Pinagtaniman ng Kabutihang Loob ng Babae ang Hipag na may Masamang Ugali; sa Huli’y Maganda ang Kaniyang Inani

Bata pa lamang si Cherry Pie ay nakitaan na ito ng kanyang kuyang si Lino ng kalandian at kakaibang ugali.

Madalas itong lumalabas ng kanyang kuwarto na nakasuot ng napakaikli at hapit na hapit na bestida at nagpupunta sa kanilang sala tuwing naroon ang kaniyang mga kabarkadang lalaki.

Kaya naman madalas ay pinapagalitan niya ito tuwing nakikitang lumalabas ng bahay na napakaikli ng suot na damit.

Anim silang magkakapatid. Dalawang lalaki at apat na babae. Si Alice ang kanilang panganay, sinundan siya ni Lino at ang kakambal nitong si Lina, sumunod ay si Carmen, si Cherry Pie at ang bunsong si Olan.

Maaga silang naulila ng kanilang mga magulang. Nabangga ang sinasakyan nitong bus nang magpunta ito ng Maynila upang bisitahin si Alice sa pinagtatrabahuhan nitong paliparan.

May sapat na ipon naman at ari-arian ang kanilang mga magulang ngunit gayunpaman ay nagtulong-tulong pa rin sina Alice, Lino at Lina sa pagpapaaral sa kanilang mga kapatid.

Hindi naman naging hadlang ang mga karelasyon ng tatlo sa pagsuporta sa kanilang mga nakababatang kapatid bagkus ang kanilang mga naging asawa ay naging katuwang nila dito.

Matagumpay naman nilang napagtapos ang kanilang mga kapatid maliban kay Cherry Pie. Maaga itong nakapag-asawa sa edad na bente anyos.

Advertisement

Wala na silang nagawa sapagkat umuwi na lang ito ng kanilang bahay na kasama ang asawang si Timothy dala ang kanilang marriage certificate.

Nang magkaroon na ng sariling pamilya ang anim na magkakapatid, napagdesisyunan nilang ibenta ang mga ari-ariang naiwan ng mga magulang. Kasama na dito ang bahay na kanilang kinalakihan. Matapos noon ay pinagpartehan nila ang nalikom na salapi.

Dahil walang bahay na titirhan ang mag-asawang Cherry Pie at Timothy, pinatira ito ni Lino at asawang si Lourdes sa kanilang bahay.

Madalas mag-away sina Timothy at Cherry Pie lalo na kapag ginagabi ng uwi ang lalaki galing sa trabaho.

Nag-oovertime daw ito dahil nais niyang makapag-ipon at bumili ng sariling bahay. Nahihiya na ito kila Lino at Lourdes. Mabait si Timothy dahil hindi niya pinapatulan ang asawa kahit na madalas siya nitong murahin sa harapan mismo nila Lino at Lourdes.

“Cherry Pie, puwede bang bawasan mo ang pakikipag-away sa asawa mo? Nago-overtime ‘yon para makabukod na kayo. Isa pa’y nakakahiya sa Ate Lourdes mo. Pinatira ko kayo dito tapos ay ganyan ka kung umasta. Nakikita mo ba kaming nag-aaway ni Lourdes at nagmumurahan? Hindi naman ‘di ba? Nadidinig pati ng mga anak ko ang mga mura mo,” mahinahon na pakiusap ni Lino kay Cherry Pie isang gabing nanonood sila ng TV na magkapatid.

“Kung anu-ano pa ang dinadahilan mo. Gusto lang siguro ni Ate Lourdes na umalis na kami dito. Huwag kayong mag-alala. Bukas na bukas din ay aalis na kami ni Timothy!” galit na galit na sagot ni Cherry Pie sa kanyang kuya.

Kilala ni Lino ang kanyang kapatid kaya hindi na nito sinagot pa si Cherry Pie. Alam niya kasi na hahaba pa ang kanilang usapan at hahantong ito sa sa matinding argumento. Kakausapin na lamang niya si Timothy tungkol dito.

Advertisement

Humingi ng paumanhin si Timothy kay Lino sa inasta ng asawa. Pagkatapos noon ay nabawasan na ang pag-oovertime ng lalaki at nabawasan na din ang pag-aaway ng dalawa.

Pagkalipas ng isang taon, umalis ang mag-asawa sa bahay nina Lino at Lina sapagkat nadestino si Timothy sa Amerika at kasama daw sa kontrata na dadalhin niya ang kanyang asawa upang manirahan na rin doon. Naging maganda ang buhay nilang dalawa sa Estados Unidos.

Sinuwerteng natanggap sa trabaho bilang caregiver si Cherry Pie. Malaki ang kinikita ng mag-asawa kaya napagkasunduan nilang pag-aralin ang mga anak nina Lino at Lourdes bilang pasasalamat sa pagkupkop sa kanilang dalawa. Tinulungan din ni Cherry Pie ang iba pa niyang kapatid sa Pilipinas.

Matulungin naman si Cherry Pie ngunit mabilis itong magalit. At kapag nagalit ito’y puro panunumbat ang lumalabas sa kanyang bibig.

Sampung taon na silang mag-asawa ngunit hindi pa din sila nabibiyayaan ng anak. Lahat ng paraan ay ginawa nila ngunit ayon sa mga eksperto, hindi sila magkakaroon ng anak dahil baog ang misis. Si Cherry Pie ang may diprensiya.

Dahil dito, itinuon ni Cherry Pie ang atensiyon sa mga pamangkin lalo na sa mga anak nina Lino at Lourdes. Madalas silang nag-uusap gamit ang Facebook. Lahat ng pangangailangan ng mga ito ay agad namang pinapadala ni Cherry Pie.

Bilang kapalit, lahat ng utos ni Cherry Pie ay sinusunod agad ng mga pamangkin. Tuwing may kaibigan itong uuwi ng Pilipinas, nakikipagkita sila dito upang ipadala ang mga paborito nitong pagkain gaya ng ube hopia at cashew polvoron.

Sa totoo’y nanginginig pa ang mga ito tuwing may hihinging pabor ang tiyahin. Alam kasi nilang grabe ito kung magalit. Akala mo’y bulkan na sumasabog.

Advertisement

“Daddy, bakit naman po ganoon si Tita Cherry Pie? Galit na galit agad. Hindi ko lang nasagot ‘yong video call niya dahil nasa jeep ako. Hindi kami magkakaintindihan at baka mahablot ang selpon ko,” sumbong ng panganay ni Lino na si Bubbles pagdating galing sa paaralan.

“Hayaan mo na lang siya. Malungkot ‘yon sa Amerika kaya gusto niya na palaging may kausap,” mahinahong paliwanag ng ama.

Dumadalas ang ganitong ugali ni Cherry Pie. Hindi lang sa mga anak ni Lino, pati na rin sa mga kapatid, manugang at iba pa nitong pamangkin. Napakasakit magsalita nito at puro panunumbat. Pinakiusapan na lang sila ni Lino na pagbigyan at intindihin ito.

Walang tigil ang pang-ring ng telepono ni Lino isang madaling araw. Pagkasagot nito ay narinig nila ang boses ni Cherry Pie na umiiyak sa kabilang linya ng telepono.

Iniwan siya ni Timothy at ipinagpalit sa ibang babae. Bukod dito, pinagbuhatan din siya ng kamay ng kanyang asawa. Pumutok ang ulo nito nang batuhin siya ng plato sa ulo ng mister.

Hindi malaman ni Lino ang gagawin dahil sa layo ng distansya nilang magkapatid. Mabuti na lamang at malapit lang ang bahay ng kapatid ni Lourdes sa tinitirhan ni Cherry Pie sa California. Agad itong tinawagan ni Lourdes upang tulungang dalhin sa ospital si Cherry Pie.

Inamin ni Cherry Pie sa kanyang kuya na ilegal ang pagtira nito sa Amerika kaya kahit labis ang pagnanais niyang makauwi ay hindi niya magawa sapagkat siguradong hindi na siya makakabalik dito. Sayang naman ang maganda niyang trabaho.

Sinubukan ng mag-asawang Lino at Lourdes na magtungo sa US Embassy upang mag-apply ng visa. Sa kasamaang palad, si Lourdes lamang ang nabigyan ng visa para makapunta sa Estados Unidos.

Advertisement

Agad namang pumunta si Lourdes sa Amerika upang tulungan si Cherry Pie. Kinausap din nito si Timothy para ayusin ang relasyon ng dalawa.

“Pasensiya na, ate. Ginawa ko naman talaga ang lahat ng pagpipigil pero napakasama talaga ng ugali ni Cherry Pie. Ayoko na talaga,” nahihiyang paliwanag ni Timothy kay Lourdes.

Tinulungan ni Lourdes na makalimot si Cherry Pie. Tatlong buwan siyang nanatili sa Amerika.

Inayos din niya ang bahay ng hipag at palaging sinasamahang lumabas. Sinigurado ni Lourdes na maayos ang kalagayan ni Cherry Pie bago ito umuwi. Ibinilin pa niya ito sa kanyang kapatid.

Lalong lumaki ang kita ni Cherry Pie sa pagtatrabaho sa Amerika. Nakumbinsi ito ni Lourdes na bumili ng mga lupa sa Pilipinas upang hindi masayang ang kanyang mga kinita at para na din may patunguhan ang kanyang mga pinaghirapan.

“Bubbles, may babae ang Daddy mo,” umiiyak na sabi ni Lourdes sa kanyang panganay pagkauwi nito galing sa Amerika.

Aksidenteng naiwan ni Lino ang kanyang selpon sa banyo at nakita ito ni Lourdes. Nataon namang may tumatawag dito at sinagot niya ito. Unang nagsalita ang babae…..

“Lino, mahal ko. Nasaan ka na?” malambing na wika ng isang babae sa kabilang linya.

Advertisement

“Sino ito?” nagtitimping sagot ni Lourdes.

Agad na ibininaba ng babae ang telepono pagkarinig sa boses ng asawa ni Lino. Dahil dito, kinalikot ni Lourdes ang selpon ng asawa. Nabasa niya ang napakaraming sagutan ng malalambing na teks ng asawa at ng babae nito. May nakita pa siyang litrato ng mga ito na magkaakbay.

“Talaga? Ang tanda na ni daddy para mambabae!” gulat na gulat na tugon ni Bubbles.

Wala namang plano si Lourdes na palayasin ang asawa. Kinausap niya lamang ito at sinabihang hiwalayan na ang babae. Agad namang hiniwalayan ni Lino ang kanyang kabit.

Makalipas ang isang linggo, nahuli na naman ni Lourdes na may bagong kabit ang kanyang asawa. Sa sobrang galit ay pinalayas na niya ito.

Nang malaman ni Cherry Pie ang nangyari sa kanyang kapatid, nagalit ito kay Lourdes. Tinawagan nito si Bubbles at galit na galit na sinabing, “Ang kapal ng mukha ng mommy mo para palayasin ang daddy mo!”

Ikinuwento ni Bubbles ang nangyari. Napansin ni Cherry Pie na kinakampihan nito ang ina niya kaysa sa kanyang ama kaya nagalit din ito sa pamangkin.

Kung anu-anong masasamang salita ang sinabi nito sa pobreng dalaga. Nagkuwento din ito ng masasamang nagawa “daw” sa kanya ni Lourdes noong nakikitira pa sila sa pamamahay nito.

Advertisement

Dahil kinausap ni Cherry Pie ang mga kapatid, wala ni isa sa mga ito ang tumawag sa kanya upang kausapin.

Awang-awa si Lourdes sa sarili. Ang pagmamahal sa hipag ay napalitan ng gigil dahil sa ginawa nitong pangungunsinti sa pangangaliwa ng mister.

Hindi naman siya pinabayaan ng kanyang mga kapatid hanggang sa makalimot siya.

Kahit may kasalanang nagawa ang kanyang ama, naisip ni Bubbles na kailangan na nilang pabalikin ito sa kanilang tahanan. Matanda na ito at hindi mabuti na wala itong kasama sa bahay na tinutuluyan.

Kinausap ni Bubbles ang ama na tigilan na ang pambabae at umuwi na sa kanilang bahay. Nagpasalamat naman ito at humingi ng tawad sa kanyang mga anak.

Hindi naging madali kay Lino ang pag-uwi sa kanyang pamilya sapagkat galit na galit pa din si Lourdes sa kanya kahit isang taon na ang lumipas.

Ngunit dahil sa tulong ng mga kapatid ni Lourdes, pumayag na itong makipagbalikan sa asawa.

Galit na galit si Cherry Pie nang malamang umuwi na si Lino sa kanyang pamilya. Itinakwil na din niya bilang pamilya si Lino kasama ng asawa at mga anak nito.

Advertisement

Pinagbawalan naman niya ang iba pa niyang mga kapatid at pamangkin na makipagmabutihan sa pamilya ni Lino.

Kapag nahuli niya ang mga ito, ititigil daw ni Cherry Pie ang pagpapadala ng sustento sa kanilang lahat.

Hinayaan na lamang ni Lino ang kapatid at ibinuhos ang lahat ng oras at atensiyon sa kanyang pamilya at asawa.

Makalipas ang isang taon ay nabalitaan nilang umuwi ng Pilipinas si Cherry Pie. Dahil sa sama ng kanyang ugali, isinumbong siya ng kanyang kaibigan na nakaaway sa immigration at agad itong ipina-deport sa Pilipinas.

Nakitira siya sa bahay ng kanyang kapatid na si Alice. Wala pang isang buwan ay lumipat siya sa bahay nila Olan sapagkat nakaaway niya ang asawa ng kapatid.

Naibenta na ni Cherry Pie ang lahat ng lupang naipundar niya at naubos na ang kanyang pera. At dahil naubos na ang kaban ng yaman at nanatiling masama ang ugali niya, wala na ni isa sa kaniyang mga kapatid ang tumanggap sa kanya.

Nalaman ito ni Lourdes at naawa sa kanyang hipag. Kinausap niya si Lino na sunduin ang kapatid nito at patirahing muli sa kanila.

“Ate, patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko,” umiiyak na sabi ni Cherry Pie kay Lourdes habang nakaluhod.

Advertisement

“Tumayo ka nga diyan. Kinalimutan ko na ang lahat ng nangyari. Kapatid ka ng asawa ko. Bakit hindi kita tutulungan?” sagot ni Lourdes habang itinatayo ang isa.

Nagyakap ang mag-hipag. Nangako si Cherry Pie na babaguhin na ang kanyang ugali.

Nagkaroon na ng sariling pamilya ang tatlong anak nina Lino at Lourdes kaya silang tatlo na lamang ang nakatira sa bahay ng mag-asawa. Tuwing Linggo ay binibisita sila ng mga ito kasama ang kanilang mga anak.

Mula noon ay natutong magpakumbaba si Cherry Pie kaya naman unti-unti siyang tinulungan ng kaniyang buong pamilya upang makabangong muli.

Nag-aral ito sa TESDA ng kursong para sa mga caregiver kahit pa kabisado at gamay na niya ang trabaho para lamang makakuha ng certificate at matanggap ng mga mayayamang kliyente sa Pilipinas.

Nang matapos ang kurso ay agad siyang kinuha ng kaniyang mayamang kaklase na ngayon ay bilyonaryo na upang alagaan ang ina nitong nag-uulyanin.

“Cherry Pie, napakasuwerte ko dahil ang galing mong mag-alaga at napakabuti mong tao. Pag nawala ako sa mundong ito, hintayin mo ang testamento ko at pinapangako kong hindi mawawala doon ang pangalan mo,” lumuluhang wika ng kaniyang alagang si Donya Presing.

Nang sumakabilang buhay ang matanda ay tinupad nga nito ang habilin kay Cherry Pie.

Advertisement

“Ate Lourdes, ito ang 2.5 milyong piso. Magpakasarap ka sa buhay. Para sa iyo yan at sa mga anak mo. Huwag mo nang intindihin ang kapatid ko. Ako na ang bahala sa kaniya habang nagrerelaks ka. Utang ko sa iyo ang lahat, ate. Mahal na mahal kita.”

Agad namang tumungo si Lourdes sa bangko upang itago ang perang binigay ni Cherry Pie. Para daw iyon sa kinabukasan ng kaniyang mga anak at apo.