Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Mabuti Nalang Naiwan Mong Bukas ang Pinto - Inday Trending

Mabuti Nalang Naiwan Mong Bukas ang Pinto

Nang magpunta sa Maynila si Grace ay inakala niyang umpisa na ito ng katuparan ng kanyang mga pangarap. Isang taon matapos mag-aral ng kolehiyo, nabigyan siya ng isang pagkakataong makapunta sa Maynila at magtrabaho sa kompanyang matagal niya nang pinapangarap na pasukan. Bata pa lamang ay pangarap niya na talaga na makapasok sa kompanyang iyon.

Labag man sa loob ng mga magulang ni Grace ay wala nang magawa ang mga ito sapagkat hindi talaga nagpapigil ang dalaga at talaga namang pilit ipinaglaban ang kanyang gusto. Labis man silang malulungkot sa pag-alis ng nag-iisang anak, wala na silang magawa kundi tanggapin na lamang ang desisyon ng anak.

Nang nakarating sa Maynila, labis na kasiyahan at kasabikan ang naramdaman ni Grace. Ito na ang simula ng kanyang mga pangarap. Naging maayos ang lahat para sa kanya. Wala siyang naging problema sa trabaho at masayang-masaya talaga siya sa kanyang ginagawa.

Pero di inakala ni Grace na ang magandang panaginip ay magiging isang bangungunot pala namg makilala niya ang isang lalaki sa isang pagtitipon. Ang pagdiriwang na iyon ay para sa mayayamang pamilya na may naglalakihang kompanya sa loob at labas ng bansa. Isinama siya ng kanyang boss doon at ginawa siya nitong personal assistant.

“Oh Grace, wag ka masyadong lalayo sa akin at baka mawala ka pa,” paalala sa kanya ng kanyang boss. Laking pasasalamat talaga ng dalaga na napakabait nito sa kanya, kaya naman hindi siya gaanong nahihirapan sa kanyang trabaho.

Sumunod lamang siya ng sumunod hanggang sa pumasok sila sa isang kwarto. Walang ibang tao sa loob ng kwarto kundi siya, ang kanyang boss at isang matanda, ngunit matipunong lalaki. Mukha itong ma-awtoridad, tindig palang nito ay malalamang may-ari din ang matanda ng isang malaking kompanya.

Nag-usap lamang ang kanyang boss at ang matandang lalaki. Bigla namang may dumating na mga tauhan ng hotel na may dalang mga pagkain at alak. Pinagsaluhan nila ito habang nag-uusap tungkol sa negosyo. Hindi madaling malasing si Grace pero hindi pa man niya nauubos ang isang baso ng kanyang inumin ay bigla na lamang siyang bumagsak.

Nagkatinginan naman ang kanyang boss at ang matanda. Ito talaga ang kanilang plano. Matagal ng may pagnanasa ang matandang mayaman sa dalaga at talaga namang pinagplanuhan nilang maigi kung paano mapapasakanya ang dalaga. Una ay sinigurado muna nilang makukuha ng kanyang boss ang buong tiwala ng dalaga. Nagtagumpay naman sila. Pangalawa, nang magkaroon ng pagkakataon, may inilagay silang gamot sa inumin, kaya naman agad na nawalan ng malay si Grace makaraan lamang ang ilang minuto.

Naalimpungatan si Grace ng makaramdam na may humahalik sa kanyang leeg habang binubuksan ang kanyang damit pang-itaas. Masyadong masakit ang kanyang ulo at nahihilo pa siya pero parang may ideya sa nangyayari sa kanya.

Hindi muna siya nagpahalatang gising na siya at hinintay ang tamang pagkakataon para kumilos. Nang nasa pinaka-ibabang parte na ng kanyang damit ang tinatanggal na butones, buong lakas niyang iniangat ang kanyang tuhod at tinamaan naman ang matanda sa may bandang dibdib at agad na natumba. Mabilis siyang tumayo at sinubukang tumakbo. Inikot niya muna ang paningin sa paligid at hinanap kung nasaan ang pinto, kaagad niya di naman itong nakita. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas pero dali-dali siyang tumakbo papunta sa pinto.

Nang pipihitin niya na sana ang pinto ay nahawakan naman ng matanda ang kanyang buhok at hinila siya pabalik. Mabuti na lamang at malapit lang ang maliit na mesa na pinag-inuman nila kani-kanina lang. Mabilis niyang naabot ang isang bote ng alak at malakas na hinampas ito sa ulo ng matanda. Nabasag naman ang bote ng alak at tuluyan ng nawalan ng malay ang matanda lmg lalaki habang may dugong umaagos sa ulo. Hindi niya na inisip pa ang matanda at agad na lumabas ng kwarto habang nakahawak sa ulo niya, dahil sa hilong nararamdaman. Mabuti na lamang at hindi ganun karami ang kanyang nainom kundi nalintikan na talaga siya.

Maya-maya lang ang napansing niyang may humahabol sa kanyang isang lalaking malaki ang katawan, bodyguard siguro ng matanda. Mabilis niyang hinubad ang suot na sapatos na may takong at ibinato sa lalaking humahabol sa kanya, swerte naman na tinamaan ito sa ulo kaya napatigil ito saglit at nabigyan siya ng oras na kumaripas pa ng takbo.

Pagkaliko niya ay may isang kwarto na naiwang bukas ang pinto, agad naman siyang pumasok sa loob at ni-lock ang pinto. Itinapat niya ang kanyang tainga sa may pinto upang masiguradong nakaalis o lumampas na ang lalaking humahabol sa kanya. Nakahinga naman siya ng maluwag ng marinig ang mga yapak nito papalayo.

Sa loob ng kwarto, nanlaki namang bigla ang mga mata ng isang lalaki, si Vincent, nang bigla na lamang may pumasok na babae sa kanyang tinutuluyang kwarto. Kakapasok niya lamang doon at naiwang medyo nakaawang ang pinto nang bigla na lamang may pumasok at ni-lock iyon. Gulo-gulo ang buhok nito, walang sout na sapatos, at bukas ang pang-itaas na damit kaya nakikita niya ang suot nitong damit panloob.

“Ah miss?” tatanungin niya sana ang babae ng bigla na lamang itong nawalan ng malay. Mabuti na lamang at nasalo niya agad ang dalaga.

Alam niyang nasa peligro ang dalaga kaya naman binuhat niya muna ito, inayos ang damit at hinintay itong magising. Labis sigurong napagod ang dalaga dahil tanghali na ng magising ito.

“Si-sino ka?” Tanong ng dalaga ng makita siya.

“Hindi mo ba naaalala ang nangyari kagabi?” Sagot niya naman sa dalagang nakahawak sa kanyang ulo.

“Ah. Naaalala ko na. P-pasensya na kung naabala kita at salamat na rin sa tulong mo,” nanginginig na usal ng dalaga.

“Shhh. Wag kang matakot. Ligtas ka rito. Sabihin mo sa akin ang lahat at tutulungan kita,” ipinakita niya sa dalaga ang kanyang badge na nagpapatunay na siya ay isang pulis.

Isinawalat naman ng dalaga ang lahat ng nangyari sa kanya simula ng pagdalo niya sa pagtitipon hanggang sa pagpunta nila sa kwarto at ang mga sunod pang mga pangyayari. Sinamahan siya ni Vincent sa prisinto at nagsampa ng kaso laban sa kanyang boss at sa matandang nagtangka sa kanya.

Mabuti nalang at mabilis kumilos si Vincent at nakakuha agad ng kopya ng video sa CCTV Camera nang naganap ang mga pangyayari bilang ebidensya laban sa mga nagtangka sa dalaga.

Nakulong ang kanyang boss. Samantalang nasa hospital pa rin naman ang matandang lalaki dahil sa tinamo nitong sugat sa ulo gawa ng pagkakahampas ng bote rito.

Nagresign din si Grace sa kompanyang kanyang pinagtratrabahuan at lumipat sa mas malaking kompanyang malugod din naman siyang tinanggap at agad na-promote dahil sa taglay niyang angking galing at husay sa kanyang trabaho.

Simula noon ay naging malapit na magkaibigan din sina Grace at Vincent na hindi nagtagal, nauwi rin sa pag-iibigan at kasalan. Makalipas lamang ang dalawang taon, masaya na silang nagsasama at hinihintay na lamang na lumabas ang kanilang panganay na anak na nakatakdang lumabas sa susunod na buwan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.