Napahiya ang Nanay Dahil “Ang Maging Cellphone” ang Sagot ng Anak nang Tanungin ng Teacher Kung Ano ang Pangarap Nito

Nagmamadaling naglakad si Sophia papunta sa opisina ng guro ng 8 taong gulang niyang anak. Ipinatawag siya nito dahil may sasabihin raw sa kanya, akala niya ay simpleng PTA meeting lang kaya wala sana siyang balak dumalo pero hiningi pa ng guro ang number niya sa anak at tinawagan siya, importante daw talaga. Ano naman kaya ang ginawa ni Benjo? Sa isip isip ni Sophia.

Ang asawa niya ay isang Engineer at si Sophia naman ay manager sa bangko. May yaya ang nag iisang anak nilang si Benjo pero pagkarating nilang mag asawa ay umuuwi na rin ang kasambahay.

Marahang kumatok siya sa pintuan ng opisina.

“Pasok,” sabi ng tinig sa loob.

“Ako po ang mommy ni Benjo, bakit ninyo ako pinatawag?” tanong niya rito.

“Ma’am tungkol po ito sa homework ng mga bata noong isang araw.” sabi nito habang tila may hinahanap sa mga folder sa ibabaw ng mesa nito.

“Ano po’ng tungkol doon? Hindi ba pwedeng ang yaya na lang ang humarap? Alam ninyo po kasi umabsent ako sa opisina ngayong araw para dito, so inaasahan kong importante talaga ito.” medyo inis na wika niya.

“Mahalaga po ito, sabi ko kasi sa mga bata, isulat nila sa papel kung ano ang gusto nilang maging o kung ano ang pangarap nila, ito po ang isinulat ni Benjo sa homework niya.” iniabot ng guro sa kanya ang isang papel.

Advertisement

Gusto kong maging cellphone.

Bwisit na bata ito! Hindi sineseryoso ang pag aaral! Naikuyom ni Sophia ang kamay at nalukot ang papel, hindi niya na binasa ang nilalaman noon. Agad siyang tumayo.

“Ma’am, basah-” hindi na natapos ng guro ang sasabihin dahil dire-diretso nang lumabas ang babae sa opisina. Pinuntahan niya si Benjo sa classroom nito, recess ng mga bata.

“Benjamin.” seryosong tawag niya rito.

Agad nagliwanag ang mukha ng bata nang makita siya, first time lang kasi sinundo siya ng kanyang ina. Pero napalitan iyon ng takot nang pagalit na hablutin ni Sophia ang braso ng bata at hilahin ito palabas ng eskwela.

Pag uwi sa bahay ay pinaupo ni Sophia ang anak sa sofa.

“Ano ito? Benjamin ha?! Nag aaral ka ba talaga? May pumapasok ba sa utak mo? Nagtatrabaho kami ng daddy mo para mag-aral ka tapos puro kalokohan ang isusulat mo? Ano gusto mo maging cellphone? Aba siraulo pala ang batang to, hindi ka na nahiya sa mga kaklase mo gusto maging doctor at ikaw cellphone? Napahiyapa ako sa teacher mo.Bwisit ka lumayas ka nga sa harapan ko! Pumasok ka sa kwarto mo!” bulyaw niya rito. Pinipigil naman ng bata ang luha at tumakbo na sa kwarto.

Kinagabihan, kalmado na si Sophia. Kakausapin niya na sana ang anak nang maalala ang homework nito, dinampot niya ang gusot na papel at binasa iyon, inihanda niya ang sarili na muling magalit pero iba pala ang nakasulat.

Advertisement

Gusto Kong Maging Cellphone

Gusto kong maging cellphone para ako lagi ang hawak ni Mommy at sa akin siya lagi nakatingin, kapag kumakain, bago matulog, kahit kausap ko ang Mommy ay nagse-cellphone siya, sana ako nalang iyon.

Gusto kong maging cellphone para ako na lang ang kalaruin ni daddy, lagi kasi siyang nakatutok sa games sa cellphone. Malungkot akong maglarong mag isa.

Gusto kong maging cellphone para ako na lang ang kakausapin ng mommy at daddy ko.

Sana hindi na lang ako si Benjo, sana cellphone na lang ako para mas napapangiti ko ang magulang ko.

Hindi namalayan ni Sophia na tumutulo na ang luha niya. Naabutan siya ng mister sa ganoong posisyon at naalarma ito kung bakit siya umiiyak, ipinabasa niya dito ang sulat ng kanilang anak.

Agad nilang kinatok ang kwarto ni Benjo, at niyakap ang bata.

Minsan, sa sobrang abala natin sa gadgets ay nalilimutan nating bigyan ng atensyon ang mga bagay na mas mahalaga. Minsan lang bata ang mga bata kaya dapat ay sulitin na natin ang oras kasama sila.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!