Dahil sa Payo ng Isang Misteryosong Lalaki ay Hindi Natuloy ang Pagsali Niya sa Isang Samahan; Utang Niya Dito ang Kaniyang Buhay

Isang bagong mag-aaral ng unibersidad si Elton at dahil mahilig siya sa mga extracurricular activities ay naghahanap siya ng grupong sasalihan na pupukaw sa kaniyang interes. Mas maganda kung ang grupong sasalihan niya ay konektado sa kursong kaniyang pinag-aaralan.

Habang nagbabasa si Elton ng mga anunsyo sa bulletin board ay isang kapwa estudyante ang bumati sa kaniya.

“Bagong salta ka ba? Ngayon lang kasi kita nakita dito. Ako nga pala si John mula sa College of Law,” pagpapakilala ng estudyante. “Elton ang pangalan ko. Parehas tayo ng kurso,” tugon ni Elton.

Huling taon na ni John sa kolehiyo at presidente rin siya ng isang sikat na samahan sa unibersidad kaya nung nalaman niyang naghahanap ng grupong sasalihan si Elton ay niyaya niya itong sumali sa kanilang samahan.

“Mabuti pa ay sumama ka sa akin sa opisina namin nang mas maipaliwanag ko ng mabuti ang tungkol sa grupo namin. Maipapakilala pa kita sa iba pang miyembro,” page-engganyo ni John.

Sumama si Elton sa opisina ng samahan. Doon ay ipinakilala siya nito sa mga miyembro na naroroon. Ipinaliwanag din sa kaniya ni John ang samahan na kaniyang pinamumunuan. Ang mga miyembro nito ay nagmula sa iba’t-ibang kurso ng unibersidad. At ang layunin ng grupo ay ang mapalawig ang kakayahan ng bawat isa sa anumang larangan at tumulong sa mga estudyanteng nangangailangan sa anumang paraan.

“May iba’t-iba kaming mga proyekto mula sa pinakasimple tulad ng tutorial sa mga bumabagsak na estudyante hanggang sa mga mas komplikadong proyekto gaya ng pag-oorganisa ng mga kompetisyon, fundraising o pagboboluntaryo sa mga iba’t-ibang sangay ng gobyerno o sa mga non-profit na organisasyon,” pagmamalaki ni John.

“Pag-isipan mong mabuti kung interesado kang sumali sa grupo. Hindi mo kailangang magdesisyon agad ngayon,” dagdag pa niya.

Advertisement

Dahil pareho lang sila ng kursong pinag-aaralan ay madalas magkita sina Elton at John. Sa loob ng maikling panahon ay naging malapit sila sa isa’t-isa.

“Nakapagdesisyon ka na ba kung sasali ka na sa grupo?” tanong ni John kay Elton.

Maraming tao na ring nakausap si Elton tungkol sa samahan ni John. Puro papuri ang kaniyang naririnig tungkol sa grupo at sa mga miyebro nito pero hindi pa rin siya kumbinsido sa kaniyang mga naririnig.

“Hindi pa ko nakakapagdesisyon, eh. Medyo nangangapa rin ako sa kurso ko kaya sa pag-aaral ko muna itinutuon ang buong atensyon ko,” pagdadalihan ng lalaki.

“Wala ka namang pasok bukas, ‘di ba? Siguro makakatulong sa pagdedesisyon mo kung sasama ka sa’kin bukas. Nag-organisa ang isang non-profit na organisasyon ng isang sportsfest para sa mga preso at karamihan ng mga miyembro ay nagboluntaryo bilang mga karagdagang tauhan ng organisasyon.”

Sa una ay ayaw talagang sumama ni Elton pero dahil sa patuloy na pangungulit ni John ay napapayag din siya nito.

Tama ang naging desisyon ni John na yayain si Elton na sumama sa kaniya dahil nakumbinsi niya rin ang lalaki na sumapi sa kanilang grupo.

“Sa Sabado ay may gaganaping party sa bahay ng bise presidente ng samahan. Para iyon sa mga magiging bagong miyembro. Pag dumalo ka ay magiging opisyal na ang pagsapi mo sa grupo,” masayang inabot ni John kay Elton ang isang papel kung saan nakasulat ang direksyon papunta sa bahay ng bise presidente.

Advertisement

Huling araw bago ang gaganaping party para sa mga bagong miyembro ng samahan, habang kumakain si Elton sa isang restawran ay isang lalaki ang umupo sa silya na nasa kaniyang harapan. Nagtataka siya kung bakit doon ito pumwesto gayong marami namang bakante pwesto ang nasabing kainan.

“Inimbita ka ni John na sumali sa grupo ‘di ba?” tanong ng lalaki. Tumango siya.

“Miyembro ka rin ba ng samahan?” balik tanong ni Elton sa kaniya pero hindi siya nito sinagot.

Matapos ang mahabang katahimikan ay muli itong nagsalita.

“Hanggang ngayon ay nagdadalawang isip ka pa rin kung pupunta ka sa party o hindi,” buong tapang na pahayag ng lalaki.

Totoong umoo na si Elton kay John na sasali na siya sa samahan. Pero totoo din na hindi pa rin siya sigurado kung tama ba ang kaniyang naging desisyon. May nararamdaman pa rin siyang pag-aalinlangan sa isang parte na kaniyang utak na hindi niya lubos na maunawaan. Pero wala siyang sinabihan tungkol dito kaya nanlaki ang kanya mga mata nang sabihin ito sa kaniya ng isang taong hindi naman niya kilala.

“Kung ako sa’yo ay hindi na lang ako dadalo sa party bukas. Pakikinggan ko ang intuwisyon ko. May dahilan kung bakit mayroon kang agam-agam tungkol sa grupo na iyon. Mas magiging ligtas ka kung hindi ka pupunta,” pagpapatuloy ng lalaki.

“Bakit mo sinasabi sa akin ang mga bagay na iyan? Sino ka ba?” tanong ni Elton.

Advertisement

“Ayokong matulad ka sa akin,” matalinghagang sagot nito bago umalis ng restawran.

Sinunod ni Elton ang payo ng lalaki. Pinakinggan niya ang kaniyang intuwisyon.

Araw ng Lunes, isang balita ang kumakalat sa buong unibersidad. Si John, kasama ang ilang miyembro ng samahan ay pinagdadampot ng mga pulis dahil sa paghahazing nila sa mga baguhang estudyante ng unibersidad. Marami sa kanilang mga biktima ay kritikal ang kondisyon sa ospital.

Nang makarating ang balita kay Elton ay tsaka niya lang nalaman na ang grupo ni John ay isa pa lang fraternity na nagpapanggap na isang legal na organisasyon sa loob ng unibersidad.

Naalala niya ‘yung lalaking nagbabala sa kaniya na huwag pumunta ng parti kaya inalam niya ang pagkakakilanlan nito at natuklasan niyang nasawi ang lalaki nung nakaraang taon dahil sa paghahazing ng grupo ni John. Hindi umusad ang kaso dahil nagmula lang sa mahirap na pamilya ang lalaki. Pinagana ng mga salarin ang pera ng kanilang mga magulang.

Ang dalawang tao na nakaligtas noong taong iyon ay inareglo ng kanilang mga magulang kaya walang nasampang kaso. Pero sa pagkakataong ito ay hindi na sila makakatakas sa batas sa dami ng kanilang nabiktima. Maraming estudyante rin ang tumutuligsa ngayon sa samahan dahil sa ginawang nilang panghahazing.

Kung hindi dahil sa lalaki na iyon ay baka kasama din si Elton sa mga nakaratay sa ospital. Buti na lamang at nakinig siya dito. Utang niya ang kaniyang buhay sa kaniya. Bilang pasasalamat ay isang misa ang inalay ni Elton para sa kaniya. Sana sa pagkakahuli ng mga taong naging dahilan ng maaga niyang pagpanaw ay makamit na rin niya ang pinakahihintay niyang hustisya at sana ay matahimik na rin ang kaniyang kaluluwa.