Inaasar ang Binata Dahil sa Paulit-ulit Niyang Kinakain sa Trabaho Upang Makatipid; Ikagugulat Nila ang Magiging Bunga ng Ginawang Iyon ng Binata

Sanay sa marangyang buhay ang binatang si Jerry kung saan nakukuha niya ang anumang naisin niya nang hindi niya pinaghihirapang pagtrabahuhan. Ngunit nagbago ito nang magkasakit ang kanilang ama at nagkabaon-baon sila sa utang.

Agad siyang nagsumikap upang makakuha ng trabaho. Doon niya napagtanto na mahirap pala ang kumita ng pera kaya naman natuto siyang mamaluktot sa kumot upang mapagkasya ang kaniyang kinikita. Naghanap din siya ng iba pa niyang mapagkakakitaan gaya ng pagbebenta ng mga insurance plan, memorial plan at kahit pagbebenta ng mga pampaputing sabon ay pinatos niya na rin upang magkaroon sila ng dagdag na pera pambayad ng mga utang at para sa mga pang araw-araw nilang gastusin.

‘Di kalaunan ay natapos niya nang bayaran ang kanilang mga utang. Ngunit kahit na ganoon ay hindi na siya bumalik pa sa dati niyang pamumuhay. Sa kanilang sinapit ay natuto na siyang magtipid at paghandaan ang kanilang kinabukasan.

Dahil sa kaniyang pagtitipid ay madalas siyang inaasar ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho lalo na sa tuwing kakain sila ng tanghalian sa kanilang cafeteria.

“Pare sa’yo na lang ‘tong binigay saming sabaw ni Manang para naman hindi kami napapahiya kasama ka sa tuwing humihingi ka sa kaniya ng dagdag na sabaw pang-ulam mo,” pangungutya ni Ron.

“Salamat,” matipid na sagot ni Jerry bago tanggapin ito at ipagpatuloy ang kaniyang pagkain.

“Yung totoo pare, hindi ka ba nagsasawa diyan sa ulam mong dalawang siomai at puro sabaw lang? ‘Di ba tapos ka naman nang magbayad ng mga utang niyo?” pagtataka ni Dan.

“Magluluto na nga lang sana ako ng babaunin ko eh kaso hindi na talaga kaya ng oras ko,” tugon ni Jerry.

Advertisement

“Yuck! Ano ka, elementary?” wika ni Ron bago magtawanan ang iba pang mga kasamahan sa trabaho ni Jerry.

“Pare, hindi naman ganoon kaliit ‘yung sahod natin ah. Tingnan mo nga ‘tong si Ron, halos every three months kung magpalit ng cellphone. Si Dan naman padami nang padami ang mga gadget. Tapos ako tingnan mo, parating bago ang mga damit ko. Hindi kagaya mo, paulit-ulit na lang ‘yung mga damit mo,” pagyayabang ni Louie.

“Dati na kasi akong ganyan. Pero natuto na ko dahil sa nangyari sa buhay namin. Natuto akong hindi madaling mabuhay at hindi natin masasabi kung ano’ng puwedeng mangyari sa atin sa kinabukasan. Kaya naman mabuti na ‘yung iwasan ko muna ‘yung mga unnecessary expenses at ilaan ko na lang ‘yung sahod ko sa mas mga importanteng bagay upang makapaghanda ako kahit papaano.”

“Bahala ka nga diyan! Basta kami, enjoy lang. Kung ano’ng magpapasaya sa amin, dun kami,” pagkontra ni Ron bago ayain ang mga kasamahan sa ibang lamesa.

Hinayaan na lamang ito ni Jerry at kahit ano pang pangangantyaw ng mga kasamahan niya sa kaniya ay isinantabi niya na lamang ito.

Makalipas ang isang taon ay napuna ng mga kasamahan sa trabaho ni Jerry na iba na ang ulam na kinakain niya kaya naman muli na naman nila itong inaasar.

“Wow! Hindi na siomai-baw ang ulam niya ngayon ah. Mukhang nag-iimprove ka na ah,” pang-aasar ni Louie.

“Hindi naman. Medyo nakaluwag-luwag lang ngayon kahit paano,” tugon ni Jerry.

Advertisement

“Okay na sana kaso parang elementary na binaunan ng nanay,” pangungutya naman ni Ron.

Nginitian na lamang sila ni Jerry at hinayaan sila na pagtawanan siya.

Isang gabi ay nagkayayaan sina Ron na kumain sa labas upang ipagdiwang ang kaarawan ni Louie. Sila ay kumain sa isang bagong bukas na restawran malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Pagpasok pa lamang nila ay manghang-mangha na sila sa ganda nito kahit hindi ito ganoon kalaking lugar. Lalo nila ito nagustuhan nung matikman nila ang mga pagkaing inorder nila kaya naman sa kanilang galak ay ipinaalam nila ito sa server na nagsisilbi sa kanila.

“Ang ganda nitong restawran niyo ah! At ang mga pagkain, napakasarap! Mukhang may bago na kaming tatambayan ngayon,” pahayag ni Ron.

Nagpasalamat ang nagsisilbi sa kanila at ipinaalam ito sa kaniyang boss na lumapit sa grupo nila Ron upang magpasalamat din. Biglang itong nagulat noong nakita nito sina Ron. Ganoon din sina Ron nang makita nila ang lalaking lumapit sa kanila kasama ang server na nagsisilbi sa kanila.

“Jerry? Anong ginagawa mo rito? Don’t tell me suma-sideline ka na rin dito kaya nakakakain ka na ng masasarap na pagkain?” pang-aasar ni Ron.

“Naku sir! Siya po ang may-ari ng restawran na ‘to,” pagsingit ng server na nagsisilbi sa kanila.

Advertisement

Mas lalo itong ikinagulat ng grupo nila Ron.

“Maraming salamat at nagustuhan niyo itong restawran namin. Sana nga’y mapadalas kayo dito. By the way, may pinapaserve nga pala akong free desserts para sa table niyo. Sana’y magustuhan ninyo rin ‘yun,” sabi ni Jerry sa mga katrabaho.

Natahimik na lamang ang grupo nila Ron matapos nilang pasalamatan si Jerry sa libreng desserts. Ikinagulat nila na ang dati nilang kinakantyawan na mahirap pa sa daga ay mas asensado pa sa kanila ngayon. Kung sana ay naging mas matipid sila at inilaan nila sa tama ang kanilang mga sinahod imbes na sa mga capricho ay baka asensado na rin ang kanilang buhay ngayon.

Mula noon ay hindi na nila kinutya pa si Jerry bagkus ay hinahangaan na nila ang sipag, determinasyon at pagtitiyaga nito na naging daan sa pag-ahon nito sa buhay.