Ninais ng Lalaki na Wakasan ang Buhay, Isang Bulag na Matanda ang Magpapabago ng Isip Niya

Tumor. Matapos lumabas ang salitang iyan mula sa bibig ng doktor ay biglang nabingi ang tenga ni Joseph. Parang sirang plaka ang salita na paulit-ulit na rumerehistro sa kaniyang pandinig. Lumutang ang kaniyang pag-iisip kasabay ng ihip ng hangin. Tinangay ang kaniyang kaluluwa sa mundo ng kawalan. Bumalik si Joseph sa panahon noong ang mga magulang niya ay nagkasakit.

Pitong taong gulang pa lang noon si Joseph nang mamatay sa kanser sa baga ang kaniyang ama. Bata pa lang si Joseph noong panahon na iyon kaya hindi pa niya lubos na nauunawaan ang nangyari pero dahil malapit sila sa isa’t isa ay dinamdam niya ng husto ang pagkamatay nito.

Kinse anyos naman si Joseph noong nagkaroon ng kanser sa buto ang kaniyang ina. Sa pagkakataong ito ay may kamalayan na siya na magiging mahirap ang mga susunod na araw. Ang hindi matustusan ng tuluy-tuloy ang pagpapagamot sa ina ay inaasahan na niya lalo’t hindi naman sila mayaman. Alam din niya na ano mang oras ay maaari itong pumanaw kung kaya’t bata pa lamang siya ay natututo na siyang magbanat ng buto. Pero hindi siya handa na mapanood ang kaniyang ina na magdusa araw-araw habang nilalabanan nito ang sakit para matagal pa siya nitong makapiling.

Hindi alam ni Joseph kung papaano siya napadpad sa kinatatayuan niya ngayon pero isa lang ang sigurado siya, handa na siyang wakasan ang kaniyang buhay. Hindi siya kasinglakas ng kaniyang mga magulang para lumaban sa ganitong uri ng sakit. Hindi niya ito kayang harapin mag-isa. Mas mabuting unahan na niya ang hirap at sakit na kaniyang mararanasan kaysa hintayin pa niyang unti-unti siyang malagutan ng hininga. Kung tatalon siya sa tulay ay maaaring sandali niya lang iindahin ang sakit. Iyan ay kung hindi siya agad bawian ng buhay. Pero kung pipiliin niyang lumaban ay magiging matagal ang kaniyang pagdudusa.

Ihahakbang na sana ni Joseph ang kaniyang mga binti sa rehas na bakal ng tulay nang may humampas na matigas na bagay sa kaniyang binti. Nainis si Joseph sa taong humadlang sa kaniyang napipintong kamatayan pero humupa ang galit na kaniyang nararamdaman nung siya ay tumalikod.

“Paumanhin. Hindi ko sinasadya.” Sambit sa kaniya ng isang matandang nagtitinda ng balut.

Walang kibong pinanood ni Joseph ang matanda habang ipinupwesto nito ang nakasabit na maliit na lamesita mula sa likuran nito sa gilid ng tulay bago ito maingat na inupuan. Inilagay ng matanda ang dala niyang tungkod sa isang tabi bago inilapag sa pagitan ng dalawang binti ang dala-dala nitong basket ng naglalaman ng mga nilalako niyang balut at penoy.

“Manong, dalawang balut nga apo. Yung maliit pa lang ang sisiw, ha.”

Advertisement

Kakaiba ang kinilos ng matanda. Imbes na kumuha na lang ito ng dalawang pirasong balut na nasa kaniyang harapan ay kumaha muna ito ng anim na pirasong itlog bago siya abutan ng dalawang pirasong balut.

“Bakit kailangan niyo pa pong kapain yung mga itlog?” Naguguluhang tanong ni Joseph.

“Magkaiba kasi ng bigat ang balut at penoy.”

Nagtatakang lumuhod si Joseph sa harap ng matanda bago ikinaway ang kaniyang kamay sa mukha nito. Hindi man lang kumurap ang matanda. Isa pala itong bulag. Bagama’t hindi nakakakita ang matanda ay hindi maatim ni Joseph na ituloy ang kaniyang pagpapakamatay sa harap nito kaya umuwi na lamang siya.

Natatawa na naiiyak si Joseph sa kaniyang sarili nung binalikan niya ang doktor na tumingin sa kaniya kinabukasan. Naiiyak dahil malamang ay nadismaya sa kaniya ang kaniyang mga magulang na nasa langit dahil sa inaasal niya kahapon. Hindi siya magtataka kung mumultuhin siya ng mga ito at sesermonan dahil sa pagtangka niyang kitilin ang sariling buhay. Tinatawanan niya ang kaniyang sarili dahil sa kademonyohang tumakbo sa kaniyang isipan matapos niyang marinig ang salitang tumor. Kung mahinahon niyang pinakinggang maigi ang paliwanag ng doktor ay malalaman niyang wala naman pala siyang dapat na ikabahala dahil benign naman pala ito, ibig sabihin ay tulog at di nakamamatay.

Muli niyang inalala ang matandang nagtitinda ng balut. Kung ang matanda nga na hindi nakakakita ay nagawang harapin ang mundo ng kadiliman ng buong tapang at walang takot na nag-iisa, siya pa kaya na walang kapansanan at may magandang hinaharap. Kung nagawa ng matandang lumaban sa bawat pagsubok ng buhay, dapat ay mas maging matatag siya lalo pa’t iyan ang isa sa mga itinuro at ipinakita sa sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Ang huwag sumuko at patuloy na lumaban. Ang huwag mawalan ng pag-asa.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!