Sampal ng Kabutihan sa Tsismosang Kapitbahay

“Hindi ako makabili sa tindahan Aling Felly nanay, naroon ang mga amiga nya, baka pag-usapan nanaman nila ang buhay ko.” wika ni Mariel sa kanyang ina.

“Hayaan mo sila aba, eh paano ko maluluto ang adobo kung walang toyo? Dalian mo na!” aburidong sagot naman ng ginang, tagaktak ang pawis dahil malapit sa kalan.

“Nay, si Janjan na lang kasi utusan niyo, ayoko po ng gulo.”

“Aba talagang gugulo buhay mo kapag hindi mo ako ibinili ng toyo!”

Bumalik ulit si Mariel sa tindahan ni Aling Felly para bumili ng toyo. Hindi pa man din nakakalapit ang dalaga, narinig na niya agad ang pangalan niya kay Aling Minda.

“Hay nako, yang si Mariel, iba nanaman ang kasamang lalaki kagabi nakita ko sa may kanto! Panigurado naka-jackpot nanaman yang babaeng yan, ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon eh naghihirap pa rin sila. Halos ibenta niya na buong pagkatao niya sa mga ….” Bigla itong napatigil noong nakita si Mariel.

Palagiang tampok ang pangalan niya sa kanilang barangay pagkat siya ay isang dancer sa bar at pinagkakalat ng ilan na siya daw ay nagpapauwi kung kani-kaninong lalaki upang kumita ng malaking pera. May balita pa tungkol sa kanya na siya raw ay nabuntis ng isang pulis at ipinalaglag niya ang bata.

Karamihan sa mga kapitbahay nila ay halos isumpa na siya dahil sa balitang iyon. Ang iba pa ay talagang sinasadyang iparinig sa kaniya ang mga masasakit na salita mula sa makakati nilang mga bibig.

Advertisement

Madalas ay nagugulat na lamang si Mariel sa mga balitang naririnig niya na wala namang katotohanan. Minsan tuloy ay hindi na siya lumalabas dahil sa mga usap-usapang wala namang katotohanang pinapaniwalaan ng nakararami.

Nais niyang magpaliwanag kung minsan, dahil madalas ang nakikita nila na kasama ni Mariel ay pinsan niya, minsan naman kaibigan niya lang at kung minsan tito niya galing probinsya.

Ngunit naisip niya, “Bakit ko kailangang magpaliwanag sa mga taong walang ginawa kung hindi husgahan ang pagkatao ko?”

Mabait na dalaga si Mariel, totoong dancer siya sa bar ngunit hindi siya nagpapauwi o nagpapahipo man lang sa mga lalaking umiinom doon. Tangging pagsasayaw lang nakikita niyang paraan upang makatulong sa nanay niya.

Labag man sa kalooban niya, iniisip niya nalang na para ito sa kanyang pag-asenso. Kapit patalim man, alam niya sa sarili niya na wala siyang ginagawang masama hindi tulad sa mga kwento ng mahahabang nguso sa barangay nila.

“Siguro kung mawawala na ako, titigilan na nila ako. Hirap na hirap na ako sa buhay na ganito. Bawat galaw ko kahit wala naman akong masamang ginagawa, may naririnig akong mali tungkol sakin. Gusto ko na mawala” minsang daing ni Mariel sa nanay niya.

“Alam mo nak, naiinggit lang yang mga taong yan. Sobrang ganda kasi ng anak ko. Galing pa sumayaw. Isa pa, kumikita ka ng pera na hindi nila alam kung saan nila hahagilapin.

Kaya mo yan anak, huwag mo hilingin na mawala kana. Gawin mo silang inspirasyon para lalo bumangon. Kung mawawala kana, lalong magpipinting mga tenga’t bibig niyan nila!”

Advertisement

Ginawa nga ni Mariel na inspirasyon ang sinabi ng kanyang ina. Nang makaipon na siya mula sa bar na kanyang pinagtatrabahunan, pumasok siya sa isang dancing company at sa kabutihang palad ay natanggap agad siya sa talentong mayroon siya.

Sumikat si Mariel at nakasayaw sa iba’t ibang bansa. Kinuha rin siya ng isang producer sa isang tv show na ineere tuwing tanghalian. Simula noon ay nag-iba na ang tingin ng mga taong ‘chismaks’ sa kanya. Madalas ay hinahanap siya ng mga ito upang magpalitrato o kung minsan naman ay mangutang.

Dahil nga sa kagandahang loob ni Mariel, madalas itong mga taong nagbababa sa kanya dati ay kaniya ngayong tinutulungan.

“Naku Mariel, lalo kang gumanda. Aba napakaswerte ng mapapangasawa mo! Humanap ka ng karapat dapat para sayo ha. Hindi katulad ko, napunta sa isang tambay kaya ito ako ngayon, mangungutang ulit sayo. Tubuan mo nalang ha. Babayaran ko sa katapusan. Pwede rin kita linisan ng kuko iha kung gusto mo,” ani Aling Minda.

“Naku Aling Minda, ayos lang po huwag na po natin tubuan. Linisan niyo nalang po ng kuko si nanay. Huwag niyo po papaduguin ha. Malilintikan kayo roon.”

Palagian pa ring naririnig ni Mariel ang pangalan niya sa mga tila ba CCTV cameras na mga tao sa barangay nila. Ngunit hindi na ito para pag-usapan nila ang mga maling ginagawa niya dati, kundi dahil na ito sa kung paano nasampal ni Mariel ng kabutihan ang mga taong humihila sa kanya pababa noon na ngayo’y pilit niyang hinihila pataas.

Laging tandaan, hindi man nakikita ng mga tao ang ginagawa nating kabutihan ay palagi naming nakabantay ang nasa itaas. Wag tayong mapagod na gumawa ng tama, balang araw ay babalik rin sa atin lahat.