Kinunsinti ng Pulis ang mga Inireklamong mga Kabataan ng Galit na Galit na Matanda, Nakakabilib ang Kanyang Dahilan

Si Police Officer Leandro ay kilala bilang masigasig ngunit masiyahing pulis sa kanilang baryo. Marami ang natutuwa sa kanya, ngunit marami rin ang naiinis sa hindi malamang dahilan.

Isang araw ay may matatandang nagreklamo sa kanya ukol sa mga kabataang nagbabasketball, “Kaingay-ingay ng mga batang iyan, Officer. Baka pwede niyong sawayin. Umagang-umaga, nagbabasketball na agad ang mga iyan!”

Galaiting-galaiti ang matatanda sa mga kabataan. Hindi kasi masaway ang mga ito kaya naman tumawag na sila ng pulis upang masolusyonan ito.

Kaya naman nilapitan ito ni Officer Leandro at nakita nilang kinausap ang mga kabataan. Ngunit ganoon nalang ang pagkagulat at pagtataka nila nang makitang nakisali pa ang pulis sa paglalaro ng mga kabataan.

“Ano ba naman ‘yang pulis na ‘yan? Isa rin palang pasaway ‘yan!” inis na reklamo ng matatanda.

Hanggang sa hindi na ito natiis ng mga nagrereklamo at nilapitan na ang pulis na kalaro ng mga kabataan.

“Ano ka bang klaseng pulis ka? Ang sabi namin patigilin mo maglaro, hindi namin sinabing makipaglaro ka rin!”

Tumigil sandali sa paglalaro ang hinihingal na pulis, “Pasensya na po.”

Advertisement

“Anong pasensya? Paano mo maipapaliwanag ang ginawa mo ngayon, aber?” nakapamewang na turan pa ng matandang babae.

“Ganito po kasi iyon, sinubukan ko po silang patigilin kanina pero dahil sa kanilang dahilan ay naisip ko na tama naman sila. Hindi dapat, sa halip ay dapat na suportahan,” mahinahong paliwanag niya.

“At ano namang dahilan ng mga lintik na batang iyan?” galit pa rin ang matatanda.

“Mas gusto naman po naming magbasketball kaysa matulad sa ibang kabataan ngayon na kung hindi lulong sa computer, ay lulong sa pinagbabawal na gamot,” paliwanag ng mga kabataan sa pulis. “Isa pa po ay pagpapraktis rin po ang ginagawa namin dahil gusto po naming maging varsity sa kolehiyo, sa pamamagitan noon ay pwede kaming maging scholar at wala nang intindihing bayarin ang mga magulang namin.”

Napatigil ang lahat nang sabihin ng pulis ang dahilan ng mga kabataan, “Maigi na nga hong sa basketball sila nahihilig, magandang ehersisyo pa ito sa katawan nila. Hindi po ba?”

“Eh bakit kailangang maagang-maaga naman sila naglalaro, aba, nakakaistorbo sila!” paglalaban pa rin ng matanda, dinuro-duro pa nito ang pulis.

“Linggo naman po ngayon, Lola. At saka hindi po ba mas okay nang pakinggan ang talbog ng bola sa umaga kaysa sa maagang chismisan?” singit ng isang binata na tinulungan na ang pulis.

Natameme at hindi na nakakibo pa ang matatandang nagreklamo. Kanya-kanya na rin silang nag-alisan. Samantala, nagpasalamat naman ang mga kabataan sa mabait at mapagpasensyang pulis.

Advertisement

Kung minsan ay may mga hilig talaga ang kabataan na hindi maintindihan ng mga nakatatanda. Bakit hindi natin subukang tanungin sila kung masaya ba sila sa ginagawa nila? Pwede naman nating intindihin ang mga hilig na makakapagpasaya sa kanila, hangga’t nakabubuti ito sa kanila. Mas magandang suportahan natin ang mga kabataan lalo na kung ito ay isa sa mga talento nila.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.