Palaging Bukambibig ng Lola ang Pangalan ng Isang Lalaki, Malaki Pala ang Kinalaman Nito sa Kanyang Nakaraan

“Akihro, Akihiro!” ungol ni Lola Blanca.

“Inay, inay, nananaginip ka na naman!” gising ni Mara sa ina.

Nang magising ang matanda ay hindi na niya maalala ang napanaginipan. May sakit na limot si Lola Blanca at nahihirapan na siyang makaalala. Kahit nga pangalan ng anak na si Mara at mga apo ay hindi na niya matandaan.

“Inay, narinig ko na naman po si lola na binabanggit habang nananaginip ang pangalang Akihiro. Sino po ba iyon?” tanong ng apong si Bojie.

“Ewan ko ba diyan sa lola mo, kung sino-sino ang tinatawag!” inis na wika ni Mara.

“Baka naman po ex ni lola iyong Akihiro kaya palagi niyang napapanaginipan,” wika naman ng apong ni Neizel.

“Naku, ang lolo niyo lang ang nag-iisang minahal ng lola niyo at wala nang iba.”

Mayamaya ay nakarinig sila ng busina ng sasakyan sa labas.

Advertisement

“Sina Ate Chona, dumating na!” masayang sigaw ni Neizel.

Sinalubong nila ang panganay niyang anak na si Chona, ang asawa nitong si Noli at ang anak na si Chad.

Tuwang-tuwa si Mara nang makita ang apo.

“Kay guwapong bata naman ng apo ko!” sabay yakap at halik sa bata.

“Mano po, inay. Pasensya na po at ngayon lang kami nakauwi dito kasi medyo busy kami ni Noli sa trabaho kaya ngayon lang po nagkaroon ng oras,” paliwanag ng anak.

Nang lumabas si Lola Blanca ay nagulat ang matanda sa nakita.

“Akihiro, Akihiro!” paulit-ulit nitong sabi nang makita ang anak ni Chona.

Nilapitan ng matanda ang batang lalaki at niyakap.

Advertisement

“Akihiro, Akihiro, kamukhang-kamukha mo si Akihiro,” sabi ng matanda.

Nagulat sila sa sinabi ni Lola Blanca. Kahit pala hindi tulog ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang pangalang Akihiro.

“Teka, inay sino pong Akihiro ang sinasabi ni Lola Blanca?” nagtatakang tanong ni Chona sa ina.

“Hindi ko rin alam, anak. Tuwing nananaginip ang lola mo ay palaging Akihiro ang sinasambit niya. Nagulat nga ako nang banggitin na naman niya ang pangalang iyan.”

Mula nang dumating ang batang si Chad sa bahay ay hindi na umaalis ang matanda sa tabi nito. Gusto nitong parating kasama ang bata. Tila giliw na giliw ito sa tsinitong anak ni Chona.

Kinagabihan ay muling nanaginip si Lola Blanca. Dinig na dinig ni Mara ang mga ungol nito kaya agad niyang ginising ang ina.

“Inay, inay, nananaginip po kayo, gising po!”

Sa pagmulat nito ay para bang takot na takot ang matanda. Pawis na pawis ito at nanginginig ang katawan.

Advertisement

“Inay, bakit po anong nangyayari sa inyo?” tanong niya sa ina.

Ngunit hindi kumikibo ang matanda at sa halip ay nakatungo lang ang ulo at tila nagdarasal.

Nang may biglang kumatok sa pinto.

“Inay, inay!” tawag ni Chona.

Nang buksan iyon ni Mara ay bumungad sa kanya ang anak at ang apong si Chad.

“Inay, hindi po makatulog si Chad. May kabag po yata. Kayo po ang magaling magtanggal niyan di po ba?” anito.

“Tara, pasok kayong mag-ina at hihilutin ko ang tiyan ng apo ko!” yaya ni Mara.

Nang makita ni Lola Blanca si Chad ay biglang nabuhayan ang matanda at nawala ang pagkatakot.

Advertisement

“Akihiro, Akihiro!” paulit-ulit na namang bigkas nito.

“Ayan na naman po si lola, binabanggit na naman si Akihiro,” ani Chona.

“Akihiro, Akihiro salamat at dumating ka aking Akihiro!” patuloy nitong sigaw.

Biglang nagulat ang mag-ina sa sinabing iyon ni Lola Blanca. Nagkaroon tuloy sila ng hinala na ang Akihirong tinutukoy ng ina ay isa sa mga naging nobyo nito. Nakaramdam pa ng kaunting sama ng loob si Mara sa ina dahil sa dinami-dami ng pangalang babanggitin, iyon pa ang paulit-ulit nitong binabanggit at hindi ang pangalan ng kanyang yumaong ama na si Rodrico.

Kinaumagahan ay nagpunta siya sa basement kung saan nakatago ang lahat ng mga lumang gamit ng kanyang ina. Sa kanyang paghahalughog sa lumang tokador ay may nahulog na notebook sa sahig. Nang damputin niya iyon ay nalaman niya na iyon ang diary ng kanyang ina. Binuklat niya ang diary at binasa ang nasa loob niyon. Laking gulat niya nang malaman kung ano ang nilalaman ng diary ni Lola Blanca.

“Diyos ko! Totoo ba ito?” gulat niyang sabi.

Napag-alaman niya na ang kanyang ina ay naging isang comfort woman o babaeng naging parausan noong panahon ng mga Hapon at ang tinutukoy nitong Akihiro ay ang sundalong Hapon na tumulong sa ina para makalaya sa pagkakabihag at pananamantala ng mga ito. Malaki ang utang na loob ng kanyang ina kay Akihiro dahil nang malaman ng mga kapwa sundalo ang balak na pagtakas ng mga ito ay hinabol sila at pinagbabaril. Masuwerteng nakaligtas ang ina at sinawing palad naman si Akihro sa pagsangga ng mga bala na dapat sana ay para sa ina.

Matapos basahin ang diary ay hindi magkamayaw ang luhang bumuhos sa mga mata ni Mara. Labis-labis pala ang paghihirap na dinanas ng ina sa mga sundalong Hapon ngunit laking pasasalamat niya kay Akihiro sa pagliligtas nito sa kanyang ina.

Advertisement

“Ngayon ay alam ko na kung bakit palaging ikaw ang bukambibig ni inay, maraming salamat, Akihiro!” bulong ni Mara sa sarili.

Mula nang matuklasan ang katotohanan ay hindi na nayayamot o nagugulat pa si Mara kapag binabanggit ni Lola Blanca ang pangalang Akihiro, sa halip ay nananalangin siya sumandali para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng magiting na sundalong Hapon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!