Ayaw ng Ina na Maging Disgrasyada ang Kaniyang Anak Tulad Niya; Pipilitin Niyang Ipakasal ang Anak sa Ama ng Dinadala Nito

Mag-isang pinalaki ni Nanay Magdalena ang kaniyang anak na si Sarah matapos siyang buntisin at iwan ng ama nito noong kabataan niya. Nang dahil dito ay parati niyang pinapaalalahanan ang kaniyang anak na mag-ingat upang hindi matulad sa kaniya.

“Anak, ‘wag kang basta-basta makikipagrelasyon agad ah? Tapusin mo muna ‘yung pag-aaral mo at ‘wag kang magpapaligaw sa labas. Gusto ko dito ka nila liligawan sa bahay para makilatis ko ang mga lalaking magkaka-interes sa’yo,” bilin ni Nanay Magdalena.

“Opo, ‘Nay, ‘wag po kayong mag-alala,” tugon ni Sarah.

Nung nakapagtapos si Sarah ay may mga iilan sa kaniyang mga dating kaklase ang naglakas loob na manligaw sa kaniya ngunit wala ni-isa rito ang nagustuhan niya at ng kaniyang ina.

‘Di nagtagal sa kumpaniyang pinagtatrabahuhan ni Sarah ay mayroong lalaki na muling nagkainteres at umakyat ng ligaw sa kanilang bahay.

“Nanay, si Mike po. ‘Yung nasabi kong dadalaw ngayon,” pakilala ni Sarah sa ina.

Agad na lumapit si Mike kay Nanay Magdalena at agad na nagmano.

“Magandang gabi po Ma’am,” pagbati ni Mike bago iabot ang supot ng mga prutas sa ina ni Sarah.

Advertisement

Ikinagulat ito ni Nanay Magdalena sapagkat si Mike lamang ang katangi-tanging manliligaw ni Sarah na magalang na nagmano sa kaniya.

Makalipas ang apat na buwan na panliligaw ni Mike kay Sarah, dahil nakita ng dalaga ang mga magagandang katangian sa binata gaya ng pagiging maalaga, mabait at responsable, ay nahulog na rin ang loob ng dalaga sa kaniya. Sinagot na ni Sarah si Mike na inaprubahan din naman ni Nanay Magdalena.

Nagdaan ang tatlong taon at nagbabalak nang magpakasal sina Mike at Sarah kaya naman naging kampante na ang dalaga sa nobyo at pinagbigyan ito na may mangyari sa kanila.

Nang dahil sa isang gabi na ito ay nabuntis ang dalaga bago pa man sila ikasal.

Ikinagalit ito ni Nanay Magdalena at agad na pinamadali ang pagpapakasal ng magkasintahan. Sinunod naman ito ng dalawa. Minadali nila ang pag-aasikaso para sa kanilang kasal ngunit ilang araw bago sila ikasal ay biglang umatras at nakipaghiwalay si Sarah.

Napag-alaman ng dalaga na dalawang taon na pala siyang niloloko ni Mike. Ilang babae na pala ang nakasabayan niya habang sila ay magkasintahan. Labis na nasaktan si Sarah sa nalaman kaya naman ayaw niya nang magpakasal pa kay Mike.

Napaisip si Nanay Magdalena sapagkat ayaw niyang matulad sa kaniya ang kaniyang anak.

“Hanggang ngayon ba ay may mga karelasyon pa siyang ibang babae?” tanong ng ina.

Advertisement

“Isang buwan na pong wala na pero nalaman kong kahit alam niyang buntis na ‘ko noon ay mayroon pa rin siyang iba,” sagot ni Sarah.

“Anak, alam kong sobrang nasasaktan ka ngayon pero sana ay ‘wag kang magpadalos-dalos sa mga desisyon mo. ‘Wag mo sanang hayaan na masira ang pagsasama niyo lalo na at magkakaroon na kayo ng anak. Ipaglaban mo ang magiging pamilya mo kahit para man lang sa magiging anak niyo,” pangungumbinsi ng ina.

“Naiintindihan ko pong gusto niyo lang po na maging maayos ang buhay at kinabukasan naming mag-ina. Alam ko pong ayaw niyo lang akong matulad sa inyo at husgahan ng maraming tao. Pero ayaw ko rin naman pong matali sa mali at manlolokong lalaki. Ayaw ko pong isipin ng magiging anak namin na ayos lang na ganun ang gawin sa ating mga babae,” ang sabi ni Sarah.

“Sorry po, ‘Nay, at nabigo ko po kayo,” dagdag pa ni Sarah.

Agad siyang niyakap ng ina at sinabing: “Huwag kang mag-alala, anak. Tutulungan kita. Hindi ko kayo papabayaan ng magiging apo ko.”

Matapos ang kanilang pag-uusap ay pinanindigan ni Sarah na hindi magpakasal kay Mike. Siya ay nakipaghiwalay rito at pinutol niya ang kahit na anong komunikasyon dito kahit na nailuwal niya na ang kanilang anak.

Makalipas ang ilang taon nang pag-aralin na ni Sarah ang kaniyang anak, nagkita sila roon ng dati niyang kaklase sa elementarya na si Rey. Habang hinihintay nila ang kanilang mga anak ay nagkumustahan ang dalawa. 

Kagaya ni Sarah ay hindi naging maganda ang nakaraan ni Rey sa ina ng kaniyang anak. Matapos daw iluwal ang kanilang anak ay iniwan na ito sa kaniya dahil hindi pa raw ito handang maging ina.

Advertisement

‘Di nagtagal sa araw-araw na pagtatagpo nila sa eskwelahan at dahil sa naging malapit ang kanilang mga anak ay nagkagustuhan ang dalawa. Iningatan nila ang kanilang relasyon at nagpakasal. Sila ay namuhay nang masaya at nagkakaintindihan dahil alam nilang pareho ang nararamdaman ng bawat isa base sa kanilang mga nakaraan at mga karanasan sa buhay.