Ninais ng Dalaga na Ipalaglag ang Dinadalang Sanggol Matapos Siyang Iwan ng Kasintahan, Hindi Niya Inaasahan na Ibang Tao ang Tatayong Ama ng Kaniyang Anak

“Bes, kapag nagka-baby ako, ninong ka, ah,” saad ni Cecille kay Gio.

“Ang tagal pa nun, eh. Kailan ba ang kasal?” pabirong sabi ni Gio sa matalik na kaibigan. Bigla itong napaisip.

“Teka, buntis ka ba?” Tanong ni Gio.

“Oo, Bes, kanina ko lang nalaman,” nakangiting sagot ni Cecille. Nagulat si Gio at biglang nalungkot ngunit hindi niya ito ipinahalata sa matalik na kaibigan. Pinilit niyang ngumiti at binati ito.

“Congrats sa inyo ni Julio! O, sige na, papasok muna ako sa trabaho, ah. Usap uli tayo mamaya,” pagpapaalam ni Gio.

Pagkatapos makalabas ni Gio sa trabaho ay agad niyang tinawagan si Cecille ngunit hindi nito sinasagot ang tawag. Maya-maya ay nakatanggap na lamang siya ng text mula rito.

“Bes, tsaka na lang tayo mag-usap. Magkasama kami ni Julio.”

Hinayaan na ito ni Gio at naisip niyang baka nagdidiwang ang dalawa. Upang matakasan ang sakit na nararamdaman niya sapagkat matagal niya nang iniibig si Cecille ng palihim ay napagdesisyunan niyang tanggapin ang alok na trabaho ng kaniyang tiyahin sa ibang bansa.

Advertisement

Sa kabilang banda ay nakaupo sina Cecille at Julio sa isa sa mga upuan sa parke ng biglang naglambing si Cecille at yumakap kay Julio. Ilang saglit pa ay may pinakitang pregnancy test si Cecille.

Nagulat si Julio at kumalas sa pagkakayakap ni Cecille.

“Anong ibig sabihin niyan?” galit na tanong ng binata.

“Magkaka-baby na tayo,” sagot ni Cecille na may pag-aalangan sa reaksyon ng nobyo.

Biglang napatayo si Julio. “Akin ba talaga yan?”

“Babe, anong klaseng tanong yan?” maluha-luhang tanong ni Cecille.

“Masyado pa tayong mga bata para diyan. Ayaw ko pang maging ama. Hindi pa ako handa. Itigil na natin ‘to!” tugon ni Julio sa dalaga.

Hindi niya na inantay pang makapagsalita si Cecille. Tumalikod na siya at naglakad palayo. Labis na nagulat si Cecille sa naging reaksyon ni Julio at dahil dito ay matagal siyang napatulala habang iniiwan ng dating nobyo at hindi niya nang nagawang habulin pa ito.

Advertisement

Noong bumalik na siya sa wisyo ay sinubukan niyang tawagan ang selpon ni Julio. Paulit-ulit niya itong tinawagan ngunit hindi siya sinasagot nito hanggang sa hindi niya na ito matawagan. Tinadtad niya na lamang ito ng mga mensahe at nag-aantay ng reply habang umiiyak siyang mag-isa sa pinag-iwanan sa kaniya ni Julio. Sa labis na kaguluhan ng kaniyang utak sa kung ano na lang ang mangyayari sa kaniya at sa sanggol na kaniyang dinadala ay nagulat na lamang siya at nasa tapat na siya ng bahay nila.

Kinabukasan, pagkagising niya ay napagdesisyunan niyang ipalaglag ang bata. Palabas na siya ng bahay ng biglang may kumatok sa kanilang gate. Nagulat siya nang pagbukas niya ay tumambad sa harap niya si Gio. Bigla niya itong niyakap at iniyakan. Noong siya ay nahimasmasan ay pumasok sila sa loob ng bahay at doon niya na ikinuwento ang mga nangyari at ang kaniyang masamang balak.

Galit na galit si Gio at ninais na sugurin si Julio ngunit nagmakaawa si Cecille na huwag itong sasaktan. Nabaling ang galit ni Gio kay Cecille sa tangka nitong pagpapalaglag sa sanggol.

“Huwag na huwag mong ipapalaglag ‘yang batang ‘yan! Wala siyang kasalanan!” Pagalit na sinabi ni Gio.

“Pero hindi ko kayang mag-isa,” maluha-luhang sagot ni Cecille.

“Hindi ka nag-iisa. Nandito ako, nandito kami ng pamilya mo. Tutulungan ka namin,” tugon ni Gio.

Nung matapos ang kanilang usapan ay palihim na hinanap at pinuntahan ni Gio si Julio. Pagkakitang-pagkakita niya rito ay sinugod niya agad ito ng sapak. Sinaktan niya ito hanggang sa inawat na lamang sila ng mga tao sa paligid. Nais pa sanang bumawi ni Julio ngunit dahil siya ay napuruhan na ni Julio ay pinili niya na lang tumakbo palayo.

“Wala kang kwentang lalaki!” sigaw ni Gio.

Advertisement

Kinabukasan ay tinawagan ni Gio ang kaniyang tiyahin at umatras ito na magtrabaho pa sa ibang bansa. Sa kaniyang isipan ay mas kailangan siya ni Cecille sa mga panahong iyon kaya naman mula noon ay araw-araw niyang sinasamahan ang matalik na kaibigan na si Cecille. Siya na rin ang parating kasama nito sa mga checkup sa doktor at sa tuwing ito ay magpapa-laboratoryo. Minsan nga ay pinagkakamalan siyang ama ng sanggol na dinadala ni Cecille.

Noong umpisa ay hindi na lamang nila ito pinapansin ngunit isang beses ay sinang-ayunan niya ito at inako na sa kaniya ang sanggol. Nagulat si Cecille at tinanong ang matalik na kaibigan kung bakit niya sinabi ‘yon.

Doon na umamin si Gio sa matagal niyang lihim na pag-ibig para sa dalaga.

“Sana bigyan mo ako ng pagkakataon na mahalin ka at ang anak mo. Hayaan mong maging karamay niyo ako sa inyong buhay at aalagaan ko kayo,” pahayag ni Gio.

“Pero… Matalik na kaibigan kita,” tugon ni Cecille.

“Hindi kita minamadali. Hayaan mong ligawan kita,” wika ni Gio. Ngumiti sa pagsang- ayon si Cecille.

Pagkapanganak ni Cecille ay sinagot niya na rin si Gio. Hindi pa man ikinakasal ang dalawa ay pinanagutan na ni Gio ang sanggol. Siya na ang tumayong ama nito at tumutustos sa mga gastusin nito kahit hindi pa sila nagsasama ni Cecille. Makalipas ang dalawang taon ay nagpakasal na rin ang dalawa at masaya silang namuhay bilang isang buong pamilya.