Tatay Kong Baldado

Iritang naglakad si Celso sa hallway ng ospital, sumasakit ang ulo niya maisip pa lamang ang mga problemang kanyang kinakaharap. Tiningnan niya ang kalendaryo sa cellphone, napakarami niya dapat meeting ngayong Linggo pero hindi niya mapupuntahan ang lahat ng iyon dahil sa biglaang pangyayaring ito.

Sa Amerika na siya naninirahan, doon na siya nagka-asawa at nagkaanak. Naroon na rin ang kanyang trabaho, kaya naman bwisit na bwisit siya dahil nang ma-ospital ang kanyang baldadong ama ay siya ang iistorbohin ng mga nurse upang mag-asikaso rito.

“Hello, Carlo? Kailan ka ba uuwi dito sa Pinas? Bakit ako ang namomroblema ngayon, bantayan mo si papa!” sabi niya sa kapatid. Dalawa lamang sila at ito ang bunso, nasa Australia naman ang lalaki.

“Pasensya ka na kuya, hindi ako makakapag-leave kasi. Alam mo naman na ako ang nagsho-shoulder sa gastusin ng papa diba? Dyan kana lang bumawi,” sabi naman nito sa kanya.

Aba at parang nanunumbat pa. Sa kabilang banda naman, may punto ito. Nang lumipad kasi siya pa-Amerika ay tinalikuran niya na talaga ang responsibilidad sa mga naiwan sa Pilipinas.

“Ikaw naman ang paborito niya eh, kayong mag-ama dapat ang magkampihan. Tulad ng lagi ninyong ginagawa,” matigas na sagot niya.

Narinig niyang bumuntong hininga ang kapatid, “Sige na naman Kuya. Kahit ngayon lang na matanda na ang papa, bantayan mo naman.”

Hindi na siya hinintay pa nitong makasagot at pinutol na ang linya kaya napamura si Celso. Ipit na ipit siya sa sitwasyon.

Advertisement

Bata pa lamang siya ay nagtanim na siya ng sama ng loob sa ama. Palagi kasing si Carlo ang kinakampihan nito, palaging si Carlo ang may bagong laruan, huwag paiiyakin si Carlo, pagbigyan si Carlo-lahat si Carlo. Ang kanilang ina ay dating OFW pero pumanaw na rin dalawang taon na ang nakalipas.

Dahan-dahan niyang pinihit ang seradura sa kwarto at tumambad sa kanya ang nangayayat na matanda. Malayung-malayo ang itsura nito sa natatandaan niya. Palibhasa ay ilang taon na rin ang nakalipas.

“C-Celso?” masayang wika nito. Kahit na hirap na hirap magsalita dahil nakangiwi ay pinilit nitong may lumabas na boses.

Isang matalim na tingin lamang ang isinukli niya sa matanda.

“Kumusta ka anak?” tanong muli ng ama.

“Ayos lang.” sabi niya, umupo sa isang bangko sa gilid at naghimas ng sentido. Muli niyang tiningnan ang cellphone at nagtipa roon. Gumagawa siya ng email na nanghihingi ng permiso sa opisina, mukhang matatagalan kasi siya sa Pilipinas.

“Ang trabaho mo? Ang mga a-apo ko? Sana ay makita ko naman s-sila kahit b-bago ako ma-wal..mawala.”

Hindi makapag-isip si Celso ng sasabihin dahil daldal nang daldal ang matandang ito.

Advertisement

“Ano ba? Nandito na nga ako, inabala mo na ako. Obligado pa akong intindihin ka at ang uutal-utal mong mga pangungusap? Tumahimik kana at matulog dyan. May mas importante akong ginagawa kaysa pakinggan ka nang paulit-ulit.” asik niya.

Umilap ang mata ng matanda at tila pinipigilan ang luha. Tumingin na lamang ito sa kabilang direksyon at mapait na ngumiti.

Ilang araw pa ang lumipas at wala namang nabago sa pakitungo ni Celso sa ama. Binabantayan niya nga ito pero para rin namang wala siya, madalas nga ay pinasasama niya pa ang loob ng matanda dahil tuwing susubok itong makipagkwentuhan ay binabara niya kaagad.

Hanggang isang hapon, nilapitan siya ng nurse.

“Sir, sabi po ng papa ninyo, baka naman raw ho maaari niyang makita ang lumang photo album nila ng mama ninyo. Nais niyang maalala raw po ang mukha ng misis niya, lumalakas raw ang kanyang loob na mabuhay pa.”

Mabigat man sa loob ni Celso ay bumalik siya sa lumang bahay at kinuha ang photo album. Nang ilapag niya iyon sa gilid ng kama ng ama ay nag-request pa ito.

“B-Baka naman pwedeng pakibuklat sa akin, h-hindi na kasi ako makagalaw..” pakiusap nito.

Marahas na buntong hininga ang pinakawalan ng lalaki. Bwisit naman!

Advertisement

Tila nahalata naman iyon ng nurse kaya nagkusa na itong damputin ang photo album.

“Ako na po, wow lolo, ang bata mo pa rito,” sabi nito nang makita ang unang larawan. Iyon ay ang kasal ng kanyang ama at ina, tama- batang bata pa nga ang matanda roon.

Ang ikalawang larawan naman ay ang araw na isinilang si Celso, kitang kita roon ang masayang itsura ng kanyang ama habang buhat siya. May isang butil pa nga ng luha sa mata nito.

Umiwas ng tingin si Celso dahil naaasiwa siya sa larawan, di siya sanay. Ang alam niyang paborito ay si Carlo.

Ang ikatlong larawan ay kuha ng ina ni Celso sa snow,”Nag-Korea po kayo ng pamilya nyo?” tanong ng nurse.

“H-Hindi. Ang misis ko lang, dati siyang OFW. Ako n-naman ay Engineer dito sa Pin-nas. Iyan ang uso noon eh, magpapadala ng larawan tapos may sulat sa likod. W-Wala pang internet noon,” sagot ng pasyente.

Pinilit ni Celso na wag makinig dahil wala naman siyang pakialam sa mga kwento nito. Pero napukaw ang atensyon niya nang muling magsalita ang nurse.

“O ito nga, may sulat nga. Si Sir po ba ito? Ang panganay ninyo? Basahin nga natin.

Advertisement

Mahal,

Kailan ka ba uuwi? Miss na miss ka na namin ni Celso. Sa isang Linggo ay second birthday na ng panganay natin. Alam mo ba? Ang saya-saya ko kasi ang first word niya, ‘papa’. O wag kang magtatampo mahal ha?

Ako naman kasi lagi ang kasama niya. Tiyak kong pag-uwi mo ay hahabulin ka rin nito. Nakakatuwa lang talaga, kahit yata kasi maghapon niya akong tawagin nang tawagin di ako magsasawang marinig ang mga salitang ‘papa’ mula sa kanya.” basa ng nurse, tapos ay binuklat ang ikalawang pahina.

Naroon naman ang larawan nilang dalawa ni Carlo, may sulat rin na siyang binasa ng nurse.

“Ang laki na ng mga anak natin ano? Si Celso ay grade 4 na sa pasukan, grade 1 naman si Carlo. Hindi nagkakalayo ang edad kaya palagi nang nag-aaway. Sakitin si Carlo, kaya nga lagi ko na lamang pinagbibigyan.

Kasi alam kong si Celso ay malakas at matalino, kayang umunawa. Ang batang ito ang nagsisilbing lakas ko dahil mas matatag pa yata kaysa sa akin.” basa ng dalaga. Ang lakas-lakas ng tibok ng puso ni Celso. Parang may nakanti sa kanyang pagkatao ang mga larawang iyon, isang damdamin na akala niya ay matagal nang nabaon sa limot.

Muli itong nagbuklat, ikatlong larawan pero walang tao roon. Bagkus ay kuha ng papalipad na eroplano.

“Diyan nakasakay si Celso ko. Masama ang loob sa akin, mahal hindi ko alam na nagkulang na pala ako. Akala niya ay hindi ko siya mahal at tanging kapatid niya lamang ang pinapanigan ko.

Advertisement

Hindi niya alam na may lugar siya sa puso ko- ang aking panganay, na hindi makukuha nino man. Sana ay dumating ang panahon na mapatawad ako ni Celso, kasi mahal na mahal ko siya.”

Maging ang nurse ay lumuluha na. Hindi nito alam ang gagawin dahil naipit sa tensyon na ngayon ay namamayani sa kwarto.

“Excuse me lang po.” sabi ng dalaga tapos ay lumabas na. Naiwan si Celso na hilam ng luha at ang matandang nakatitig lang sa kanya habang malungkot na nakangiti.

“Nak, p-patawarin mo si papa..” bulong nito.

Walang sali-salitang tumayo ang lalaki at patakbong yumakap sa nakaratay na ama.

“Ako ang patawarin mo papa. Naging makitid ang utak ko, tiniis kita,” iyak niya.

Parang isang malaking tinik ang nabunot sa dibdib nilang mag-ama. Hindi naman pala paborito nito ang kapatid niya, pareho sila. Nagkataon lang na sakitin at mahina si Carlo kaya mas nakakampihan ito palagi. Samantalang may tiwala sa kanya ang ama, alam na kaya niya ang kanyang sarili.

Isinama niya ang ama sa Amerika at doon ito minahal, inalagaan. Bumawi sila sa maraming taong hindi sila nagkasama.