Bilang na ang Oras ni Lorena

Masayang nagising ang dalagang si Lorena, bukod kasi sa ito ang araw ng pangalawang taon na serbisyo ng dalaga sa opisinang pinapasukan ay ito rin ang araw na sa wakas, wala na silang utang.

Nabayaran na ng dalaga ang lahat ng pinagkakautangan ng kaniyang pamilya. Mula sa tindahan na siyang naging sandalan nila ng mahabang panahon at hanggang sa bra ng avon na suot niya ngayon. Nabayaran na niya ito sa loob ng dalawang taong pagtratrabaho bilang call center agent.

“Ma, iba pala ang amoy ng hangin kapag wala ng utang ano? Masarap sa ilong!” bati ng dalaga sa kaniyang nanay.

“Alam mo anak, kung wala ka ay baka sa kulungan o sa lansangan na kami pinulot ng mga kapatid mo. Mabuti na lang kahit na malas ako sa pag-ibig ay swerte naman ako sa anak, sobrang swerte ko sa iyo Lorena,” pahayag naman ni Aling Helen, ang nanay ng dalaga.

“Si mama nag emote na naman! Diba pangako ko naman sayo na hindi ko po kayo papabayaan, kaya ngayon na wala na tayong utang ay magtatayo naman tayo ng maliit na negosyo na pwede ninyong pagkakitaan. Tapos sunod nun ang travel goals, pupunta tayo ng Ilocos, Baler, Tagaytay at kung saan-saan pa. Pangako ko sayo iyan mama! Aasenso tayo,” madiing pahayag ng dalaga sa kaniyang nanay at saka niyakap ito ng mahigpit.

Panganay si Lorena sa limang magkakapatid, iniwan sila ng kaniyang ama para sa ibang babae na nasa abroad lang rin nito nakilala. Hindi na nila hinabol pa ito at nabuhay na lamang na malayo sa ingay at chismis ng ibang tao. Sa tuwing may magtatanong kung nasaan ang kaniyang ama ay palagi niyang sagot na maagang natulog sa sementeryo.

Kaya naman simula nang makapagtrabaho ay talagang binigay niya ang buong puso, oras at dedikasyon sa ginagawa kaya nga ngayon ay bisor na agad ang dalaga.

Habang naglalakad sa kahabaan ng Makati ay bigla siyang napatigil nang maramdamang may tumulo sa kaniyang ilong.

Advertisement

“Naku sinipon na ako sa sobrang init,” pahayag pa niya sa sarili saka hinanap ang kaniyang panyo ngunit huli na siya ng biglang lumakas ang patak nito, kulay pula, malapot at lahat ay galing sa kaniyang ilong.

“Sh*t, sh*t sh*t dugo!” isip-isip ni Lorena saka niya mabilis na pinisakan ng tissue ang butas ng kaniyang ilong.

Akala niya noong una ay sa init lamang ngunit nagsunod-sunod na ito hanggang sa kinabahan na ang dalaga.

“Panginoon, bakit ka naman ganyan? Ngayon pa nga lang ako babawi kay mama tapos kukuhanin mo na kaagad ako?” umiiyak na tanong ni Lorena nang makadaan siya sa chapel malapit sa kanilang bahay.

“Saka sa lahat naman ng sakit ay talaga leukemia pa? Pang artista saka pang mayaman lang ito pero bakit sa akin? Para ba makapaghanda pa ako o para magawa ko na lahat ngayon? Hindi ko alam, Lord,” dalangin pang muli ng dalaga at doon na bumagsak ang kaniyang luha. Iniiyak na niya ang bigat sa kanyang dibdib, ang takot na nararamdaman at ang lungkot na bumabalot sa kaniyang buong pagkatao.

Mabilis na nakapag-isip ang babae at napagdesisyunan niyang maghanda para sa kaniyang magulang para sa kaniyang mga nalalabing panahon. Ipinaputol na niya ang credit card, binayaran niya ng buo ang St. Peter’s plan at kumuha na rin siya ng lupa sa sementeryo. Lahat ng kaniyang sahod ay tinatabi niya at iniiwasan na ang gumimik kasama ang mga katrabaho at palagi na lang siyang nakadikit sa kaniyang nanay.

“Anak, may hindi tama e. Magsabi ka nga ng totoo, bakit ka ba ganyan? Mag-iisang buwan ka nang ganyan ah! Palagi ka na lang nakayakap sa akin, palaging nakabuntot at lagi mo rin akong tinititigan. Ano bang problema ha? Buntis ka ba, pinaglilihian mo ba ako?” sunod-sunod na tanong ni Aling Helen sa dalaga.

Hindi na natiis pa ni Lorena ang magsinungaling sa kanyang ina.

Advertisement

“Huwag kang mabibigla, pangako mo sa akin,” pahayag ng babae. Imbes na sagutin siya ay hinampas pa ni Aling Helen si Lorena sa kanyang binte.

“Ayan, yung mga ganito natin, mamimiss ko ito. Mama, may leukemia ako,” pahayag ng dalaga.

“Ha? Kailan pa? Anong sabi ng doktor, anong stage? Bakit hindi mo sinasabi sa akin?” sagot ng ale at saka mabilis na napaiyak at niyakap ang anak.

“Wala mama, hindi ako nagpatingin sa doktor kasi alam ko naman na ang sakit ko. Nagdudugo yung ilong ko lagi, sa mga palabas hindi ba’t ganoon yun. Tapos dahil sinungaling yung ganitong klase ng sakit ay akala nila’y magaling na sila pero ang ending, tigok. Goodbye ‘Pinas pa rin naman,” sabi naman ni Lorena.

“Bakit ka ganyan magsalita? Sa tingin mo ba ang ayos lang sa akin na hindi ka magpatingin? Wala akong pakialam kung kailangan kong mabaon ulit sa utang mailigtas lang kita at kung hindi man ay iyong maipaglaban man lang kita sa bawat minuto ng natitira mong buhay,” wika ng ale at sabay na nag iyakan ang mag-ina.

Kinaumagahan ay nagpunta nga ang dalawa sa ospital, kinuhanan ng dugo si Lorena at kung ano-anong test.

“Dok, kung sasabihin niyo pong may taning na ang buhay ko pwede po bang huwag masyadong nakakaiyak. Expected ko na rin naman po ito, sanay na ako sa mga palabas na napapanuod namin ni mama, ayos lang kami dok,” wika ni Lorena sa gwapong doktor na lumapit sa kanila.

“Alam niyo minsan gusto ko ring tawagan yung mga direktor o kaya naman writer, kasi kapag dumugo ang ilong ay leukemia agad ang sakit na ginagamit nila pero ang totoo niyang marami pang iba,” saad ng doktor.

Advertisement

“Oh my god, mas malalala po ba doon ang sakit ko?” baling naman ni Lorena dito.

“Sa totoo lang, malala ka na,” maiksing pahayag ng doktor at biglang natahimik ang tatlo.

“Kasi may problema lang sa ilong mo pero wala kang sakit. Kaya lang nagdudugo ang ilong mo dahil nasobrahan ito sa pagsinga kaya naging sensitibo ang ilang bahagi na nagiging sanhi ng pagdurugo. Mahaba pa ang buhay mo at hindi mo na kailangan pang malungkot,” nakangiting paliwanag ng doktor.

“Kita mo na! Kakasinga mo na akala mo ilalabas mo pati utak mo ay ito na ang resulta, putragis kang bata ka!” bulyaw ni Aling Helen sabay pinaghahampas ang dalaga at napangiti rin naman ito saka nagyakap ang dalawa.

Nagpapasalamat si Lorena sa Diyos dahil hindi pa bilang ang kaniyang oras sa mundong ibabaw, ngunit hindi rin nya maiwasang matawa dahil sa kaniyang mga pinaggagawa noong nakaraan.

Ngayon ay napatunayan niyang hindi totoo lahat ng nasa palabas kahit pa palaging nangyayari ito at ang pinakamahalaga ay ang magtungo muna sa eksperto lalo na’t buhay ang pinag-uusapan.