Nang Dahil sa Isang Drayber ay Nasaktan ang Baguhang Siklista sa Kalsada; ‘Di Niya Akalaing May Mga Kasamahan Pala Itong Magtatanggol Dito

“Welcome po sa Road Siklista Group at maraming salamat po sa inyong pagpunta ngayong araw. Ako nga po pala si Kuya Jun, ang pinuno at nagtatag ng grupo. Mamayang sandali lang po ay sisimulan na natin ang lecture tungkol sa mga kailangan nating malaman tungkol sa pagbibisikleta at mga do’s and don’ts sa kalsada. Tandaan din po na pagkatapos ng lecture ay ang mga makakasama lamang sa atin mamaya sa kalsada ay ‘yung mga mayroong kumpletong kagamitan para sa ating kaligtasan,” pambungad na sabi ni Kuya Jun.

Ilang sandali lamang ay nagsimula na ang lecture ng grupo mula kay Kuya Jun at sa iba pang mga beteranong siklista sa grupo.

Matapos ang lecture ay naghanda na ang mga sasama sa pagpadyak sa kalsada. Sinuri nila ang kanilang mga bisekleta upang siguruduhing nasa maayos ang kundisyon nito bago mag stretchings at simulan ang pagpadyak.

Sa kanilang pagsabak sa kalsada ay patuloy pa rin sa pagpapaalala at paggabay sina Kuya Jun at mga beteranong kasamahan sa mga baguhang siklista. Kapag napansin nilang malalagay sa alanganin ang siklista ay sinasabihan nila ito agad.

“Napupunta ka na sa gitna. Dito ka lang sa gilid ng kalsada,” paalala ng isa sa mga beteranong miyembro sa binatang siklista.

“Teka lang guys. Pa-red light na. Huwag na tayong humabol at may mga sasakyan nang paandar sa harap natin. Lalo na ‘yung malaking truck na ‘yun. Mahirap na madali,” abiso ni Kuya Jun sa lahat.

Nang patapos na ang kanilang pagsabak sa kalsada at pabalik na lamang sila sa lugar nang pinag-lecturan nila ay medyo magkakalayo na sila ng takbo. May mga ibang nauna na sa bilis nang pagpadyak at mayroon namang hindi kabilisan nang dahil sa pagod.

Si Cherrie na katamtaman lang ang bilis nang pagpadyak ay saglit na nagpahinga sa isang tabi upang uminom ng tubig. ‘Pag daan ng ibang mga kasamahang siklista ay kinamusta siya ng mga ito.

Advertisement

“Okay ka lang? Kaya pa?” tanong ng kasamahang siklista.

“Opo, okay lang po. Iinum lang po ako ng tubig saglit tapos papadyak na po uli ako” sagot ni Cherrie.

“O sige kita-kita na lang dun sa HQ,” ang sabi ng kasamahan bago ito nagpatuloy sa pagbibisikleta.

Matapos makainum ng tubig at makapagpahinga sandali ni Cherrie ay nagpatuloy na ito sa pagbibisikleta.

Sa kaniyang pagpapatuloy sa pagbibisikleta pabalik ng HQ ay mayroong isang sasakyan na ginigitgit siya. Pilit na iniiwasan ito ni Cherrie ngunit mas lalo itong dumidikit sa kaniya na para bang gusto siya paalisin ng kalsada. Sa kaniyang pag-iwas habang pumapadyak ay nasobrahan ang pag gilid niya hanggang sa siya ay natumba sa kalsada.

Nakita nila Kuya Jun at ng iba pang mga kasamahan na sinabayan ang mga baguhang siklista na mabagal ang pagpapadyak ang pangyayari mula sa distansiya kaya nagmadali sila upang matulungan si Cherrie.

Bago pa sila makalapit kay Cherrie ay lumabas ang driver ng sasakyan at pinagsisigawan ang natumbang siklista.

“Paharang-harang ka kasi sa daan! Huwag mong isisisi sa akin ‘yang pagkakatumba mo!” pasigaw na sinabi ng driver.

Advertisement

“Sir hindi po ako nakaharang. Nasa gilid na nga po ako pero pilit niyo pa rin po akong ginigitgit,” ang sabi ni Cherrie.

“Aba’t ako pa talaga ang sinisisi mo?! Hindi ka dapat nakikipagsabayan sa mga sasakyang babae ka! Alamin mo muna ang batas ng kalsada bago ka magbisikleta!” pangungutya ng driver bago sipain ang bisikleta ni Cherrie.

Hindi nakasagot si Cherrie. Bigla siyang nagduda sa sarili kung nasa tama nga siya. Buti na lang at dumating sina Kuya Jun.

“Teka lang sir. Bakit niyo ginaganyan ‘yung babae? Nakita ko kayo mula sa distansiya at nakita ko ang pang gigitgit na ginawa niyo sa kaniya,” ang sabi ni Kuya Jun.

“Bakit? Sino ka ba? Huwag ka ngang makialam dito!” ang sabi ng drayber bago sunod-sunod na nagdatingan ang mga kasamahang siklista nila Kuya Jun. Tinulungan nila makabangon si Cherrie at itinayo ang bisikleta nito.

Ikinagulat ito ng drayber. Hindi niya akalaing may mga kasamahan pala ang babaeng siklista.

“Ako si Jun, ang pinuno ng Road Siklista Group. Hindi puwedeng hindi ako makialam dahil bukod sa kagrupo namin ang naagrabyado ay nasaksihan ko mismo ang mali mong ginawa. Hindi mo ito dapat na ginagawa sa kahit na sinong siklista o tao,” ang sabi ni Kuya Jun.

“Kalokohan! Nagkakampihan kayo palibhasa ay magkakasama pala kayo!” ang sabi ng driver.

Advertisement

“Ito Officer, ‘yung driver ng sasakyan na ginigitgit ‘yung siklista,” ang sabi ng isa sa mga kasamahang siklista na nagtawag ng awtoridad.

Ipinaalam ng dalawang panig ang nangyari. Dahil sa magkaiba ang sinasabi ng dalawa ay binasehan ng awtoridad ang CCTV sa lugar na ‘yun. Doon ay napatunayan na mali ang driver kaya pinagbayaran niya ang kaniyang maling ginawa.

Matapos ang pangyayaring ‘yun ay nakipag-ugnayan na ang kanilang grupo sa mga namumuno sa kanilang lugar upang mabigyang pansin ang mga kagaya nilang siklista at maiwasan ang aksidente sa kalsada.