Kasal na Lang ang Kulang sa Magkasintahan Ngunit Takot Magpakasal ang Binata; Ito Pala ang Wakas ng Kanilang Pag-iibigan

Matagal nang magkasintahan sina Jerome at Carmina. Sa tagal ng kanilang relasyon ay masasabing kasal na lamang ang kulang sa kanila. Hangad din naman ito ng dalaga ngunit hindi pa siya inaaya ng kaniyang nobyo.

Kaya naman ngayong ika-anim na anibersaryo nilang magkasintahan ay kinakabahan si Carmina habang naghahanda para sa dinner date nila. Noong nakaraang taon kasi na nagdiwang sila ng ika-limang taon nila ay umasa siya na aayain na siya nitong magpakasal ngunit nabigo lamang siya. Ngayon ay iniisip niya kung matutupad na ba ang kaniyang hiling o muli na naman siyang mabibigo.

Sa tagal nang naghihintay ni Carmina na yayain siyang magpakasal ng kasintahan ay unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa. Napapaisip tuloy siya kung seryoso ba talaga ang binata sa kaniya sapagkat kilala ito sa pagiging babaero noong bago sila magkaroon ng relasyon.

Naputol ang mga iniisip ni Carmina nang dumating na si Jerome upang siya ay sunduin. Inabutan siya nito ng mga bulaklak bago pasakayin sa sasakyan at magtungo sa kakainan nilang restawran.

Natapos nang makakain ang magkasintahan at marami na rin silang napag-usapan kaya naman maya-maya ay nagyaya na si Jerome na ihatid ang kasintahan. Ikinadismaya ito ni Carmina. Sa dami ng kanilang napag-usapan ay wala man lang nabanggit si Jerome na kahit ano tungkol sa pagpapakasal.

Hindi na makapagtiis pa si Carmina. Nais niyang malaman kung may kinabukasan ba siyang inaasahan sa kasintahan o wala naman pala. Gusto niyang malaman ang dahilan ng nobyo kung bakit sa tagal ng relasyon nila ay hindi pa rin siya inaalok nitong magpakasal.

Nang dahil dito ay kinumpronta ni Carmina si Jerome. Sa kanilang pag-uusap ay nalaman ng dalaga ang dahilan ng kaniyang nobyo. Sadyang ayaw raw nito na magpakasal at lumagay sa tahimik sapagkat sa kaniyang nasaksihan sa kaniyang mga magulang ay hindi naman sila nalagay sa tahimik. Naging magulo lang ang kanilang mga buhay hanggang sa sila ay naghiwalay. Natatakot umano ang binata na mangyari ito sa kanila.

“Don’t get me wrong ha? Naiintindihan ko na hindi maganda ‘yung naranasan mo sa pagsasama ng mga magulang mo. Gets ko rin na natatakot ka na maaring mangyari ‘yun sa’yo. Pero hanggang kailan? Kung wala ka palang planong magpamilya, anong plano mo sa’kin? Sa atin? Hindi ba ako worth it na pakasalan at makasama habang buhay? Hindi ba sapat kung anong mayroon tayo para hindi ka matakot?” sunud-sunod na tanong ni Carmina.

Advertisement

“Babe, hindi sa gano’n,” sambit ni Jerome.

“Alam mo kung wala ka naman palang intensyon na magsettle sa buhay, sana hindi ka na lang nakipagrelasyon. Kasi sa tagal ng relasyon natin, natural na aasa ako. Kasi kahit sino namang babae aasa eh. ‘Yung akala mo siya na pero wala palang kasiguraduhan sa kaniya,” pahayag ni Carmina bago iwan si Jerome sa restawran.

Napaisip si Jerome sa mga sinabi ni Carmina. Agad niyang pinuntahan ang kaniyang ama upang kausapin ito at mahingi ang opinyon nito sa kaniyang pinagdadaanan.

“Huwag kang matakot sumubok. Huwag kang matakot magmahal at magtiwala nang lubos. Hindi dahil nangyari sa amin ng Mommy mo ay mangyayari rin sa’yo,” payo ng ama ni Jerome.

Hindi nakapagsalita si Jerome kaya naman muling nagsalita ang ama nito, “Anak, ganito na lang, pag-isipan mo ang isasagot mo sa mga tanong na ‘to. Handa ka bang pakawalan si Carmina? Anong mararamdaman mo kapag nawala siya sa’yo? Ayos lang ba sa’yo na makita siyang may pamilya sa iba?”

Matapos bigyan ng palaisipan si Jerome ng kaniyang ama ay iniwan na siya nito upang mapag-isipan nang mabuti ang kaniyang magiging desisyon.

Bandang huli ay napagtanto ni Jerome na sa dinami-dami ng naging karelasyon niya noon ay tanging kay Carmina lang siya tumino at nakuntento. Hindi niya kayang mawala ang kasintahan na sumuong at nagtiwala sa kaniya noong mga panahong nagloloko pa siya noon. Sa pagkakataong ito ay nais niya ring sumuong sa walang kasiguraduhang kinabukasan sa piling ng pinakamamahal niyang babae.

Nang dahil dito ay pinuntahan ni Jerome kinabukasan si Carmina matapos niyang iayos ang lahat ng kakailanganin niya. Humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang kasintahan. Hindi niya umano intensyon na saktan ito. Ipinaalam niya sa kasintahan na labis ang pagmamahal niya para rito at hindi niya ito kayang mawala sa kaniyang buhay.

Advertisement

“Hindi man natin alam ang maaaring mangyari sa ating hinaharap pero maari bang harapin natin ito nang magkasama? Pagsaluhan natin ang lahat ng masasayang karanasan at pagtulungan nating lampasan ang lahat ng pagsubok nang magkasama. Please marry me,” sambit ni Jerome habang nakaluhod at inaalok ang dala niyang singsing.

Naluha sa galak si Carmina bago nakapagsalita, “Yes! I will marry you! Hayaan mong palitan ko ng kaligayahan at pagmamahal ang takot na nararamdaman mo pagdating sa buhay mag-asawa.”

Makalipas ang ilang buwang preparasyon ay ikinasal sina Jerome at Carmina. Sila ay biniyayaan ng dalawang malulusog na mga anak at ‘di gaya ng nangyari sa mga magulang ni Jerome ay namuhay sila nang masaya hanggang sa kanilang pagtanda.