Mensaheng Natanggap ng Aking Asawa

Dalawang buwang buntis ang asawa ni George at maselan ang pagbubuntis nito kaya nag-aalangan ang lalaki na tumuloy sa kaniyang lakad lalo pa at apat na araw din siyang mawawala.

“Tumuloy ka sa Isla Paraiso. Inaasahan ng mga tao ang pagbisita mo. Nangako ka sa kanila na pupunta ka doon isang beses sa isang buwan para magsagawa ng libreng checkup kaya huwag mo silang biguin. Huwag kang mag-alala sa akin. Ayos lang ako. Tsaka kasama ko naman si Nanay Belinda,” pangungumbinsi ni Daisy sa kaniyang asawa. “Pero ilang araw ng masama ang pakiramdam mo. Mas makakabuti kung ako ang mag-aalaga sa iyo,” tugon ni George.

“Doktor ka. Alam mong normal lang sa buntis ang sumama ang pakiramdam paminsan-minsan. Mas kilala ko ang katawan ko kaysa sa iyo. Nakakalimutan mo ata na doktor din ang napangasawa mo. Hindi ko pababayaan ang sarili ko,” sagot ng babae.

Apat na araw lang balak ni George mawalay sa kaniyang asawa. Dalawang araw aabutin ang biyahe papunta sa isla at pabalik sa kanilang bahay. At dalawang araw siyang maglalagi sa Isla Paraiso para mag-checkup at manggamot ng mga naninirahan doon. Pero sa kasawiang palad ay nasira ang bangkang magdadala sana sa kaniya pabalik sa daungan. Dalawang beses lang sa isang linggo kung bumyahe ang bangka papuntang isla at bibihira lang ang nagagawing bangka sa lugar kaya walang nagawa si George kung hindi manatili pa ng ilang araw.

“Mang Isidro, may kakilala po ba kayo na may telepono? Mahina at putol-putol ang signal sa selpon ko, eh. Tatawagan ko ang asawa ko. Ayoko siyang mag-alala lalo pa at maselan ang kalagayan niya,” tanong ni George. “Naku, iho, walang pambayad para sa linya ng telepono ang mga tao dito,” sagot ng matanda.

Walang nagawa si George kung hindi maglakad-lakad sa dalampasigan ng maliit na isla sa pag-asa na makasagap ng mas malakas na signal. Tuwing papalarin ang lalaki ay agad niyang tinatawagan si Daisy pero sa tuwing sasagutin ng asawa ang tawag ay bigla na lang napuputol ang linya bago pa niya maikwento ang nangyari kaya isang simpleng text na lang ang kaniyang pinadala. Sana nga lang ay matanggap ng babae ang kaniyang mensahe.

Ikaapat na araw na ni George sa isla. Wala siyang natanggap na reply mula kay Daisy kaya hindi siya sigurado kung natanggap ba ng asawa niya ‘yung text o kung nagreply ang asawa pero hindi niya natanggap. Sobrang miss na niya si Daisy. Bagot na bagot na rin siya. Para libangin ang sarili ay naisipan niyang isulat ang mga gusto niyang sabihin sa asawa sa buhangin ng dalampasigan gamit ang isang maliit na kahoy. Pagkatapos ay kinunan niya ito bago niya ito ipinadala kay Daisy.

Alalang-alala na si Daisy sa kaniyang asawa. Hindi pa ito nakakauwi at wala din siyang natatanggap na tawag o text man lang mula dito. Kung hindi nga lang masama ang pakiramdam niya ngayon ay siya mismo ang tutungo sa isla para hanapin ito.

Advertisement

“Anong sabi ng mga pulis, Nanay Belinda?” usisa agad ng babae pagkabalik ng kanilang katulong mula sa presinto. “Wala naman daw po silang nababalitaang lumubog na bangka o kahit na anumang aksidente sa dagat. Tatawagan daw nila kayo pag may nasagap na silang balita.”

Magtatanong pa sana ulit ang babae nung biglang tumunog ang kaniyang selpon. Nung tinignan niya ang natanggap niyang mensahe ay hindi niya napigilang ngumiti ng malapad. “Okay lang si George, Nanay Belinda. Wala tayong dapat ipag-alala. Sabihan niyo na lang ang mga pulis na nag-text na siya para ihinto na nila ang paghahanap.”

Ilang araw pa ang lumipas bago nakauwi si George sa kanilang bahay. Ang bungad agad sa lalaki ng kaniyang nag-aalalang buntis na asawa ay kung bakit hindi siya nakauwi sa takdang araw.

“Kung ganoon tama ang hinala ko. Hindi mo natanggap ang text ko. Buti hindi ka nag-report sa mga pulis,” saad ni George sa asawa matapos niyang magpaliwanag. “Nag-report na ko sa mga pulis. Pinahinto ko lang ang pagpapahanap sa’yo. Kung hindi ko natanggap iyong pinadala mong litrato siguro hindi mawawala ang pag-aalala ko sa kalagayan mo. Dahil sa litrato na iyon alam kong ayos ka lang kaya nawala na ang takot sa puso ko,” tugon ni Daisy.

Natawa na lang si George sa sinabi ng asawa. Hindi natanggap ni Daisy yung paliwanag niya kung bakit hindi siya makakauwi pero natanggap nito ‘yung litrato ng sinulat niya sa buhangin. Buti na lang ay naisipan niyang gawin iyon nung wala siyang mapaglibangan kung hindi ay baka nasugod na ang asawa niya sa ospital at nanganib na ang buhay ng kaniyang mag-ina dahil sa sobrang pag-aalala.

Muli niyang tinignan sa kaniyang selpon ang pinadala niyang litrato sa kaniyang asawa at nagpasalamat siya sa Diyos dahil natanggap ito ni Daisy at nawala ang pag-aalala nito para sa kaniya.

“Miss na miss na kita, Daisy. Boring dito sa isla dahil hindi kita kasama. Ayoko ng magising sa halik ng aso at amoy ng dumi ng baboy. Gustong-gusto ko ng umuwi pero wala akong magawa.”