Dahil sa Laki ng Utang ay Handa ang Lalaki na Ipambayad ang Kaniyang Katawan; Kumagat Kaya ang Matandang Biyuda sa Inaalok Niyang Pambayad?

“Sobrang laki po ng utang ko sa inyo. Wala po akong perang pambayad. Malamang ay habang buhay na po akong lubog sa utang kahit anong kayod ko. Hindi ko po kayang ibigay ang buhay ko para sa inyo pero handa po akong ialay ang katawan ko bilang kabayaran sa lahat ng naitulong niyo sa akin.”  

Literal na nalaglag ang panga ni Aurora sa naging pahayag ni Matias, isang street sweeper sa kanilang barangay. Kahit paulit-ulit na niyang sinabi sa lalaki na nais niya talaga itong tulungan, na wala itong kailangang bayaran sa kaniya, ito ang nagpupumilit na dapat nitong bayaran ang mga pagkakautang sa kahit na anong pamamaraan.

Unang beses na nakita ng biyuda ang masipag na street sweeper noong naglilinis ito malapit sa kaniyang bahay na walang karekla-reklamo sa kabila ng pang-aalipusta ng mayaman niyang kapitbahay. Simula noon ay madalas na siyang nakikipagkwentuhan dito sa tuwing nakatoka itong maglinis sa kanilang kalye. Sa ganitong paraan ay mas lalo niya itong nakilala at labis siya nitong napahanga kaya’t noong nabalitaan niyang nangangailangan ito ng tulong ay walang pagdadalawang-isip niya itong inabutan ng isang daang libong piso. Hindi na niya inaalam pa kung saan ito gagamitin ng lalaki.

“Maaari bang pag-isipan ko muna nang mabuti ang tungkol diyan sa alok mong kabayaran?” pakiusap ng babae. Hindi niya mawari kung ano ba ang dapat niyang maging tugon sa sobrang pagkabigla. “Tatawagan na lang kita kapag nakapagdesisyon na ako,” dagdag pa ni Aurora.

Matagal nang tigang si Aurora kaya’t isang nakakaakit na temptasyon ang alok ni Matias sa kaniya. Maagang nabiyuda ang babae. Isang militar ang kaniyang napangasawa. Kakakasal pa lamang ng dalawa nang lumuwas ang asawa ng babae patungong probinsya para tugisin ang isang grupo ng mga rebelde. Nasa kabaong na ang lalaki nung bumalik ito sa piling ng kaniyang asawa. Mahigit dalawang dekada na ang nakalipas at maliban sa namayapang asawa ay wala nang ibang lalaki ang nakapasok sa buhay ni Aurora.

Hindi makapagdesisyon ang babae kung tatanggapin ba niya ang inaalok na bayad ni Matias. Dalawang bagay ang nagtatalo sa kaniyang isipan. Una ay ang tanggapin ang bayad ng lalaki at bigyang pagkakataon ang kaniyang sarili na muling umibig o ang pangalawa, tahasang tanggihan ang bayad nito. Pakiramdam niya kasi ay parang sinasamantala niya ang kagipitan nito kung tatanggapin niya ang alok nito. Sa bandang huli ay napagdesisyunan niyang huwag na lang tawagan si Matias. Umaasa siya na sana ay nakalimutan na ng lalaki ang kanilang napag-usapan.

Makalipas ang ilang buwan ay hindi inaasahan ni Aurora na bibisitahin siya ni Matias sa kaniyang bahay. Nabalitaan niya kasing nadestino na ito sa ibang siyudad.

“Nasira po iyong selpon ko. Hanggang ngayon ay hindi ko pa napapagawa. Nag-alala ako na baka sinusubukan niyo akong kontakin. Pasensya na po at ngayon lang ako nakadalaw. Masyado po kasi akong naging abala sa trabaho. Nakapagdesisyon na po ba kayo? Sana ay tanggapin niyo ang alok ko. Hindi ko na po kasi alam kung paano ko kayo mababayaran,” pagsusumamo ni Matias.

Advertisement

Isang malalim na buntong-hininga ang iginawad ni Aurora sa kaniyang bisita bago siya nagsalita. “Matias, pasensya na pero hindi ko matatanggap ang inaalok mong bayad. Hindi tama na ibenta mo ang iyong katawan sa tulad kong isang matandang biyuda. Pwede mo na akong maging nanay sa tanda kong ito. Bata ka pa at may magandang hinaharap. Hindi mo dapat dungisan ang iyong pagkatao. Magkakaroon ka lang ng mga marka na kahit na anong linis at paligo mo sa iyong katawan ay hindi na mawawala. Uulitin ko. Wala kang utang sa akin. Ang perang inabot ko ay tulong ko sa iyo para makaraos ka sa iyong pinagdaraanan.”

Hindi inaasahan ni Aurora ang kakaibang pagbabago sa ekspresyon ni Matias dahil sa kaniyang naging sagot. Imbes na lungkot ay labis na pagkabigla ang maaaninag sa maamo nitong mukha.

“Naku po. Iba pala ang intindi niyo nung inalok ko ang katawan ko para mabayaran ang utang ko sa inyo. Pasensya na po pero hindi po kakayanin ng sikmura at konsensya ko kung makikipagtal*k ako sa ibang babae. Mahal na mahal ko po ang asawa ko. Alam ko pong mag-isa na lang kayo sa buhay. Nung inalok ko po ang katawan ko sa inyo ang ibig ko pong sabihin ay magtatrabaho ako sa inyo bilang kabayaran. Hindi niyo po ako sweswelduhan. Pwede po akong magkarpintero, tubero, hardinero, kargador. Basta kailangan niyo ng lakas ng isang lalaki sa kahit ano mang gawain handa po akong pagsilbihan kayo. Sa katunayan nga po ay pati ang misis ko ay nais ding mamasukan bilang kasambahay niyo. Hindi niyo rin po siya kailangang bayaran. Malaki po ang naitulong ng perang pinautang niyo sa amin para sa kaniyang panganganak. Pero baka hindi pa sa ngayon. Hindi pa magaling ang tahi niya at saka wala pa kaming nahahanap na taong mapagkakatiwalaan para magbantay sa panganay namin habang nagtatrabaho kami.”

Hindi napigilan ni Aurora na mapahalakhak nang malakas. Bakit ba naman kasi biglang naging berde ang utak niya? Alam naman niyang maprinsipyong tao si Matias. Ni hindi rin sumagi sa isip niya na baka pamilyadong tao na ang lalaki.

Nang huminahon na mula sa matinding pagkapahiya ang babae ay muli itong nagsalita. “Talaga bang desidido kayong mag-asawa na bayaran ako?” Sunod-sunod na tango ang isinagot ni Matias kay Aurora. “Kung gayon ay ibang kabayaran ang nais ko at hindi ako papayag na tanggihan mo ako.”

Makalipas ang isang linggo ay lumipat ng tirahan ang pamilya ni Matias. Lumipat sila sa bahay ni Aurora. Hindi para magtrabaho sa biyudang babae. Ayaw na ni Aurora na mamuhay nang mag-isa at malungkot sa malaki niyang bahay kaya ang hiniling niyang kabayaran ay ang maging katuwang niya sa buhay si Matias. Inampon ni Aurora si Matias. Wala namang magiging problema dahil matagal nang pumanaw ang mga magulang nito. Sa pagtulong niya sa lalaki ay hindi niya inaasahan na mabibigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng pamilya. Isang pamilya na matagal na niyang pinapangarap.