral ko para hindi po masayang ang lahat ng paghihirap niyo. At kapag nakapagtapos na po ako ay ako naman po ang kakayod para sa atin,” pahayag ni Jason.

Mula noon ay hindi na muling lumiban pa sa mga online class si Jason. Parati niya nang inuuna ang pag-aaral at mas pinaghusayan niya upang makakuha ng matataas na marka.

Makalipas ang ilang taon, nang makapagtapos na ng kolehiyo si Jason ay agad siyang nagtrabaho upang makatulong sa ina gaya nang ipinangako niya rito.