Kapag may Umalis, may Pumapalit

“Alam mo ba? Kung mahal ka talaga ni Mike, hindi siya mabibighani sa ibang babae at papalitan ka. Kaya sorry ka na lang dahil ako na ang mahal niya ngayon at ako ang pinili niya,” pagyayabang ni Azon.

“Ang kapal ng mukha mo eh samantalang inagaw mo lang naman siya sa akin. May relasyon pa kami nang makipagrelasyon ka sa kaniya noon,” pahayag ni Ellen.

“Sabi mo nga ‘noon’ ‘di ba? Well, past is past. Boyfriend ko na siya ngayon at ex mo na lang siya ngayon,” pang-aasar ni Azon.

“Tara na nga, babe. Nakakasira lang ng araw ‘tong ex mo eh,” ang sabi ni Azon bago umalis kasama si Mike na dating kasintahan ni Ellen.

Nang dahil sa panloloko at pakikipaghiwalay ni Mike kay Ellen ay labis na nasaktan ang dalaga. Sa sobrang pagmamahal niya para rito ay hindi niya lubos maisip kung paano na ang mangyayari sa kaniyang buhay. Para sa kaniya ay si Mike ang buhay niya at kapag nawala ito ay wala na ring silbi ang buhay niya.

Hindi ito kinayanan ni Ellen kaya naging pariwara ang buhay niya. Gabi-gabi siyang pumupunta sa isang bar upang maglasing at makakalimot sa masakit na ginawa at mga sinabi nina Mike at Azon sa kaniya.

Isang gabi, sa paglalasing ni Ellen sa bar ay mayroong lalaki nagkaroon ng interes sa kaniya at nais samantalahin ang kaniyang pagkakalasing. Mabuti na lamang at napansin ito ng isang babae na humingi ng tulong sa mga bouncer kaya walang masamang nangyari sa kaniya.

“Miss, okay ka lang?” tanong ng babae habang inaalalayan si Ellen pabalik ng upuan.

Advertisement

“Salamat. Pero teka nasusuka ako,” ang sabi ni Ellen bago masukahan ang babaeng umaalalay sa kaniya at mawalan ng malay.

Makalipas ang ilang oras ay nagising si Ellen. Siya ay nagtataka kung bakit tahimik na ang lugar at wala ng tao sa paligid. Pagkatayo niya sa kaniyang pinaghigaan ay binati siya ng babaeng nagligtas sa kaniya.

“Ayan, buti naman at gising ka na. Sarado na ‘tong bar. Saan ka ba nakatira para maihatid ka na namin ni tatay?” bungad ng babae.

“Teka, sino ka ba? At saka bakit ang baho?” tanong ni Ellen.

“Ako lang naman ‘yung taong nagligtas sayo at sinukahan mo pagkatapos,” ang sabi ng babae.

“Pero kalimutan na natin ‘yun. Tara na! Hatid ka na namin ni tatay. Gusto na naming umuwi at pagod na rin kami,” dagdag pa ng babae.

“Ganun ba? Sorry, hindi ko sinasadya at salamat din pala kung ganun,” ang sabi ni Ellen.

“Okay na rin pala ako. Kaya ko nang umuwi mag-isa. Salamat,” dagdag pa nito.

Advertisement

Matapos masigurado ng mag-ama na ayos na talaga si Ellen ay sinamahan na lamang nila ito na kumuha ng taxi bago tuluyang umuwi sa kanilang bahay.

Kinabukasan ay muling nagpunta sa bar si Ellen upang muling uminom at makalimot.

“Miss, ikaw na naman? Gabi-gabi ka na lang nandito at naglalasing. Para bang napakalaki ng problema mo ah?” ang sabi ng babaeng nagligtas sa kaniya.

“Teka paano mo nalamang gabi-gabi ako rito?” tanong ni Ellen.

“Gabi-gabi rin kasi akong nandito kakaantay sa tatay kong tagapagluto rito kaya parati rin kitang nakikita. Ako nga pala si Jas,” ang sabi ng babae.

“Kaya pala. Ako naman si Ellen. Salamat nga pala uli dun sa kagabi,” wika ni Ellen.

“Wala ‘yun. Sige, balik na muna ako doon sa upuan ko. Hinay-hinay lang sa pag-inom baka may magkainteres na naman sayo rito at samantalahin ang kalagayan mo,” ang sabi ni Jas.

Makalipas ang ilang oras nang mapansin ni Jas na lasing na naman si Ellen ay nilapitan niya uli ito at sinamahan. Dahil sa kalasingan ni Ellen ay kung anu-ano na ang naikuwento niya kay Jas pati na rin ang masakit na pagtataksil ng kaniyang dating nobyo.

Advertisement

Mula noon ay nagkapalagayan na sila ng loob at naging magkaibigan. Gabi-gabi nang nagkukuwentuhan ang dalawa hanggang sa unti-unti nang nabawasan ang pag-inom ni Ellen dahil mas nag-enjoy na lamang siyang makipagkuwentuhan sa masayahing si Jas. Nang dahil rin dito ay unti-unting nakabangon mula sa pagkakalugmok sa sakit nang pag-iwan ng dating nobyo si Ellen.

Isang araw ay naisipan ni Ellen na kailangan niya nang kalimutan si Mike at ibalik sa ayos ang kaniyang sarili kaya naman inaya niya si Jas na pumuntang Mall upang bumili ng mga bagong make-up. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita niya roon si Mike na may kasamang ibang babae at hindi ito ang kasalukuyang nobya niya na si Azon kaya naman sinundan ito ng magkaibigan upang alamin kung sino ‘yun.

“Uy teka lang Jas, hinay-hinay lang tayo sa pagsunod baka makita niya tayo,” pag-awat ni Ellen habang hinatak si Jas upang magtago sa isang poste sa loob ng Mall.

“Bakit mo ba ako pinipigilan eh hindi naman niya ako kilala? Ikaw ang dumistansiya habang didikit ako sa kanila para malaman ko kung anong meron sa kanilang dalawa,” ang sabi ni Jas bago lumapit kina Mike at sa babaeng kasama nito upang mas makita sila at marinig ang kanilang pag-uusap.

Sa paglapit at pagsunud-sunod ni Jas ay nakumpirma niyang kasintahan ni Mike ang babaeng kasama niya ngayon. Napag-alaman rin niya na pinagsasabay ni Mike ang babaeng ito at si Azon nang tinawagan ito ni Mike habang nasa banyo ang kasama niyang babae.

Agad niya itong ipinaalam kay Ellen at ibinahagi ang naisip niyang plano.

Makalipas ang kalahating oras ay dumating agad si Azon sa Mall.

“Ahas kang babae ka! Ano ‘yung sinasabi mo sa telepono na nakipagbalikan na sa’yo si Mike? Hindi mo siya maagaw sa akin!” pagwawala ni Azon kay Ellen na kumuha ng atensyon ng maraming mamimili sa Mall kasama na sina Mike at ang babaeng kasama niya.

Advertisement

“Naniwala ka naman? Wala akong balak bawiin ‘yung ex ko sayo pero ‘yung babaeng katabi niya ngayon ay naagaw na siya sa’yo,” ang sabi ni Ellen.

“Ayon ‘yung pinakamamahal mong boyfriend oh,” wika ni Jas habang tinuturo si Mike na nakaakbay sa babaeng kasama nito kay Azon.

“Hindi ba’t kung mahal ka naman talaga ng boyfriend mo ay hindi na siya mabibighani sa iba pang babae?” pangungutya ni Ellen kay Azon upang ipaalala rito na minsan ay sinabi niya ito kay Ellen.

Inapiran ni Jas si Ellen bago nila tuluyang iniwan si Azon na pasugod kay Mike at sa babaeng kasama nito.

Matapos ang pangyayaring ‘yon ay hindi na nag-abala pang makibalita si Ellen sa kung ano ang nangyari kina Mike at Azon. Binaon niya na ang mga ito sa limot at ipinagpatuloy ang kaniyang buhay kasama ang bago niyang naging matalik na kaibigan na si Jas na maraming nanliligaw matapos niya itong turuan na mas mag-ayos at mag make-up. Siya naman ang todo bantay dito at masinsing sinasala ang bawat manliligaw nito.

Mula noon ay parati na nilang binabantayan at pinoprotektahan ang bawat isa mula sa mga lalaking mayroon lamang masasamang intensyon sa kanila hanggang sa nakatagpo na nila ang mga lalaking para sa kanila.