Ninenerbyos ang Apo dahil Nagmumulto ang Lolo Niya, Dahil Pala Iyon sa Atraso Niya sa Matanda

Mahimbing ang tulog ni Rhea nang bigla siyang naalimpungatan na tila ba may nanggigising sa kaniya. Nilingon niya ang natutulog niyang lola sa pag-aakalang ito ang nanggigising sa kaniya ngunit mahimbing itong natutulog sa kaniyang tabi. Pinakiramdaman niya ang kapaligiran at tinalasan ang kaniyang mga tenga bago siya bumangon para i-check ang buong kabahayan. Mukha namang hindi sila pinasok ng magnanakaw. Nang masiguro niyang naka-lock ang lahat ng mga pinto at nakasara ang mga bintana ay bumalik ulit siya sa kwarto nilang mag-lola.

Napasigaw si Rhea sa gulat nang makita niya ang yumao niyang lolo na nag-aabang sa kaniya sa labas ng pinto ng kwarto. “Lolo, naman. Huwag ka naman manakot. May kailangan po kayo?” Hindi siya nito sinagot. Malulungkot ang mga mata nito. Nilingon nito ang natutulog niyang lola bago biglang naglaho na parang bula.

Hindi na bago kay Rhea na makakita ng mga kaluluwa ng mga yumao. Bata pa lamang siya ay nakakakita na siya ng mga espiritu, isang kakayahan na namana niya sa kaniyang lolo. Mahigit bente taon na nung huli itong nagpakita sa kaniya. Sa katunayan ay masaya itong nagpaalam sa kaniya na hindi na magpapakitang muli kaya nagtataka siya kung bakit ito muling dumalaw na may bahid na matinding kalungkutan sa mga mata.

Nang masiguro na ni Rhea na naihanda na niya ang lahat ng kakailanganin ng kaniyang lola ay pumasok na siya sa kaniyang trabaho matapos niyang magpaalam dito. Hindi maalis sa kaniyang isip ang nais na ipahiwatig ng kaluluwa ng kaniyang lolo. Araw-araw na itong nagpapakita sa kaniya. Kung hindi ito malungkot ay tahimik itong umiiyak sa isang tabi. Ilang beses na rin niya itong tinanong pero hindi siya nito sinasagot sa halip ay humahagulgol ito ng iyak.

Seryosong nagtatrabaho si Rhea ng bigla siyang napatalon sa kaniyang upuan ng may marinig siyang malakas na hampas sa bintana ng kaniyang opisina. Kinakalampag ito ng paulit-ulit na kaniyang yumaong lolo. “Ang lola mo! Ang lola mo! Kailangan ka ng lola mo!” Nabalot ng takot at pag-aalala si Rhea nang marinig niya ang sinabi nito. Tinawagan niya ang telepono ng kanilang bahay pero walang sumasagot sa kaniyang mga tawag. Mabilis niyang kinuha ang kaniyang mga gamit at nagmadaling umuwi para puntahan ang kaniyang lola.

Hindi man lang napansin ni Rhea na may malala na palang karamdaman ang kaniyang lola. Kung hindi pa siya pinuntahan ng yumao niyang lolo sa opisina ay baka hindi ito agad nadala sa ospital. Kung nagkataon ay malamang hindi na niya ito kapiling. Mahigpit na bilin sa kaniya ng kaniyang lolo na alagaan niya ng mabuti ang kaniyang lola pero binigo niya ito. Hindi na siya magtataka kung bakit ito umiiyak tuwing nagpapakita sa kaniya. Pero laking pasasalamat niya dito dahil may pagkakataon pa siya para bumawi sa kaniyang lola.

May cancer sa baga ang lola ni Rhea at sa kasawiang palad ay hindi ito napagamot ng maaga. Ilang buwan na lang ang natitira bago siya nito tuluyang iwan.

Nag-leave muna sa trabaho si Rhea para masulit niya ang natitirang panahon kasama ang kaniyang lola. Binigay niya ang lahat ng hinihiling nito kabilang na doon ang kagustuhan nitong umuwi sa kanilang bahay imbes na magpagamot sa ospital.

Advertisement

Hindi na kumuha ng caregiver si Rhea para may makatulong sa pag-aaruga sa kaniyang lola. Siya na mismo ang nag-alaga dito. Kasama niya ang kaluluwa ng kaniyang lolo na masusing nagbabantay sa kaniyang lola. Hindi na ito umalis sa tabi ng kaniyang lola. Malungkot na pinagmamasdan ang kaniyang pinakamamahal.

Mabilis na lumipas ang mga araw hanggang sa tuluyan nang namayapa ang lola ni Rhea. Halos wala sa sarili ang dalaga. Sumasabay lang siya sa agos ng mga taong nakapaligid sa kaniya. Ni hindi nga niya matandaan kung sino ang mga kumausap sa kaniya sa burol at kung ano ang kanilang mga pinag-usapan. Nang tuluyan ng ibaba ang kabaong ng kaniyang lola ay tsaka lang siya bumalik sa realidad na mag-isa na lamang siya ngayon.

Tapos na ang libing ng lola ni Rhea. Ayaw na muna niyang umuwi sa kanilang bahay kaya naglakad-lakad muna siya hanggang sa mapadpad siya sa isang tulay. Sa gitna ng tulay ay dalawang mahalagang tao ang nag-aabang sa kaniya.

“Hindi ka nag-iisa, Rhea. Patuloy ka naming babantayan ng lolo mo. Hindi mo man kami makikita pero palagi kaming nakaagapay sa iyo.” Masayang nakangiti ang lola ni Rhea habang sinasabi niya ang mga katagang iyon. Kasama na kaniyang lola ang kaniyang lolo.

Sa ngayon ay magiging mahirap ang lahat para sa kaniya. Pero alam ni Rhea na makakayanan niya ang lahat. Dahil patuloy siyang binabantayan ng kaniyang mga lolo at lola.