Hindi Inakala ng Isang Batang Ama ang Hirap na Daranasin Niya Upang Magampanan ang Responsibilidad ng Isang Padre de Familia

Ayaw ni Miguel na masyado siyang pinakikialaman. Binata na siya. May kakayahan na siyang magdesisyon para sa kaniyang sarili. Alam niya kung ano ang tama at mali. Sinusunod niya ang lahat ng gusto ng kaniyang mga magulang maliban sa isa, ang pakikipagrelasyon niya sa kaniyang nobya. Sa tingin nila ay masyado pa siyang bata para pumasok sa isang relasyon.

“Ginabi ka na naman! Siguro magkasama na naman kayo ni Stella, ano? Di ba sinabi ko nang makipaghiwalay ka na sa kaniya?” Bungad ng ama ni Miguel pagdating niya sa bahay.

“Masyado pa kayong mga bata. Pwede naman maging magkaibigan muna kayo!” Pahabol na sigaw ng kaniyang ina habang umaakyat siya ng hagdan.

Desidido si Miguel na patunayan sa kaniyang mga magulang na kaya niyang magdala ng relasyon. Na kaya niyang panindigan ang pagmamahalan nila ni Stella.

Ilang araw matapos ang kanilang high school graduation ay nagtanan sina Miguel at Stella. Masaya ang naging pagsasama ng magkasintahan. Tuwing weekdays ay pumapasok sila sa kanilang mga part time na trabaho para makaipon ng pang-matrikula nila sa kolehiyo. Pagsapit ng weekends ay namamasyal naman ang magkasintahan.

Buwan ang lumipas at isang pangyayari ang nagpabago sa takbo ng pagsasama ng magkasintahan. Maagang nagdalantao si Stella. Bagama’t hindi inaasahan ay niyakap ni Miguel ang panibago niyang responsibilidad ng buong puso. Napilitang huminto ang dalawa sa pag-aaral. Naging maselan ang pagbubuntis ni Stella. At para matustusan ang kanilang pangangailangan ay naghanap ng permanenteng mapapasukan si Miguel.

Sa pagsilang ng kambal nina Miguel at Stella ay nagsimulang magkalamat ang kanilang pagsasama. Palagi nang nag-aaway ang dalawa. Nahirapan si Stella na pagsabayin ang kaniyang pag-aaral at pag-aaruga sa kanilang mga anak. Minsan ay nakakalimutan niyang pakainin ang mga pobreng sanggol. Maraming pagkakataon din na madadatnan ni Miguel ang mga anak na punung-puno ng dumi ang lampin o di kaya ay mapanghi ang suot nilang damit. Ito ang madalas na pinag-aawayan ng dalawa.

Dahil high school lang ang natapos ni Miguel ay hindi siya nakahanap ng magandang trabaho. At dahil siya lang ang naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya ay nabaon sila sa utang. Kahit tatlong part time job na ang pinagtratrabahuan ni Miguel ay hindi pa rin sapat ang kaniyang kinikita para sa panggastos nila sa bahay. Mabuti na lang at mabait ang may-ari ng kanilang inuupahan kung hindi ay baka sa bangketa na sila natutulog. Ang tanging pampalubag loob ni Miguel ay ang makita ang matatamis na ngiti ng kaniyang kambal tuwing uuwi siya ng pagod galing sa trabaho.

Advertisement

Isang gabi ay hindi inaasahan ni Miguel ang kaniyang madadatnan nang makauwi siya mula sa kaniyang pinagtratrabahuan. Nahirapan siyang makasakay dahil sa malakas na ulan dulot ng bagyo. Nadatnan niyang umiiyak ang kambal sa kanilang kuna ngunit wala si Stella. Wala na rin ang mga damit nito sa aparador. Iniwan na siya ng kasintahan. Binuhat ni Miguel ang isa sa kambal para patahanin ngunit nabahala siya nang malamang inaapoy ito ng lagnat. Agad niyang sinuri ang isa pa niyang anak at mataas din ang lagnat nito.

Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Miguel noong panahong iyon. Magkahalong galit para sa kaniyang kasintahan at pag-aalala para sa kaniyang mga anak. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Sa sobrang taranta ay natabig niya ang kwadro na may litrato ng kaniyang mga magulang. Naalala niya ang mga pangaral ng magulang na kaniyang binalewala. Agad niyang binuhat ang kaniyang mga anak at sinuong ang malakas na bagyo para makahingi ng tulong sa kaniyang mga magulang.

“Parang awa niyo na! Tulungan niyo ang mga anak ko! Mga apo niyo sila!” Pagmamakaawa ni Miguel sa kaniyang mga magulang nang pagbuksan siya ng pinto.

Agad siyang inagapayanan ng kaniyang mga magulang para masugod agad sa ospital ang kaniyang mga anak. Sa kabutihang palad ay naagapan ang paglala ng sakit ng kambal.

Nagsisisi si Miguel kung bakit nagmadali siyang bumuo ng sarili niyang pamilya. Kung nakinig lamang siya sa kaniya mga magulang ay hindi magdurusa ang kaniyang mga anak. Laking pasasalamat niya at muli siyang tinanggap ng mga ito ng walang pag-aalinlangan. Ni hindi nila siya sinisi sa kinahinatnan ng kaniyang buhay.

Paglaki ng kaniyang mga anak ay ituturo niya sa kanila ang kaniyang pinagdaanan dahil hindi siya nakinig sa kaniyang mga magulang ng sa ganoon ay hindi sila matulad sa kaniya.