Hindi Karapat-dapat ang Tingin ng Dalaga sa Nobyo ng Kaniyang Kapatid; Tama Nga Kaya ang Pagkilatis Niya Rito?

Buhat nang mawala ang mga magulang ng magkapatid na sina Sandra at Roxie ay ang panganay na si Sandra na ang tumayong magulang ni Roxie. Sa murang edad ay napilitan siyang magbanat ng buto upang mabuhay silang dalawa.

Marami at hindi madali ang mga pinagdaanan ni Sandra para kay Roxie kaya naman tinitingala siya ng bunsong kapatid na para ba talagang magulang niya na ito at labis ang respeto niya para rito.

Isang araw, pag-uwi ni Sandra sa kanilang tahanan mula sa trabaho ay nadatnan niya ang bisitang lalaki ni Roxie. Agad na kumunot ang noo niya at nagtanong kung sino ang bisita nito.

“Ate, boyfriend ko nga po pala, si Jay,” sagot ni Roxie.

Ikinagulat ito ni Sandra kaya naman lalo itong sumimangot bago muling nagsalita.

“Gabi na. May klase ka pa bukas. Pauwiin mo na ‘yang bisita mo,” pagsusungit ni Sandra.

Agad na pinauwi ni Roxie ang kaniyang kasintahan.

Pagkaalis na pagkaalis nito ay agad na kinausap ni Sandra si Roxie at pinagsabihan sa maagang pakikipagrelasyon nito, “Boyfriend agad?! Nanligaw man lang ba ‘yan? Bakit hindi man lang dumaan sa’kin ‘yan? Tigilan mo na ‘yan. Mga bata pa kayo at duda ako diyan sa lalaking ‘yan.”

Advertisement

Tinutulan ito ni Roxie. Pilit niyang kinumbinsi ang kaniyang ate ngunit hindi ito nagpatinag.

Nang dahil dito ay kinausap ni Roxie ang kaniyang kasintahan. Napagkasunduan nilang patutunayan ni Jay ang kaniyang sarili sa ate nito.

Mula nun ay sinuyo na ni Jay si Sandra upang hindi nito tutulan ang relasyon nila ni Roxie. Noong umpisa ay dumadalaw lamang siya sa tuwing naroon din ang kasintahan. Siya ay nagdadala ng mga pasalubong para sa magkapatid at umaalalay sa mga gawaing bahay. Hanggang sa bandang huli ay dumadalaw na rin siya kahit na wala roon si Roxie o kahit na abala ito at hindi siya mahaharap. Sa mga pagkakataong ito ay kay Sandra siya nakikisalamuha at nakikipagkuwentuhan.

Nang dahil dito at dahil sa tagal ng nanunuyo ni Jay ay unti-unting natatanggap ni Sandra ang kasintahan ng kaniyang kapatid. Unti-unti silang nagkakalapit hanggang sa pagselosan na ito ni Roxie.

“Mukhang close na kayo ni Ate ah. At saka grabe ‘yung effort mo sa pagsuyo sa kaniya kaysa sa akin noon,” parunggit ni Roxie sa kasintahan.

“Ano ka ba naman. Gusto ko lang na aprubahan ng ate mo ‘yung relasyon natin. Alam ko naman kung gaano kahalaga sa’yo ang opinyon niya eh” sagot ni Jay.

Nang dahil dito ay patuloy na sinuyo at nakipaglapit si Jay kay Sandra hanggang sa isang araw nung wala sa bahay si Roxie ay kinausap niya ito nang masinsinan. Inamin niya na may nararamdaman na siya para rito.

Ikinagulat ito ni Sandra at agad niyang tinutulan si Jay.

Advertisement

“Mahiya ka naman! Kapatid ko ang girlfriend mo!” sita ni Sandra bago tumayo at lumayo kay Jay.

“Mahal talaga kita, ate,” wika ni Jay bago mapailing sa sarili.

Lumapit siya kay Sandra at hinawakan ang mga braso nito.

“Mahal na mahal talaga kita, Sandra. Please, hayaan mong ayusin ko ‘to,” sambit ni Jay bago yakapin si Sandra.

Bago pa maitulak ni Sandra ang binata palayo ay nakita na sila ni Roxie.

“Kaya naman pala ayaw mo siya para sa’kin… Kasi mas gusto mo siya para sa’yo!” bulyaw ni Roxie kay Sandra bago sila iwan at umalis muli ng bahay.

Sinundan siya ni Sandra habang si Jay ay umalis na lamang matapos niyang makagulo sa magkapatid.

Nang abutan ni Sandra si Roxie ay pinaliwanag niya ang nangyari. Nilinaw niya na tinanggihan niya si Jay at agad ‘tong sinita.

Advertisement

“Akala ko namang matapos niyang mag-effort na makuha ang approval ko ay karapat-dapat na siya na maging kasintahan mo. Pero tama pala ‘yung unang pagkilatis ko sa kaniya. Hindi nga siya ang lalaki para sa’yo. Kung mahal ka talaga niya, hindi agad mahuhulog ang loob niya sa akin,” pahayag ni Sandra.

“Huwag mo sanang hayaan na masira niya tayong magkapatid,” dagdag pa nito.

Napaisip si Roxie sa mga sinabi ni Sandra ngunit dahil nangingibabaw ang pagseselos sa kaniyang puso ay hindi niya kinibo ang kaniyang ate.

Kinabukasan, pagpasok ni Roxie sa eskwelahan ay hindi niya sinasadyang marinig ang pag-uusap nina Jay at mga kaibigan nito. Pinag-uusapan nila kung paano binalak ni Jay na tuhugin silang magkapatid. Napag-alaman din niya na marami pa pala itong ibang mga babae na pinopormahan.

Sa galit ni Roxie ay sinampal niya si Jay at pinahiya sa eskwelahan.

Agad na ipinaalam ni Roxie sa kaniyang ate ang nangyari pagkauwi niya. Pinatunayan nito na tama ang hinala ng kaniyang ate kay Jay kaya naman humingi siya ng tawad dito.

Sa pangyayaring ito ay mas tumibay ang samahan nina Sandra at Roxie. Pinangako nila sa isa’t-isa na walang sinuman o anuman ang makakasira sa relasyon nilang magkapatid.