Kontrolado ng Kompanya ang Bawat Galaw ng Empleyado Nila sa Social Media; Sa Huli’y Umalingasaw Rin ang Baho Nila

Kontrolado ng Kompanya ang Bawat Galaw ng Empleyado Nila sa Social Media; Sa Huli’y Umalingasaw Rin ang Baho Nila

InspiringKarmaStories

“Pre, balita ko may memo ka dahil dun sa pinost mo sa Facebook account mo ah,” ang sabi ni Jepoy kay Allan.

“Oo nga p’re, hindi ko naman alam na bawal magpost ng hinaing ko sa kumpanya dun sa sarili kong account,” ang sabi ni Allan.

“Sa susunod kasi i-hide mo sa mga ka-trabaho natin. Malamang may sumipsip at nagsumbong sa’yo,” ang sabi ni Jepoy.

“Grabe, hindi ko naman akalain ‘yun. Akala ko pare-pareho tayo ng saloobin dito,” ang sabi ni Allan.

“Oh basta, ngayong alam mo na ‘wag mo na ulitin. Tsaka sundin na lang natin ‘yung binigay nilang script mula sa taas para matapos na ‘to,” ang sabi ni Jepoy.

“Oo na. Ipa-realize niyo kunwari sakin na ako talaga ang mali at walang pagkukulang ‘yung kumpanya. Tapos hihingi ako ng dispensa at babawiin ‘yung mga sinabi ko dun,” ang sabi ni Allan.

“Kainis! Kung hindi ko lang kailangan ng trabaho, hindi ko babawiin ‘yun kasi totoo naman ‘yung pinost ko,” dagdag pa ni Allan.

Pagkatapos mag-usap ng magkaibigan ay isinagawa na nila at ng iba pang mga kasamahan sa trabaho ang pinapagawa ng kumpanya sa Facebook post ni Allan. Nang dahil dun ay naging masama pa ang tingin ng ibang mga kaibigan ni Allan sa Facebook na hindi naman nagtatrabaho sa kumpanya nila. Tingin nila ay naging mareklamo lamang siya sa kaniyang trabaho.

Makalipas ang isang linggo ay narinig ng mga empleyado sa kumpanya nila Allan na may kinakagalitan ang kanilang boss sa opisina nito. Maya-maya ay nakita nila si Ma’am Carol na may dala-dalang kahon palabas rito.

Nilapitan siya ng kaibigan niyang si Rica at nagtanong sa kung ano ang nangyari kaya naman inilapag ni Carol sa sahig ang kaniyang kahon bago magsalita.

“Hindi ko na kayang tumagal pa sa kumpanyang ‘to. Bukod sa kulang-kulang ang benepisyo ng mga empleyado ay hindi ko na masikmura ang maruming marketing strategies na ginagawa natin laban sa mga kalabang kumpanya. Dagdag mo pa rito ‘yung nakakasakal na pagkontrol nila sa mga post natin sa sarili nating social media accounts,” pahayag ni Carol sa kaibigan.

Matapos ipahayag ni Carol ang kaniyang saloobin ay tumuloy na siya sa pag-alis ng kumpanya.

Ilang oras ang nakalipas at may nabasa sina Rica na post ni Carol sa kaniyang social media account laban sa kanilang kumpanya. 

Inilahad doon ni Carol ang totoong kalagayan ng mga empleyado sa dating kumpanyang pinapasukan patungkol sa kulang na mga benepisyo at sa pagkontrol ng kumpanya sa kanilang mga post sa social media. Ipinaalam niya sa kaniyang post na kinakailangan silang magpost ng maganda at kapuri-puri sa page ng kanilang kumpanya at pati na rin sa personal nilang account. 

Ibinunyag niya rin dun ang scripted na palitan ng comments sa mga empleyadong nagpost ng masama laban sa kumpanya upang mapigilan ang pagkasira ng pinapangalagaang imahe nito. 

Kasama rin sa kaniyang inilantad ang mga paninirang pinopost nila sa mga kalabang kumpanya upang mas umangat ang imahe ng kanilang kumpanya sa industriya.

Nang makarating ito sa dating boss ni Carol sapagkat nakapa-public ang post niya at dahil pinost rin ito ni Carol sa review ng page ng kumpanya nila ay dali-daling inutusan nito ang kaniyang mga empleyado upang labanan ang post ni Carol.

Maya-maya ay dinagsa na ng comments mula sa dating kumpanya ang post ni Carol. Pinalabas nila na mayroong sama ng loob si Carol daw sa pagkakatanggal niya sa trabaho. Sinabi pa ng iba na nararapat lamang siyang tanggalin dahil batugan siya at hindi maayos ang trabaho.

Sa halip na patulan ni Carol nang masasakit na mga salita ang mga dating katrabaho ay maayos niya itong sinagot ng: “Nauunawaan ko ang kalagayan mo. Marahil ay nagagawa mo ‘to sapagkat hindi mo pa kayang mawala diyan sa kumpanya. Ngunit sana ay pag-isipan mo rin kung makakabuti ba talaga sayo na ipagtanggol ang kumpanyang umaabuso sa’yo lalo na at kulang-kulang na benepisyo lamang ang nakukuha mo rito. Baka panahon na upang magsalita at ipaglaban ang iyong karapatan?”

Marami ring mga dating empleyado ng kumpanya ang nakakita ng post ni Carol. Nang makita nilang pinagtulungan si Carol sa sarili niyang post ay ipinagtanggol nila ito at ibinahagi rin ang mga hindi kanais-nais na karanasan nila sa kumpanya pati sa paninira nito sa mga kalabang kumpanya.

Nang dahil dito ay unti-unting napagtanto ng mga empleyado na mali na ang ginagawa nila.

“Tama si Ma’am Carol. Mali naman talaga ‘yung mga ginagawa natin,” ang sabi ni Jepoy.

“Talaga rin namang may pagkukulang ang kumpanya,” wika ni Allan.

“Siguro nga panahon na para magsalita tayo at ipaglaban ang nararapat sa atin,” ang sabi ni Rica.

Sa dami nang palitan ng komento sa post ni Carol ay naka-agaw pansin ito sa mga media. Naging malaking isyu ito sa kanilang industriya lalo na at nagkaroon ng patong-patong na mga kaso laban sa dating kumpanya ni Carol. Ito ay tuluyang ikinasira ng kumpanya at naging daan sa pagkalugi nito.

Nang dahil dito ay napilitan ang dating boss ni Carol na ipagbili ang kumpanya. Ito ay napagbili niya sa mahigpit niyang kalaban at isa sa mga siniraan niyang kumpanya. 

Ito ay ang ZYX Creative Marketing Company. Binili nila ito sapagkat naawa sila sa mga empleyadong mawawalan ng trabaho.

Bagamat alam nilang itong mga empleyadong ito ang naging instrumento sa pagkasira sa kanilang kumpanya noon ay nauunawaan nilang inutos lamang ito ng kanilang dating boss at wala  lang din silang magawa sapagkat ayaw nilang mawalan ng trabaho.

Isa pa sa mga naging rason nila ay nang dahil sa post ni Carol ay naibunyag na hindi totoo ang mga pangit na paratang sa ZYX Creative Marketing Company noon sapagkat ito’y mga gawa-gawa lamang ng dati nilang boss at naging malinaw ito sa industriya. Kaya naman pati si Carol ay inalok nilang bumalik sa kumpanyang binili nila.

Di kalaunan, nang dahil sa pagbili ng ZYX Creative Marketing Company sa kalabang kumpanya na nanira sa kanila noon ay mas lalong naging mabango ang pangalan ng kanilang kumpanya at mas tinangkilik ito ng kanilang industriya.

More Stories