Nakalimutan Ko Nang Magpasalamat

“Nakakapagod na sa trabaho! Hindi na nawalan ng ginagawa,” inda ni Lino habang palakad sila pauwi ng katrabaho nito.

“Oo nga eh. Tambak na tambak na nga ko eh. Kulang na lang sa opisina na ko matulog,” malumbay na sagot ng kasama nito.

“Tapos wala namang dagdag sahod kahit puro dagdag trabaho!” inis na dagdag ni Lino.

“Oo nga! Alam mo ba sa ibang kumpanya, may libre pang almusal o pameryenda araw-araw,” inis ding sagot ng katrabaho nito.

“Talaga? Nako! Eh, sa ‘tin?! Wala man lang kahit pa-kape o pa-candy. Nganga!” dagdag nito.

Naging mahaba rin ang araw na ito para kay Lino. Madami kasi silang kliyente ngayong buwan kaya kailangan ay mag doble-kayod sila para makatapos. Kaya sa pagrereklamo na lang niya nalalabas ang stress na nakukuha niya sa trabaho.

Minsan ay inabot na ng madaling araw sa pag-uwi si Lino galing trabaho. At dahil nasa looban sila nakatira ay kailan nitong sumakay na ng traysikel. Nang nasa kalagitnaan na sila ng biyahe ay biglang tumirik ang sinasakyang traysikel.

“Naku po!” sigaw ng drayber.

Advertisement

“Bakit po manong?” tanong naman ni Lino, dahil biglang huminto ang sinasakyan.

“Nabaklas yung kadena ng motor ko, sir. Pasensiya na ho,” sagot ni manong drayber.

“Hala, eh malayo pa po ako sa amin,” ani Lino.

“Wag kang mag-alala. Maaayos ko naman ito. Ayos lang po ba sa inyo na maghintay?” tanong ng drayber.

“Ayos lang ho. Gabi na din ho at baka wala na rin pong dumaan na traysikel. Hihintayin ko na lang po kayo na maayos ito,” magalang na sagot ni Lino.

“Oo nga, hijo. Baka mapano ka rin sa daan kung maglalakad ka pa. Hayaan mo at aayusin ko na ito para maihatid ka. Sit back and relax ka lang diyan ha,” birong sabi pa ng drayber.

Sinimulan na ni manong ang paggawa at si Lino naman ay abalang-abala sa pagseselpon. Maya-maya nang mainip ito sa loob ng tricycle ay lumabas muna ito at umupo sa gutter ng kalsada. Pinapanuod niya ang matandang drayber na magkumpuni ng sirang traysikel.

“Matagal na po ba kayong traysikel drayber?” tanong ni Lino. Inip na inip na to kaya balak na lang niya makipagkwentuhan sa matandang lalaki para malibang.

Advertisement

“Ay, oo. Tatlong dekada na rin akong isang traysikel driver. Binata pa lang ako hanggang ngayon na may mga apo na ako,” sagot ng lalaki.

“Ang galing niyo naman po. Hindi po kayo nagsawa sa loob ng tatlong dekada?” wika ni Lino.

“Hijo, kahit mapagod man kami ay hindi kami pwedeng magsawa, dahil ito lang ang hanapbuhay na alam namin para makapaglagay ng pagkain sa hapag-kainan ng aming pamilya,” pagpapaliwanag ng matandang lalaki.

“Grabe po ‘no? Napakatiyaga niyo ho. Magkano po ang kita niyo kada araw?” tanong ni Lino.

“Minsan malaki, lalo na pag may mga okasyon tulad ng pasko at bagong taon. Pero sa normal na araw, malakas na ang P350. Hindi pa kasama roon ang gasolina at pang-boundary.”

“Kasya na ho iyon sa isang araw niyo?” dagdag na tanong ni Lino.

“Syempre hindi. Pero kailangan namin ‘yon pagkasyahin dahil yun lang naman ang mayroon kami sa araw na iyon,” sagot ng manong drayber.

“Paano niyo po ‘yon napagkakasya? Kung ako po ang nasa kalagayan ninyo eh sa pamasahe ko lang po ata ‘yon magagamit,” nagtatakang sabi ni Lino.

Advertisement

“Para sa aming isang kahig, isang tuka, napakalaking bagay na ng kahit anong halaga ng pera basta mayroon. Pag mahina ang kita, tiis tiis muna sa noodles, tuyo at itlog. ‘Pag medyo malaki ang kita, doon na lang bibili ng karne o isda,” kwento ni manong drayber habang patuloy na inaayos ang motorsiklo.

“Mahirap kumita ng pera, hijo. Hindi biro lalo na sa amin mga nagta-trabaho na umaasa lang sa arawan na kita. Hindi tulad niyo na walo o sampung oras ba ‘yon kada araw? Kami, hanggat hindi kumikita na sapat na panggastos ay hindi pa kami pwedeng umuwi kundi magugutom ang pamilya namin. Kulang na lang minsan mag bente-kwatro oras kami sa kalsada, lalo na pag may bayarin sa bahay o eskwela o mayroong may sakit sa pamilya,” patuloy na kwento nito habang tahimik lang na nakikinig si Lino.

“May mga araw na yung kikitain namin ay pang-boundary lang, kaya mapipilitan kaming umutang muna para lang makabili ng maiuuwing pagkain sa bahay,” wika pa nito.

“Alam ko na lahat ng trabaho ay nakakapagod, pero ma-swerte kayo na nasa loob kayo ng opisina. Hindi niyo gaanong ramdam ang tirik ng araw at hagupit ng bagyo ‘pag kayo ay nagta-trabaho. Kami? Sala sa init at sala sa lamig. Hindi pwedeng hindi ka ba-biyahe,” dagdag pa ni nito.

Tahimik si Lino na nakikinig. Ngunit sa loob-loob nito ay unti-unti siyang tinatamaan sa mga sinasabi ni manong drayber.

“Tama ho kayo, minsan ay may lakas ng loob pa ho kaming magreklamo eh kung tutuusin po pala ay maswerte na kami,” sagot nito na tila nagninilay-nilay ito.

“Oo, hijo. Kaya nga pag may naririnig akong mga nagrereklamong mga kabataan ngayon, naku! Ang sarap sermunan kung pwede lang,” birong sagot nito.

“At isa na po ako sa mga ngayon, at sa pagku-kwento niyo po sa akin ay may natutunan po ako,” wika ni Lino.

Advertisement

“Nge! Akala ko kwentuhan lang bakit naging titser ako at nakapagturo?” biro pa rin nito kay Lino.

“Oo naman po! Madalas ho kasi akong magreklamo sa trabaho. Nakalimutan ko na pong magpasalamat sa mga bagay na mayroon ako at naging mareklamo sa mga bagay na wala ako. Eh dapat nga po eh matuwa po kami dahil sobra-sobra pa po ang meron kami sa bawat araw, samantalang karamihan po ay kapos na kapos ay walang-wala po sa buhay,” paliwanag ni Lino sa drayber.

“Oo, tama ka diyan hijo. Halika na! Tapos ko nang gawin ang traysikel, ihahatid na kita sa inyo at lumalalim na ang gabi.”

Nagkwentuhan pa ang dalawa habang nasa biyahe. Nang makauwi si Lino ay mas kanyang naintindihan na dapat ay tayo ay nagpapasalamat sa mga biyayang natatanggap natin, maliit man ito o malaki. At kahit na anong dagok man ang ating indahin, ay lagi lang natin na tatandaan na tayo ay maswerte pa din para magkaroon ng magaan na buhay, hindi tulad ng iba na kinakailangan ibuhos at dugo’t pawis para masuportahan ang kanilang pamilya.

Mula noon ay nagbago na si Lino. Unti-unti ay natanggal niya na ang ugali niyang pagiging reklamador at naging mabuting ehemplo ito sa kanyang mga kaibigan at katrabaho.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!