Para Bigyan Siya ng Pera ng mga Magulang ay Isang Maitim na Plano ang Naisip ng Lalaki, Buhay Pala ng mga Ito ang Magiging Kapalit

Marahas na hinagis ni Don-don ang hawak niyang mga baraha sa lamesa. Natalo na naman siya. Sa loob ng tatlong oras ay naubos agad ang bonus niya sa sugal.

“Uwi na ko, pare. Butas na ang bulsa ko.” Dismayadong tumayo ang lalaki sa kaniyang kinauupuan para magbigay daan sa ibang manlalaro.

Ang pasugalang ito ang paborito niyang puntahan tuwing makakahawak siya ng pera. Kilala na siya dito at karamihan nang nagsusugal dito ay naging kaibigan na niya. Tuwing araw ng sweldo ay automatic na mahigit kalahati ng kaniyang sinasahod ang itinataya niya sa sugal. Kung minsan ay swerte. Kadalasan ay talo na nga, may utang pa sa pasugalan.

“Dating gawi? Sa susunod na sweldo mo babayaran utang mo?” Paniniguro ng namamahala ng pasugalan kay Don-don. Matapos makatanggap ng tango ay sinulat nito ang pangalan niya sa isang notebook kung saan nakatala ang mga may utang sa pasugalan.

“Kakasweldo mo lang kahapon, di ba? Ba’t ka nanghihiram sa akin ng pera? Wala akong maipangtutustos sa pangsugal mo. Mas malaki pa nga ang sweldo mo kaysa sa pensiong tinatanggap ko buwan-buwan tapos sa’kin ka mangungutang.” Inis na sagot ng tatay ni Don-don nang tinangka niyang manghiram dito ng pera.

Malaki ang utang niya sa pasugalan nung nakaraan katumbas ng mahigit kalahati ng kaniyang sweldo. Kung pauutangin siya ng kaniyang tatay ay mas malaki ang kaniyang maipupusta. Pag mas malaki ang pusta mas malaki ang tsansa na madoble ang kaniyang panalo.

Kating-kati na ang mga kamay niya na makapagsugal. Malakas ang paniniwala niya na sweswertihin siya ngayong gabi.

“Kahit limang libo lang, Tay. Sinisingil na kasi ako ng inutungangan ko, eh.” Huling hirit ni Don-don sa tatay niya ngunit hindi ito kumagat sa pagsisinungaling niya.

Advertisement

“O, anak, saan ka pupunta? Sandali na lang ‘tong niluluto ko at kakain na tayo ng hapunan.” Bati ng nanay ni Don-don nung mapansin niyang naka pang-alis ito ng damit.

“Hahanap ng mauutangan tutal wala naman akong mapapala sa inyo!” Pabalang na sagot ng lalaki. Bago binalibag ang pinto nung lumabas ito ng bahay.

At tulad nang nakagawian ni Don-don tuwing sumuweldo siya ay nagtungo siya sa pasugalan. Matapos bayaran ang kaniyang utang ay pumuwesto na siya sa lamesa para makipaglaro ng tong-its sa mga kapwa niya sugarol.

Tulad ng kaniyang pakiramdam ay sinuwerte siya nung gabing iyon dahil maraming beses siyang nanalo sa laro. Sayang nga lang at hindi gaanong kalaki ang kaniyang panalo dahil maliit lang na halaga ang kaniyang naipusta. Kung pinautang lang sana siya ng tatay niya, eh di sana tiba-tiba na siya.

“Bakit aalis ka na agad? Ala una pa lang ng madaling araw, o. Sayang naman kung palalampasin mo ang swerte mo ngayong gabi.” Sambit ni Chito kay Don-don nang tumayo na ito sa kaniyang inuupuan. Suki din ng pasugalan si Chito. Ilang beses na rin niyang nakita si Don-don tuwing maglalaro siya ng mahjong o baraha sa pasugalan pero ito ang unang beses na nakalaro niya ang lalaki.

“Next time na lang. Maaga pa pasok ko sa trabaho bukas.”

Sunud-sunod ang pagkatalo ni Don-don sa pasugalan nung mga nakaraang araw. Ilang beses siyang nakaramdam na baka swertihin siya pero laging butas ang kaniyang bulsa sa kaniyang pag-uwi. Lumaki din ang kaniyang utang kaya malaking bahagi ng kaniyang sweldo ang nauuwi sa pambayad utang sa sugalan imbes na pangpusta. Ilang beses na niyang sinubukang mangutang sa mga magulang ngunit walang balak ang mga ito na pahiramin siya ng pera. Ayaw din siyang pahiramin ng mga kakilala niya dahil alam nilang sa sugal niya lang gagamitin ang pera

Sa mga panahong ito ay madalas nang nakakalaro ni Don-don si Chito kaya napalapit na ito sa kaniya. Kay Chito niya nilalabas ang inis niya sa kaniyang mga magulang at kaibigan tuwing sinesermonan siya ng mga ito sa kaniyang pagiging sugarol.

Advertisement

“Hindi ka na naman ba pinahiram ng pera?” Tanong ni Chito kay Don-don nung niyaya niya itong mag-inuman sila sa bahay niya.

“Kahit sinabi ko nang tinakot ako ng pinagkakautangan ko na papatayin ako pag hindi ako nakapagbayad, wa epek.” Inis na bulalas ng lalaki sa kainuman.

“Baka naman kailangang paniwalain mo ang mga magulang mo na nasa panganib talaga ang buhay mo pag hindi ka nakapagbayad.” Payo ni Chito.

Para mapaniwala ang mga magulang ni Don-don ay isang ideya ang sinuwestiyon ni Chito. Masusi pinag-usapan ng dalawa ang kanilang plano para hindi magkaroon ng aberya.

“Tatakutin lang sila, ah. Walang masasaktan.” Paniniguro ni Don-don.

“Basta huwag mong kalimutan ang parte ko, ha.” Pahabol na sigaw ni Chito nang lumabas na ng bahay niya si Don-don.

Excited nang umuwi si Don-don. Kating-kati na ang kaniyang mga kamay na makahawak ng mga baraha. Hindi na siya makapaghintay na pumusta ng malaking halaga sa pasugalan. Ngayon isasakatuparan ni Chito ang kanilang plano na takutin ang kaniyang mga magulang upang maglabas ang mga ito ng pera na siyang ipupusta niya sa sugal. Hindi na siya makapaghintay kaya nagmadali siyang makauwi.

Gulat na gulat si Don-don nang madatnan niyang maraming mga pulis sa kanilang bahay. Sa di kalayuan ay may dalawang ambulansya na nagmamadaling isakay ang dalawang tao na nakahiga sa dalawang stretcher. Maya-maya ay may limang kataong nakaposas ang isa-isang nilabas ng mga pulis mula sa kanilang bahay. Kabilang sa lima si Chito, ang naging kaibigan niya sa pasugalan, bugbog sarado ang mukha nito.

Advertisement

“Sir, dito po ako nakatira. Ano pong nangyari?” Kinakabahang tanong ni Don-don sa isang pulis na lumabas ng kanilang bahay at nangilabot ang buo niyang katawan sa sagot na kaniyang natanggap. “Robbery and attempted homicide.”

Ilang linggo na ang nakakalipas simula ng gabing iyon ngunit hindi pa rin makapaniwala si Don-don sa nangyari. Dead on arrival ang mga magulang ni Don-don sa ospital. Namatay ang mga ito dahil sa planong binuo nila ni Chito.

Ang napagkasunduang plano ay magpapanggap si Chito bilang taong pinagkakautangan niya. Mag-aarkela ito ng apat na tao na magpapanggap ng mga goons niya. Dapat ay tatakutin lang ang mga magulang niya na kailangan na niyang bayaran ang kaniyang utang kung hindi ay buhay niya ang magiging kapalit ngunit iba ang plano ng apat na lalaking inupahan ni Chito.

“Patawad, Don-don. Akala ko mapagkakatiwalaan ko sila. Akala ko susunod sila sa plano. Hindi ko akalain na pagnanakaw pala talaga ang pakay nila. Sinubukan ko. Maniwala ka sinubukan kong iligtas ang mga magulang mo nang mapagtanto kong wala na sa plano ang ginagawa nila pero hindi ako nakapalag sa mga suntok at tadyak nila sa akin. Wala akong laban sa kanila.” Paulit-ulit na paghingi ng tawad ni Chito tuwing binibisita siya ni Don-don sa kulungan.

Pero aminado si Don-don na siya ang may pinakamalaking kasalanan sa kaniyang mga magulang. Para sa kakarampot na halaga ng pera na balak niyang ipangsugal ay buhay ng mga magulang niya ang naging kapalit. Dahil sa kaniyang palabas ay pinahamak niya ang mga ito.

Kahit gaano pa siya magsisi ay huli na ang lahat. Kahit talikuran niya ang pagsusugal ay hindi na maibabalik ang buhay ng kaniyang mga magulang. Ang tanging magagawa niya ay mabuhay ayon sa mga turo at pangaral ng mga ito sa kaniya at habang buhay na mamuhay sa bangungot na siya rin ang may gawa.