Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Napakasosyal Naman, Ay Hindi Pala! - Inday Trending

Napakasosyal Naman, Ay Hindi Pala!

Sumapit na naman ang araw ng biyernes na hinihintay ng maraming tao lalo na sa mga empleyadong naka-uniporme, paano’y ito lang ang araw kung saan pwede silang magsuot ng gusto at magagara nilang damit.

At kilalalang-kilala si Dolly na pinakamaporma sa kanilang opisina.

“Wow, hindi ko pa nakikita ang damit mo na ito ha! Nakakainggit ka talaga Dolly, napakadami mong damit!” saad ni Jerica, katrabaho ng dalaga.

“Naku naman, pinag-interesan niyo na naman ang mga damit ko. Alam niyo ganun talaga kapag fashionista, ayaw kong nauulit ang mga damit ko,” sagot naman ni Dolly.

“Naku, parang ang mamahal lagi ng mga suot mo. Saan mo ba nabibili ang mga iyan?” tanong naman ng babae.

“Sa mga online shop lang, sa ibang bansa pa kasi galing ang mga ito kaya medyo sosyal talaga,” nakangiting wika ni Dolly saka niya hinaplos ang damit.

Mag-iisang taon pa lang ang dalaga sa kaniyang trabaho ngunit hindi pa ito nakitaan ng damit na isinuot niya ng dalawang beses. Marami ang natutuwa at marami rin ang naiinggit, isa na nga si Reyna doon.

“Feeling ko lang hindi naman niya talaga binibili yung mga damit niya, mamaya ay nanunungkit lang siya sa kanila, akala mo naman kung sino,” wika ni Reyna sa kaibigan.

“Ito naman, pag-iinitan mo na naman iyang si Dolly e hindi mo naman natatalo iyan pagdating sa pananamit. Kaya kung ako sayo ay tanggapin mo na lang na laos ka na,” baling naman ni Fina, kaibigan ng babae.

“Kaibigan ba talaga kita? Bakit mo ako ginaganyan?” naiiritang sagot ni Reyna dito.

“Totoong kaibigan Reyna, kaya kung ako sayo ay tigilan mo na si Dolly kasi bukod sa mas maganda siya sa atin ay mas magaling talaga siyang manamit,” saad naman ni Fina.

Hindi sumagot si Reyna at nilayasan lamang ang kaibigan, limang taon na siyang nagtratrabaho sa kumpanya at aminado siya na simula nang makapasok si Dolly ay nabaling ang lahat ng atensyon sa babae. Hindi na siya ang paborito at hindi na rin siya ang pinakamaganda sa opisina. Kahit na minsan ay halatang mas mahal pa ang suot niya kay Dolly ay hindi pa rin siya napapansin, halos kalahati na nga ng sahod niya ay napupunta lamang sa pagbili ng mga bagong damit.

“Kailangan may gawin ako, kailangan malaman ko kung saan namimili iyong babaeng iyon!” isip-isip ni Reyna.

Kaya naman minatyagan niyang maigi ang buhay ni Dolly, nagtila imbestigador ito upang malaman kung saan nga bumibili ang babae ng mga damit. Hanggang sa nasundan niya ang babae sa bahay nito.

Sakto namang pumasok si Dolly sa isang malaking ukay-ukay.

“T*ngina mo girl, lalaos ka ngayon kapag nalaman nilang ukay lang pala ang mga damit mo! Tingnan lang natin,” wika niya sa sarili sabay hawak sa kaniyang salamin saka nilabas ang telepono at kinuhanan ng video si Dolly habang namimili ito ng mga damit at saka binayaran sa kahera.

“O, saan kamo bili ang mga damit mo, sa online shop ba kamo?” saad ni Reyna na nilapitan na si Dolly.

“Reyna! Anong ginagawa mo rito?!” tanong naman ni Dolly sa babae.

“Nagulat ka ba? Sinundan kita at kinuhanan pa kita ng video para maipakita sa lahat ng kaopisina natin ang kasinungalingan mo na sa online shop mo binibili ang mga damit mo pero ang totoo ay sa cheap na ukay-ukay lang pala!” baling ni Reyna.

Imbes na magalit ay tumawa ng malakas si Dolly na siya namang pinagtaka ni Reyna.

“Hoy, ba’t ka tumatawa? Sa tingin mo ba hahangaan ka pa rin nila kapag nalaman nilang mumurahin lang ang mga damit mo at ang rason kung bakit hindi ka nag-uulit ng damit ay dahil sa ukay mo lang pala kinukuha ang lahat. Teka, limang piso lang ito? Yuck, ang dumi,” pahayag pang muli ni Reyna.

“Alam mo Reyna, akala ko noong una ay galit ka lang sa akin dahil sa ayaw mo lang sa mga kagaya ko. Pero hindi ko lubos akalain na darating ka sa ganito, video ba kamo na namimili ako? Please upload it my dear Reyna,” sagot ni Dolly.

“Kasi kapag nalaman nila ‘yan ay hindi ko kawalan, baka nga maging blessing ka pa. Para lang linawin ko ha, may online shop ang ukay-ukay na ito at totoong galing ibang bansa kaya anong pagsisinungaling ko doon? Isa pa, sa amin ito Reyna. Kami ang may-ari nito at itong mga pinamili ko ngayon ay hindi para sa akin kundi para sa mga customer ko,” natatawang sabi pa nito.

“E kung sa iyo ito ay bakit hindi mo sinasabi sa office ha?” tanong pa ni Reyna.

“Ayaw ko kasing isipin ng mga katrabaho natin na ginagamit ko sila para makabenta. Mas maganda yung kusa nilang nalalaman, katulad mo! Saka kung hindi man nila ako mahalin dahil sa mga ukay-ukay kong damit ay wala akong pakialam dahil hindi naman sila ang nagdidikta ng kasiyahan ko,” sagot pang muli ng babae.

Doon na tumigil sa pakikipagtalo si Reyna at umalis na lang ito. Lalo siyang nairita sa babae dahil ngayon mas nasampal sa kanya ang katotohanan na napahiya siya. Kasabay na rin nito ay napagtanto niyang tama si Dolly, dapat nga hindi siya nagpapaapekto sa mga sinasabi ng ibang tao. Ngayon alam na nya ang dahilan kung bakit hindi na siya ang sikat dahil nakalimutan na niya ang magpakatotoo at mas inuna ang lamangan ang ibang tao.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.