Dahil sa Babaerong Mister ay Nawala ang Kapatid ng Babae, Magigimbal ang Lahat sa Maitim na Katotohanan

Maingat na inalis ni Dawn isa-isa ang mga damit mula sa maleta. Isinalansan niya ang mga iyon sa cabinet. Isang buwan na ang nakalilipas nang umuwi siya mula sa Amerika, ito ang unang beses na makikilala niya ang pamangkin na ngayon ay limang taong gulang na.

Makakasama niya na rin sana ng matagal ang kanyang kapatid, si Ara. Ang saya-saya nila, ang higpit ng yakap sa isa’t isa pagkakitang-pagkakita nila sa airport. Pero gumuho ang lahat dahil matapos ang isang Linggo, biglang naglason ang kapatid niya. Nang isugod nila sa ospital ang babae ay hindi na ito umabot ng buhay, kumalat na ang lason sa dugo nito.

Kaya mukhang matatagalan ang balik niya sa ibang bansa dahil marami pa siyang kailangang asikasuhin sa naiwan ng kapatid.

“Hey,” napapitlag siya nang maramdamang yumakap mula sa likuran si Francis.

“Hi,” sabi niya naman sa lalaki. Napalitan ng ngiti ang malalim na pag-iisip.

“What’s bothering you?” tanong nito.

Hinalikan niya muna ito sa labi bago sumagot, “I’m thinking about Ara. Paano na si Sophia ngayong wala na siya?”

“Well, nandiyan ka naman. Ikaw na ang kikilalanin niyang mommy, which I think is fine dahil tita ka naman niya di’ba?” sagot nito, abala sa pagpupog ng halik sa kanyang buong mukha.

Advertisement

Tumango siya, “Come on Francis. Ang mga kamag-anak namin, hindi tumitigil sa pag-iisip kahit nailibing na ang kapatid ko. Kasi marami siyang ikinukwento na may babae ang mister niya, at maaaring iyon ang dahilan kung bakit siya naggive up sa buhay. Ano ang gagawin-” hindi na siya nakapagsalita dahil hinalikan siya muli ng malalim ng lalaki.

“Kalimutan mo na muna siya, pwede? Tayo muna, pwede?” malambing na sabi nito. Hindi na naman siya nakatanggi, pinagsaluhan nila ang init noong hapong iyon.

Kinagabihan ay maagang umalis si Francis pang-gabi kasi ang shift nito sa isang call center, si Dawn naman ay abalang nag-alaga sa pamangkin. Alas diyes na ng gabi nakatulog si Sophia, kinukumutan niya ito nang biglang magsalita ang bata.

“Mommy..mommy..” nakapikit na sabi nito.

“Sshh.. baby. Nandito na si Tita, wag ka nang mag-alala..” sabi niya, hinihimas ang noo nito.

Nagulat siya nang biglang tumayo si Sophia, masama ang tingin sa kanya. Gumapang ang kilabot sa kanyang katawan dahil tila ba hindi ang kanyang pamangkin ang nakamasid sa kanya ngayon. Iba ang nakikita niya sa mga mata nito.

“Kahit nandiyan ka, hindi mo siya mapapalitan.” mariing sabi nito, iba ang boses.

Sa sobrang takot ay napalabas ng kwarto si Dawn. Tagaktak ang pawis niya at grabe ang kabog ng dibdib.

Advertisement

Hindi iyon ang huling beses na nakasaksi siya ng kababalaghan, nasundan pa nang nasundan hanggang parang mabaliw na si Dawn.

“Tigilan mo ‘ko! Tigilan mo nako! Patay kana!” sigaw niya. Nangangatog ang buo niyang kalamnan habang nakatitig sa salamin. Natatanaw niya sa likuran ang kanyang kapatid, si Ara.

Lumuluha ito, nakatingin sa kanya habang bumubula ang bibig. Naririndi siya sa hikbi nito. Ilang sandali pa ay lumulutang na palapit sa kanya ang babae.

“Tigilan mo na ako! You are not real!” nakapikit na sabi ni Dawn habang sinasabunutan ang sarili.

“Dawn!” sampal sa kanya ni Francis kaya napadilat siyang muli. Humihingal na napayakap siya rito.

“S-She’s here..She’s here!” paulit-ulit na sambit niya sa lalaki.

“Sino?” takang tanong ng lalaki.

“S-Si Ara. Ayaw niya akong patahimikin. Hindi ko na alam ang gagawin ko, iniingatan ko naman si Sophia, ginagawa ko naman lahat-”

Advertisement

“Sshh. Matagal nang wala ang kapatid mo. It is time for you to move forward.. with me. Okay? Now, get ready. Nasa baba na ang mga kamag-anak mo at friends, it is your birthday today! Hihintayin kita okay?”

Tumango siya rito at pinahid ang luha. Naglagay siya ng foundation upang hindi mahalata ang namumugtong mata at ang nangingitim na eyebags na sanhi ng mga gabing hindi siya pinatutulog ng multo ng kapatid.

Pagbaba niya sa hagdan ay isa-isa siyang sinalubong ng mga tiyahin, binati siya at humingi ng tawad sa pagkawala ni Ara.

“Kaya mo iyan hija, close pa naman kayo. Pero masaya na siya ngayon, kung sino man ang dahilan kaya niya naisip wakasan ang buhay ay maka-karma rin,” sabi ng kanyang tita Sol.

Ginantihan niya lang ng yakap ito. Akala niya ay pansamantala na siyang makakawala sa panggagambala ng multo pero nanigas ang buo niyang katawan nang makitang nakangiti si Ara sa isang sulok. Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya.

Isang kurap ay nawala ito bigla, pero unti-unti siyang napalingon nang may umihip na malamig na hangin sa kanyang batok.

“Lapastangan.”

Halos tumigil ang tibok ng puso niya nang marinig ang bulong na iyon mula sa likuran.

Advertisement

“Ang dumi-dumi mo. Baboy!” sabi ulit nito.

Palakas nang palakas ang boses ni Ara. Kung anu-ano ang sinasabi kay Dawn.

“Duwag. Baboy! Baboy ka! Baboy kayo!”

Hindi na kinaya ni Dawn ang mga bulong, muli niyang nasabunutan ang sarili. Napatingin ang mga tiyahin, lalo pa nang sumigaw siya ng pagkalakas-lakas. Kahit si Francis ay hindi inaasahan ang makikita.

“Oo na! P*tang ina mo Ara! Ako ang naglagay ng lason sa pagkain mo para mawala ka na sa landas ko! Dahil ako ang babae ng mister mo, ako ang kaagaw mo sa puso ni Francis!” dire-diretso niyang sabi.

Sukat pag-amin niya ay nawala ang mga bulong, sumalubong ang namumuhing tingin ng kanyang mga tiya at ang nanginginig na si Francis. Buking na sila.

Ilang sandali lang ay dumating na ang mga pulis upang arestuhin siya, inamin niya ang lahat para matahimik na siya. Alam niyang hindi siya titigilan ng kapatid. Mas mabuti nang makulong kaysa mabaliw.

Inamin niya na matagal na silang may relasyon ni Francis, tuwing magpapaalam ito sa kapatid niya na ipapadala raw kunwari ng kumpanya sa ibang bansa ay siya lang talaga ang dinadalaw nito sa Amerika.

Advertisement

Walang kaalam-alam si Ara na sa ahas pala ito nagbabahagi ng mga problema sa asawa. Nitong huli ay nais na nilang maging malaya kaya nilason niya na ang kapatid.

Inampon ng isa sa mga tiyahin nila ang batang si Sophia habang nakulong naman sila ni Francis.

Hindi hinahayaan ng tadhana na magtagumpay ang kasamaan kaya ito na mismo ang gumawa ng paraan para maparusahan silang dalawa. Sabi nga nila, nahuhuli ang malansang isda sa sarili nitong bunganga.