Nakipagtanan ang Babaeng Ito Dahil sa Sobrang Higpit ng Kanyang mga Kuya, Isang Desisyong Nagpabago ng Kanilang Samahan Bilang Magkakapatid

Sampung taong gulang lamang si Luna nang mangibang bansa ang kaniyang magulang, kaya naman lumaki siya sa pangangalaga ng kaniyang tatlong kuya. Dahil nag-iisang babae lamang siya ay naging napakahigpit ng mga ito sa kaniya.

“Sinabing hindi ka pwede sumama sa field trip na yan.” Wika ng panganay na si Lucas.

“Gastos lang yan, dito ka na lang sa bahay.” Dagdag pa ng pangalawang si Ludwig.

“Pero kuya, nagpaalam naman na ako kina mama, pinayagan na nila ako.” Sagot niya.

Kalaunan ay pumayag din ang kaniyang mga kuya sa kondisyon na kasama niya ang kapatid na si Luther. Tinanggap na lamang niya ang kondisyon ng mga ito kesa makipagtalo.

Lalo pang naging mahigpit ang mga ito nang magsimula siya sa kolehiyo. Palagi nilang inaalam ang schedule ng kanyang mga klase at hindi siya maaring mag overnight kagaya ng kanyang mga kaibigan, kailangang nasa bahay na rin siya pagsapit ng alas otso. Pinagbabawalan rin siya ng mga ito na makipagkaibigan sa ibang lalaki.

“Nakakainis na sina kuya, palagi nalang akong pinagbabawalan, hindi naman ako bata.” wika niya sa kaibigan.

“Ipaliwanag mo lang sa kanila na dapat ka nilang pagkatiwalaan.”

Advertisement

“Sinubukan ko na iyan noon, katakot takot na sermon ang inabot ko.”

Sa ikatlong taon niya sa kolehiyo ay nagsisimula na siyang magrebelde sa mga kapatid. Patago na rin siyang nakipagrelasyon kay Aaron, isa sa kaniyang mga kabarkada.

“Hoy Luna! alas diyes na ng gabi ah, saan ka galing?” Wika ng pangatlong si Luther.

“Wala kayong pake! Hindi na ako baby kaya wag niyo na akong pakialaman.” sagot niya.

“Lasing ka ba? Kailan ka pa natutong maginom ha?” sabay sampal sa kaniya ng kuyang si Lucas.

Tila natanggal ang tama ng alak sa kaniyang katawan sa lakas ng hampas ng kapatid. Nagkulong siya sa kwarto magdamag. Samantala sa sobrang galit ng tatlo ay nagpasya silang pagbawalan siyang lumabas ng mag-isa. Nagkasundo silang ihahatid sundo siya sa eskwela araw-araw.

“Aaron, magtanan na tayo, hindi ko na kaya, para akong preso sa sobrang higpit ng mga kuya ko.” Pagaaya niya sa kasintahan.

“Sigurado ka ba Luna? Paano tayo tatakas? Eh hatid sundo ka pa ng mga kuya mo dito sa paaralan.” Sagot nito.

Advertisement

“Umalis na tayo ngayon, may dala akong konting damit, nakaalis na yun si kuya Ludwig, tara na.”

Desperado na siyang takasan ang kaniyang mga kapatid, pumayag din naman si Aaron sa pakiusap ng kasintahan. Dinala niya si Luna sa bakanteng bahay nila sa probinsya at doon ay nagtago.

Makalipas ang dalawang linggo ay natunton ng tatlong magkakapatid ang kinaroroonan nila at sapilitang kinuha si Luna.

“Ayoko kuya Lucas, dito lang ako, hindi ako sasama sa inyo.”

“Napakatigas ng ulo mo Luna, sasama ka o idedemanda ko ng kidnapping ang nobyo mo?”

Sa takot na madamay pa ang kaniyang nobyo ay sumama si Luna sa kaniyang mga kuya. Ayaw man niyang iwan si Aaron ay wala na siyang nagawa. Simula noon ay hindi na siya pinayagan pang lumabas muli, bantay sarado na rin siya. Isang araw ay bigla na lamang siyang hinimatay sa sobrang hilo. Isinugod siya sa ospital at doon napag-alamang nagdadalang tao na siya.

“Delikado ang lagay ng mag-ina, mahina masyado ang katawan ni Luna at halos walang nutrisyon na naipapasa sa bata.” Paliwanag ng doktor sa kaniyang kapatid.

Mula ng mawalay sa nobyo ay halos hindi na kumakain si Luna, wala na rin siyang ganang makipagtalo pa sa mga kuya at palaging nakakulong sa kwarto.

Advertisement

“Wala na tayong magagawa, andiyan na yan eh, ipatawag mo ang nobyo ni Luna, kailangan natin siya makausap.” utos ni Lucas kay Luther.

Buong tapang na hinarap ni Aaron ang tatlong lalaki at nangakong pananagutan niya ang mag-ina. Ayaw man nina Lucas na pakawalan ang bunsong kapatid ay binasbasan na nila ang pagpapakasal nito.

Umuwi rin ang mga magulang nila para sa biglaang pagpapakasal ng bunso nilang anak.

“Kuya sorry, naging desperada ako sa kalayaan at binigo ko kayo.” wika niya sa mga kapatid.

“Naisip kong kami ang dapat sisihin dito Luna, naging sobrang higpit namin sa iyo, kung sana ay pinagkatiwalaan ka namin ay hindi mo ito nagawa.”

Niyakap niya ang mga kuya at silang apat ay nagkapatawaran, nagsimula si Luna ng sarili niyang pamilya kasama si Aaron. Naging malambot namang muli ang puso ng kaniyang mga kuya nang makilala na nila ang kaniyang bibong anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!