Labis na Ikinaiinis ng Lalaki ang Kaadikan sa Teleserye ng Ina, Di Niya Alam na Dito Nalang Pala Ito Humuhugot ng Kaligayahan

Nagtatrabaho sa isang opisina sa Pasay si Marvin, maganda ang takbo ng kanyang career dahil matapos lamang ang isang taon ay agad na na-promote ang lalaki. Subsob kasi talaga siya sa trabaho. Ang Sabado at Linggo na sana ay wala siyang pasok, ay iginugugol niya pa sa paggawa ng mga report para sa kumpanya. Silang dalawa na lang ng kanyang ina ang magkasama sa bahay, sa edad na 60 ay biyuda na ang babae. Wala namang ibang kapatid si Marvin.

“Anak, mag almusal ka muna.” sabi ng matanda sa kanya isang umaga.

“Hindi na ‘ma. Doon na ako sa office kakain.” nagmamadaling sabi niya.

“Kumusta ka ba anak? Parang noong isang gabi ay nasakit na ang ulo mo, ininom mo ba iyong gamot na inilagay ko sa gilid ng bag mo?” tanong nito.

“Ma, male-late na ako. Sige na.” sabi niya sabay labas ng bahay, walang panahong sagutin ang tanong ng kanyang ina.

Kinagabihan, pagud na pagod si Marvin galing sa trabaho at inabutan niya ang kanyang ina na nanonood ng drama sa TV, katabi pa nito si Oscar, ang alagang pusa. Agad na napabuntung hininga si Marvin, inis na inis kasi talaga siya sa mga walang kwentang drama sa TV, ewan niya ba bakit napapaniwala pa ng mga iyon ang mama niya.

“Ikaw, Samantha! Bakit inilihim mo sa akin na si Aling Martha ang tunay kong ina? Sino ka, sino ka para tanggalan ako ng karapatan para mabuo ang aking pagkatao? Sino ka?!” sigaw ng bida sa teleserye, sinabayan pa ng ma-dramang tugtog. Naluluha luha na ang kanyang ina at napalingon lang ito nang marinig na ibinaba niya ang bag sa sofa.

“O anak, halika na kumain ka na. Teka maghahain na ako.” nagmamadali ito sa pagtayo.

Advertisement

“Hindi na ma,” iritableng sabi niya na hinihimas ang sentido, sobrang daming nangyari sa opisina ngayon. Ang dami niyang meeting na kinailangang puntahan at ang pinakagusto niya lang ngayon ay magpahinga, wala siyang oras para sa mga tanong ng ina.

“Hindi anak, kailangan malamnan ang tiyan mo. Baka magkasakit ka na niyan sa sobrang-” hindi natapos ng babae ang sasabihin nang putulin na iyon ni Marvin.

“Hindi na nga! Ang kulit mo naman ma eh! Bakit ka ba ganyan, manood ka nalang ng mga walang kwentang teleserye mo bilang yan lang naman ang alam mo, ma. Hindi mo alam ang pinagdadaanan ko, hindi mo maiintindihan kasi naman puro kababawan ang pinagpapanood mo nahahawa ka na sa ka-dramahan!” sigaw niya sabay diretso sa kwarto. Sa ina niya naibuhos ang init ng ulo.

Makalipas ang ilang sandali, nakapagbihis na si Marvin at nauhaw siya bigla. Dahan dahan siyang lumabas ng kwarto, alam niyang nasa salas pa ang ina dahil naririnig niya pa ang TV. Nasa likod ng sofa ang pinto ng kanyang kwarto kaya hindi naman siguro siya mapapansin nito. Nakaawang palang ang pinto, nang muli niyang marinig ang drama.

“Aling Martha, kayo po pala ang nanay ko. Patawarin nyo ako na ngayon ko lang kayo nayayakap, nanay.” sabi ng bidang babae at niyakap nito ang matanda.

Nagsimula na namang makaramdam ng inis si Marvin, pero biglang nagsalita ang kanyang ina. Kinausap nito ang pusang si Oscar na tahimik na nakaupo sa tabi nito.

“Oscar, mabuti pa siya ano. Sabik siya sa kanyang nanay, samantalang ako nasa harap na ako ng aking anak ay di pa ako pinapansin. Mabuti pa ang teleserye, at ikaw Oscar, may oras kayo para kausapin ang matandang tulad ko. Kahit walang kwenta ang mga sinasabi ko..” halos pabulong na sabi nito. Kahit di nakikita ni Marvin ang mukha ng babae ay alam niyang lumuluha ito.

Walang sali-salita ay niyakap niya ang ina, gulat man ang babae at niyakap rin siya nito.

Advertisement

“Ma, sorry..” mahinang sabi niya.

Mula noon ay natuto na si Marvin na hatiin ang kanyang oras, sa trabaho, sa pahinga, at syempre, para sa kanyang ina. Bumawi siya dito. Madalas ay sinasamahan na niya ito sa panunuod. Sa tuwing uuwi siya mula trabaho ay dadaan muna siya ng tindahan upang bumili ng chichirya na pwede nilang pagsaluhan habang nanunuod. Sinasabayan niya ang bawat paghalakhak at pag-iyak ng ina niya habang nanunuod.

Dahil sa pagbubukas ng sarili ni Marvin sa ina ay mas naging positibo ang araw-araw niya. Totoo nga, mas masaya ang buhay kapag pagmamahal ang ibinibigay at natatanggap mo sa bawat araw. Hindi na siya umuuwing mainit ang ulo dahil mas naging maayos ang kanyang trabaho at naging mas maganda ang pakikitungo niya sa kapwa.

Akalain mo nga naman na sa simpleng bagay na nagawa niya sa kanyang ina ay nabago nito ang buhay niya.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.