Natanggal sa Trabaho ang Doktor Dahil sa Gulong Kinasangkutan Niya; ‘Di Niya Akalaing Hahanapin Siya ng mga Pasyente na Magbibigay Daan Patungo sa Magandang Oportunidad

Pinatawag si Doc Lucy ng kanilang punong doktor dahil sa kumakalat niyang bidyo online. Kinausap siya nito at pinagsabihan na hindi dapat siya nasasangkot sa mga ganoong klaseng eskandalo lalo na’t maaring madamay ang prestihiyosong nilang ospital. Pinakita din nito ang mga komento sa kumakalat na bidyo.

“Hindi ba’t si Doc Lucy ‘yan doon sa napakagandang ospital?” komento ng matandang babae sa internet.

“Oo nga, siya ‘yon! Naku! Bakit naman napasama sa ganiyang eskandalo ang doktor na mula sa kilalang ospital? Nakakahiya naman,” sagot ng isa pang babae sa unang nagkomento.

“Ganiyang klaseng mga doktor ba talaga ang tinatanggap sa mamahalin at prehistiyosong ospital na ‘yon? Asal kalye naman, sumasali pa sa mga ganiyang gulo,” komento naman ng isang lalaki.

“Naku! Kung ganiyang klaseng mga doktor lang pala ang kinukuha nila doon eh dapat babaan nila ‘yong singil nila. Hindi na nga ako magpapatingin doon,” komento naman ng isa pang ginang.

Ikinagulat ni Doc Lucy nang mabasa niya ang mga komentong ito. Hindi niya akalaing lalaki at aabot sa ganito ang epekto ng pag-aaway ng kaniyang ina at tiyahin.

“Marami pang mga ganiyang comments ang kumakalat online. And obviously, it tarnishes the hospital’s reputation. I’m really sorry, but you’ll have to be suspended until this issue subsides,” sambit ng head nilang si Doc Albert.

“Pero Doc, hindi naman po ako ang nakipag-away diyan sa video na ‘yan. Inawat ko lang po ang nanay at tiyahin ko diyan. Wala naman po akong ginawang masama,” depensa ni Doc Lucy.

Advertisement

“But still, nadadamay na ang ospital natin diyan. Imagine, napasama sa maeskandalong video na ‘yan ang isa sa mga doktor ng kilala at prehistiyosong ospital. I’m sorry pero nakapagdesisyon na ang mga nasa itaas and you have to comply,” giit ni Doc Albert.

Nang dahil dito ay walang nagawa si Doc Lucy kundi sundin ito. Ipinaalam niya na lang din ang nangyari sa kaniyang pamilya at ina na nakonsensya sa pagkadamay ng anak sa gulo nilang magkapatid.

Mabilis ding nakarating sa kaniyang tiyahin ang balitang ito na imbes na pagsisihan ang nangyari ay natuwa pa. Bigla niyang nakita si Lucy na daan upang makapaghiganti sa kapatid niya na ina nito kaya naman mas lalo niyang siniraan ang doktor sa internet. Ginatungan niya at ng kaniyang mga anak ang masasamang komento kay Lucy sa bidyo gamit ang magkakaiba at mga pekeng account na ginawa nila.

“Tingnan niyo naman kung paano tinulak ng doktor na ‘yan ‘yong kaawa-awang matanda. Anong klaseng doktor ang gagawa niyan?” komento ng isa sa mga account na ginawa ng tiyahin ni Doc Lucy.

“Ang mga doktor, nagpapagaling ‘yan ng mga may sakit, hindi ‘yong sila pa ang nanakit. Hindi niya na inisip, paano kung masaktan ‘yong matanda? Baka nga may sakit na pala ‘yon at lumala dahil sa ginawa niya,” komento pa ng isa sa mga pekeng account.

Nang makita ito ng dalawang anak ni Doc Lucy ay ipinagtanggol agad nila ang kanilang ina.

“Wala naman kayo roon para magsalita ng masasakit at para makapanghusga ng kapwa,” komento ng panganay na anak.

“Umaawat lang si Mama sa away nina lola. Hindi niya sinasadyang natabig si Lola Esther nang masaktan siya sa panghahampas nito na sinalo niya para kay Lola Crisanta,” komento naman ng bunsong anak ni Doc Lucy.

Advertisement

Ngunit kahit anong pagtatanggol ng dalawang anak ni Doc Lucy sa kaniya ay wala silang nagawa nang pinagtulungan sila ng mga pekeng account sa panig ng kanilang Lola Esther. Sa dami nito ay mas nangibabaw ang masasama at masasakit na mga komento laban sa kanilang ina.

Nagpatuloy ito ng ilang araw pa hanggang sa nakarating ito sa ospital na pinagtatrabahuhan ni Doc Lucy. Muli siyang pinatawag ni Doc Albert upang ipaalam sa kaniya ang desisyon ng mga nakatataas na tanggalin na siya sa trabaho nang dahil sa eskandalong ito.

Sinubukan niyang makiusap na ‘wag itong gawin sa kaniya lalo na’t usap-usapan lamang ito sa internet at maayos naman siyang magtrabaho sa ospital. Ngunit kahit anong pakiusap niya upang mabago ang desisyon sa kaniya ay hindi siya nagtagumpay. Wala rin daw magawa si Doc Albert sapagkat napakahalaga umano sa mga nakatataas na hindi masira ang pangalan ng kanilang ospital.

Napabuntong hininga na lamang sa pagkadismaya si Doc Lucy nang dahil dito. ‘Di niya inasahan na ganito ang kahihinatnan niya matapos ang lahat ng pagsusumikap niya upang makarating sa maayos na posisyon niya sa ospital na iyon.

Ilang linggo ang nakalipas ay hinahanap-hanap na si Doc Lucy ng kaniyang mga pasyente sa ospital. Tumatanggi silang magpatingin sa ibang doktor at pilit na siya ang ninanais nilang tumingin sa kanila.

Nang malaman nila ang nangyari sa kanilang doktor ay kinontak siya ng mga ito upang itanong kung saan siyang ospital na lumipat. ‘Yong iba naman ay nakiusap sa kaniya kung maari silang magpatingin sa kaniyang tahanan nang malaman na wala pa siyang bagong ospital na nalilipatan.

Dahil dito ay naisipan ni Doc Lucy na magbukas ng maliit na klinika sa kanilang tahanan kung saan sinundan siya ng mga dati niyang pasyente at nagkaroon pa siya ng mga bagong pasyente.

Makalipas ang tatlong buwan ay nabalitaan ni Doc Randy na kakilala ni Doc Lucy sa medical school ang pagdumog sa maliit niyang klinika kaya naman inalok siya nito na magklinik din sa ospital ng pamilya nito.

Advertisement

“Doc, sana tanggapin mo ang alok ko. Sigurado akong mas marami ka pang mapapagaling na mga pasyente kung magkakaroon ka rin ng clinic sa mismong ospital. Hindi mo rin kailangang intindihin ‘yong tungkol sa video at mga comments sa internet. Mas importante sa ospital namin kung anong kaya mong gawin bilang isang doktor. Labas na kami sa personal mong buhay. At saka kitang-kita naman kung gaano ka kahusay na doktor. I mean, hindi ka naman dudumugin dito kung hindi ka magaling at mabait na doktor, ‘di ba?” pang-eengganyo ni Doc Randy.

Napangiti si Doc Lucy sa sinabing ito ni Doc Randy at tinanggap ang alok nito. Malaki ang pasasalamat niya sa oportunidad na ito sapagkat matapos kumalat ang bidyo sa internet at nang matanggal siya sa dati niyang pinapasukang ospital ay hindi na siya makapasok pa sa ibang mga ospital.

Sa pagpasok ni Doc Lucy sa bagong ospital na ito at habang patuloy pa rin siyang tumatanggap ng mga pasyente sa kaniyang klinika sa bahay ay mas dumami pa ang mga pasyente niya.

‘Di kalaunan ay kinilala siya bilang mahusay at mapag-alagang doktor. Naging matagumpay siya at nagkaroon ng mataas na posisyon sa ospital nina Doc Randy na ginagalang sa larangan ng medisina. Tuluyan na ring nabaon sa limot ang bidyong sumira sa kaniyang karera at ‘di na rin siya nagawang lapitan pa ng pamilya ng kaniyang tiyahin nang magkasakit ito dahil sa labis na kahihiyan sa paninirang ginawa nila sa kaniya noon.