Palaging Tinatakbuhan ng Tindera ang Mga Pulis at MMDA Tuwing Manghuhuli ang mga Ito; Ang Bilis Pala Niya sa Pagtakbo ang Magiging Susi ng Kaniyang Tagumpay

Nagpatuloy sa paglalakad si Elsa habang bitbit niya sa magkabilang kamay ang dalawang malalaking bag na naglalaman ng kaniyang mga paninda. Nung makakita na siya ng magandang pwesto sa kalye kung saan maraming tao ang dumadaan ay kinuha na niya ang banig mula sa loob ng bag at tsaka ito inilatag sa semento pagkatapos ay iniayos na niya ang kaniyang mga paninda.

“Bili na kayo! Kung ang hanap niyo ay pangregalo para sa inyong mga minamahal mapa-nanay, kapatid na babae, syota, kamag-anak, kaibigan o para sa babaeng inyong napupusuan mayroon akong mga ipit ng buhok, palamuti at make-up! Murang-mura lang! Kung para naman sa mga kalalakihan ay mayroon akong mga wallet, panyo at mga sumbrero! Maraming pagpipilian! Bili na kayo mga suki!” sigaw ni Elsa sa mga taong dumadaan sa kalye kung saan niya inilatag ang kaniyang mga paninda.

Malakas ang benta ngayon ni Elsa dahil magaling siyang mangumbinsi ng mga customer. Paminsan-minsan ay sinasabayan pa niya ng pagkanta at pagsayaw para matuwa ang mga tumitingin at bumibili ng kaniyang tinda.

Nasa kalagitnaan ng malakas ng benta ang babae nang biglang sumigaw ang isa sa mga tindera na malapit sa kaniyang kinaroroonan. “Nandiyan na ang mga pulis at MMDA! Bilisan niyo! Sibat na tayo bago pa nila tayo mahuli!”

Dali-daling pinaglalagay ni Elsa ang kaniyang mga tinda sa loob ng kaniyang dalawang bag bago siya kumaripas ng takbo. Mula sa kaniyang likuran ay dinig na dinig niya ang tunog ng mga pito, sigawan at yabag ng mga paa ng mga pulis at MMDA na humahabol sa mga ilegal na nagtitinda sa bangketa. “Bilisan niyo! Huwag niyo silang hayaang makatakas!” Hiyaw ng isa sa mga pulis.

Ramdam ni Elsa na malapit na siyang maabutan ng pulis na humahabol sa kaniya kaya kahit pagod na pagod na siya ay pinaspasan pa niya ang kaniyang pagtakbo habang buhat-buhat niya ang dalawang bag na naglalaman ng kaniyang mga paninda. Tila sanay sa takbuhan ang pulis kaya hindi magawang makalayo ng babae.

Nang mahahablot na ng pulis ang kaniyang braso ay agad na lumiko si Elsa sa isang eskinita. Nagpaikot-ikot pa siya sa mga makikipot na daan para lituhin ang pulis na humahabol sa kaniya. Nang napansin niyang naligaw na niya ang pulis ay sumandal si Elsa sa pader habang hinahabol niya ang kaniyang hininga.

Hindi pa nakapagpapahinga ng husto si Elsa nang maramdaman niya ang isang kamay na tumapik sa kaniyang balikat. Agad na nagtatakbo ulit si Elsa palayo sa lugar na iyon habang sumisigaw ang isang lalaki sa kaniyang likuran.

Advertisement

“Miss, sandali lang! Huminto ka muna! Huwag kang tumakbo!”

Nang masiguro ni Elsa na wala nang humahabol sa kaniya ay pumasok siya sa isang karinderya para makapagpahinga at makakain na rin ng tanghalian. Habang pumipili ng ulam ang babae ay may isang kamay ang humawak sa kaniyang palapulsuhan.

“Grabe kang babae ka. Iaabot ko lang naman yung nahulog mong pitaka pinatakbo mo pa ko ng malayo. Buti na lang sanay ako sa takbuhan kaya naabutan kita. Partida pa na may buhat kang dalawang malalaking bag. Siguradong mahihirapan akong abutan ka kung wala kang dala,” papuri ng lalaki kay Elsa.

“At dahil pinatakbo mo pa ko ng malayo para lang isauli ang pitaka mo ililibre mo ko ng pananghalian. Ako nga pala si Denver,” pagpapakilala ng lalaki sabay kindat kay Elsa.

Habang kumakain ay nagkwentuhan ang dalawa. Nalaman ni Denver na dahil sa kahirapan ay high school lang ang natapos ni Elsa at para mabuhay ay nagbebenta siya sa bangketa. Tinakbuhan siya ng babae kanina dahil napagkamalan siya nitong pulis na nanghuhuli ng mga tindera sa bangketa.

Humanga talaga si Denver sa bilis tumakbo ng dalaga kaya inalok niya ito ng pagkakataong baguhin ang takbo ng kaniyang buhay, na makapag-aral ng kolehiyo.

“Isa akong coach ng varsity ng track and field sa isang pribadong unibersidad. Pwede kitang tulungang makapasok bilang athletic scholar. Sagot na ng unibersidad ang matrikula mo basta maganda ang resulta ng mga laban mo sa mga kompetisyon. ‘Pag nakatanggap ka ng medalya may dagdag kang allowance. At siyempre dapat pasado ka rin sa mga aralin mo. Sa bilis mong tumakbo at tamang pagsasanay malaki ang tsansa na magdala ka ng karangalan sa bansa kung irerepresenta mo ang Pilipinas sa Olympics o sa kahit anong pandaigdigang timpalak.”

Tinaggap ni Elsa ang alok na tulong ni Denver. Pumasok siya bilang iskolar sa unibersidad. Pinaghusayan niya ang kaniyang pagsasanay at pag-aaral. Di nagtagal ay nagbunga ang lahat ng kaniyang pagsisikap. Nakapagtapos siya ng kolehiyo. Dahil sa kaniyang bilis sa patakbo ay nakilala siya sa buong mundo at nanalo ng maraming medalya sa mga pandaigdigang kompetisyon.

Advertisement

Mula sa pagiging isang tindera sa bangketa na tinatakbuhan ang mga nanghuhuling pulis ay naging isang tanyag na atleta si Elsa. Ngayon ay tinutulangan na niya si Denver sa pagsasanay ng mga bagong atleta sa larangan ng track and field at nagsisilbing inspirasyon para sa mga tulad niyang salat sa yaman na huwag sumuko at mawalan ng pag-asa. Sa halip ay magsumikap at patuloy na lumaban sa mga hamon ng buhay.