Minaliit ng Babae ang Bagong Pinagkakakitaan ng Dating Kaklase; ‘Di Niya Akalaing Kikita Rin Siya Doon

“Dianne, sigurado ka bang ikaw muna ‘yung isa sa mga ilalagay ko sa floating status dito sa kumpaniya? Kahit kasi mas makakatipid ang kumpaniya sa ganito eh mas malaki pa rin ang nagagawa mo rito,” pagkaklaro ng boss ni Dianne.

“Yes po Ma’am, okay lang po. Kaysa naman po tatlo sa mga kasamahan ko ang mawalan ng trabaho,” sagot ni Dianne.

Matapos ang pag-uusap at pagpapaalaman nila Dianne at ng kaniyang boss ay umuwi na si Dianne at agad na naghanap ng bagong puwedeng mapagkakitaan.

Sa kaniyang paghahanap ay pagbebenta ng mga iba’t-ibang uri ng mga pagkain ang nakita niyang mayroong malaking tiyansang kumita ngayong panahon ng pandemya sapagkat ito ay isa sa mga pangunahing pangangailan ng mga tao. Kaya naman ito ay kaniyang pinasok. Kumausap siya ng iba’t-ibang mga tao na puwede niyang maging supplier at maging reseller ng mga ‘to.

Matapos maayos ang kasunduan sa kaniyang mga nakausap ay agad na siyang nagsimulang magpost ng kaniyang mga produkto sa social media. Nung umpisa ay mga malalapit na mga kakilala, mga kaibigan at mga kamag-anakan lang ang bumibili sa kaniya hanggang sa bandang huli ay pati na rin ang mga nakilala niya lamang sa social media na kakilala ng kaniyang mga kakilala.

Isang araw ay tinawagan siya ng dati niyang kaklase nung high school na si Glenda: 

“Uy Dianne! Anong nangyari sa’yo? Bakit nagtitinda ka na lang ng kung ano-ano ngayon?”

“Kinailangan kasing magbawas ng mga empleyado sa kumpaniyang pinapasukan ko ngayong may pandemya kaya naka-floating status ako ngayon,” sagot ni Dianne.

Advertisement

“Hala! Hindi ba’t mataas ang posisyon mo sa pinagtatrabahuhan mo? Sayang naman,” saad ni Glenda.

“Ayos lang ako. Ako rin naman ang nagsuggest nun sa kanila para hindi rin mawalan ng trabaho ‘yung ibang mga kasamahan ko,” ang sabi ni Dianne.

“Tapos ano ka ngayon? Nagtitinda ka na lang ng kung ano-ano online?” pangunguwestiyon ni Glenda.

“Sayang naman ‘yung pagiging valedictorian at pagkakaroon mo ng mataas na posisyon sa kumpaniya kung d’yan ka lang din babagsak,” ang sabi pa nito.

“Wala namang masama sa pagiging online seller. Marangal itong trabaho at wala akong inaagrabyado. Kumikita ako rito at ito ang kinabubuhay ko ngayon,” pahayag ni Dianne.

Hindi nakaimik si Glenda kaya muling nagsalita si Dianne upang magpaalam sa dating kaklase:

“Sige na Glenda, may mga inaasikaso pa akong mga order sa akin. Sa susunod na lang uli.”

‘Di nagtagal ay mas marami na ang bumibili kay Dianne. Mas lumaki na rin ang kaniyang kita nung siya ay maging distributor ng iba’t-ibang mga produkto habang si Glenda naman nung kinalaunan ay napabilang sa mga empleyadong inalis sa trabaho nang dahil sa pandemya.

Advertisement

Sinubukan ni Glenda na mag-apply sa iba’t-ibang kumpaniya ngunit siya ay nabigo sapagkat lahat nang napuntahan niya ay kasalukuyan ding hindi tumatanggap ng mga aplikante, bagkus ay nagbabawas pa sila ng mga empleyado nang dahil sa pandemya.

Isang araw ay nagkasalubong sa palengke ang dating magkaklase. Sa kanilang pagkakamustahan ay napag-alaman ni Dianne ang nangyari kay Glenda kaya naman inalok niya ito na maging reseller niya.

Nung una ay tinatanggihan pa ito ni Glenda ngunit bandang huli ay napag-isipan niyang subukan ito.

Tinuruan siya ni Dianne ng mga diskarte sa pagtitinda at ipinasa niya rin dito ang ilan sa mga dati niyang mga suking mamimili. Nang dahil dito ay nagkaroon nang pinagkakitaan si Glenda.

‘Di kalaunan ay natutunan na nang maigi ni Glenda ang sistema sa pagiging reseller kay Dianne. Dumami na rin ang kaniyang mga suki na tumatangkilik sa kanilang mga produkto at lumaki na rin ang kaniyang kita.

Ngunit sa kasagsagan ng paglago ng kanilang pinagkakakitaan ay nagkataon namang pinapabalik na uli si Dianne sa kaniyang pinapasukang kumpaniya. Nabahala si Glenda sa pag-aalalang mawalan uli nang pinagkakakitaan kaya naman kinausap niya si Dianne tungkol dito:

“Paano na ‘yung pagiging reseller ko sa’yo? Ano nang mangyayari? Hindi pa naman ako nakakahanap ng bagong trabaho.”

“Huwag kang mag-alala ,Glenda. Nakausap ko na ‘yung boss ko. Pinayagan niya akong ipagpatuloy ang pagiging distributor ko kahit na nagtatrabaho na uli ako sa kumpaniya. ‘Wag ko lang daw ito isabay sa oras ng trabaho ko sa kaniya,”  pahayag ni Dianne.

Advertisement

“Naku! Talaga ba? Maraming salamat, Dianne,” ang sabi ni Glenda.

“Wala ‘yun. Siyempre nanghihinayang din ako sa nasimulan natin. Ayusin na lang natin ‘yung schedule natin para hindi sumabay sa trabaho ko sa kumpaniya,” ang sabi ni Dianne.

Inayos ng dalawa ang oras nila kaya naman hindi sila nagkaproblema kahit na bumalik na uli sa pagtatrabaho sa kumpaniya si Dianne.

‘Di nagtagal ay mas napalago pa nila ito nung sila ay pormal nang nagbukas ng negosyo at nagsosyo rito.

Nang dahil sa pinagsamahan nila Dianne at Glenda sa pagbebenta at negosyo ay naging matalik na magkaibigan ang dalawa.

Napatunayan ni Dianne kay Glenda na maayos at marangal na trabaho ang pagiging online seller habang tumaas ang tingin ni Glenda sa mga ito matapos niyang maranasan maging isa sa mga ito. Mula noon ay hindi niya na minamaliit ang mga ito at kahit na ano mang uri ng trabaho.